ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Inihahandog ng 'Front Row': Ang kuwento ng mga taga-'Karnabal'


AIRING DATE: February 1, 2014
AIRING TIME: 9:45 PM



Makulay, maingay at masaya ang bawat sulok ng karnabal na kilala rin sa tawag na perya. Pero para sa ilang Pilipino na ito ang pangunahing ikinabubuhay, higit pa ito sa isang lugar ng libangan at kasiyahan.

Sa loob ng mahigit limang dekada, karnabal na ang naging tahanan ni Reynaldo Española, animnapu't pitong gulang at mas kilala sa tawag na "Nanay Nors". Kahawig daw niya si Superstar Nora Aunor noong kabataan niya at hindi man siya sumikat sa telebisyon o pelikula, siya naman daw ang star ng entablado ng karnabal. Pero sa kanyang pagtanda, unti-unti rin daw kumupas ang kanyang kinang. at ngayo'y tagatinda na lang ng ticket ng roleta sa isang peryahan sa Batangas.



Si Virginia Ventura naman, apatnapu't tatlong taong gulang. sikat sa karnabal bilang "Ang Babaeng may Ahas". Tatlong malalaking sawa ang walang takot niyang ipinupulupot sa kanyang katawan kapalit ng kinse pesos na bayad ng bawat isang manonood. Buong pamilya ni Virginia ang kasama niyang naghahanapbuhay sa perya. Mahirap man daw dahil palipat-lipat at wala silang permanenteng address, mas pinili na nila ang buhay dito dahil marangal naman ang kanilang trabaho.

Tunghayan ang iba't ibang kuwento ng mga taga- "KARNABAL" ngayong Sabado, February 1, 2014 sa Front Row 9:45pm sa GMA News TV Channel 11.
Tags: plug