ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Aspiring rapper, nagsisikap na madiskubre kagaya ng idolong si Abra


Una nang itinampok ang kuwentong ito sa programang “Front Row”. Napapanood ang “Front Row” tuwing Lunes ng gabi, 11:30 p.m. (pagkatapos ng Saksi) sa GMA-7. I-like ang Facebook page at i-follow ang Twitter account ng Front Row.
__________________________________________________________________________________

“Ang pagra-rap ay isa sa mga pinakanakakatanggal ng problema. Kung walang rap, walang buhay ang music.” - Nellie G.



May ilang nagsasabing tila magulo, walang kabuluhan at puno ng kabastusan ang pagra-rap.  Sa kabila nito, maraming kabataang Pinoy ang labis na nahuhumaling sa istilong ito ng pag-awit - isa na rito ang 27 taong gulang na aspiring rapper na si Gerbinil Calvadores, o mas kilala sa kanyang alias na Nellie G. Sa katunayan, sa kanyang labis na pagkahilig dito ay nasalihan na raw niya ang halos lahat ng kompetisyon sa kanilang lugar at kalapit-barangay.

Isa raw sa mga nakaimpluwensya nang husto kay Nellie G. ay ang kanyang idolo na si Abra, isa sa mga sumisikat at papausbong na rapper sa bansa. Sa bilis ng bibig ni Abra at sa malalaman na katagang kanyang binibitawan, nabihag nang tuluyan ang aspiring rapper na si Nellie G.

“Gusto ko ring maging tulad niya kasi magaling siya eh. The best siya,” kuwento ni Nellie G. “‘Yung abilidad at tapang, kuha niya.”

 Mga pangarap at kabiguan



Malaki ang tiwala ni Nellie G. na madidiskubre din ang kanyang talento balang-araw. Hindi man ngayon, naniniwala siyang may tutulong din sa kanya upang sumikat katulad ng idolong si Abra.

“Parang gusto ko ring magkaroon ng kakilalang mayroong mare-record-an,” aniya. “Kasi ‘yun ‘yung wala ako eh.”

“Siguro talagang wala pa sa ngayon. Siguro magkakaroon din, kasi ‘di naman ako nauubusan ng [pag-asa] eh. Baka puwedeng ngayon, o bukas, may tumulong na sa akin,” dagdag niya.

Ngunit gaano man kapursigido si Nellie G., mukhang nananatiling mailap ang suwerte para sa kanya.

“Hindi pa siya nagiging first. Lagi siyang second place. ‘Yun [pagkapanalo] nga ang hinihintay ko eh,” sabi ni Aling Girly, nanay ni Nellie G. “Siyempre karangalan ko rin ‘yun bilang magulang, na magkaroon siya ng panalo.”

Lubus-lubos ang pagsuporta ng kanyang pamilya sa pagra-rap ni Nellie G. Bukod kasi sa pag-sideline nito sa pagbebenta ng electric fan at TV, ang pagsali sa mga rap competition ang pinagkakakitaan ni Nellie G. upang makatulong sa mga gastusin ng pamilya.

Panganay si Nellie G. sa pitong magkakapatid. Hiwalay na ang kanyang mga magulang, at may iba nang kinakasama ang kanyang nanay. May trabaho man si Aling Girly, hindi pa rin ito sapat upang matustusan ang mga anak kaya si Nellie G. ang nagpupuno sa ilang mga gastusin.

“Sabi ko naman sa kanya, ituloy niya ‘yan. Susuportahan ko siya,” ani Aling Girly. “Lagi ko siyang pinapanood sa mga contest. Ako pa nga ang pinakamaingay d’un eh,” natatawa niyang dagdag.

“Glory of Love”

 Ang “Glory of Love” ang pinakaunang komposisyon ni Nellie G. Sa panayam sa programang “Front Row,” pinaunlakan niya ang staff na iparinig ang kanyang awit.

Tungkol sa bigong pag-ibig ang tema ng kantang “Glory of Love”. “Itinuon ko siya sa tema ng Valentine’s. Doon ko siya itinimpla.”

Ipinagmamalaki ni Nellie G. ang awitin niyang ito. Aniya: “Baka sakaling dito sa kantang ‘to, magpapasalamat ako nang husto. Baka dahil dito, maging katulad na rin ako ng ibang [sikat na rapper].”

Ang paghaharap nina Nellie G. at Abra

Related video: Rapper Abra’s humble beginnings continue to inspire young rap artists




Sa isang bihirang pagkakataon, napagbigyan si Nellie G. na makaharap ang kanyang idolo na si Abra. Hindi lang niya ito nakaharap, nakasabay niya pa ito sa pag-awit.

Ayon kay Abra, malaki ang potensyal ni Nellie G. na makilala sa mundo ng pagra-rap.

Paalala sa kanya ni Abra, “dapat ‘pag nagra-rap ka, dedicated ka sa craft mo, kasi andami mong kailangang aralin d’yan eh.”

“Sobrang mahabang panahon ang kailangan mong i-invest,” dagdag ni Abra. “Marami ka pang mararanasan na ups and downs.”

Mas lalo pang nabuhayan ng loob si Nellie G. sa pagkilala ni Abra sa kanyang talento.

“Malakas ‘yung loob niya na kahit gan’on siya, maliit lang din [tulad ko], may talino siyang ipinapakita sa mga tao. Gusto ko ring maging kagaya niya,” nakangiting sabi ni Nellie G. —Donna Allanigue/CM, GMA News

Narito ang ilan pang kwento mula sa Front Row:

Burdadong Eba: Ang kuwento sa likod ng makukulay na tattoo
Two 'Foreignoys' who are truly Pinoy at heart
PHOTO ESSAY: How to (literally) sell yourself to survive
Ang panata ng mga deboto ng Itim na Nazareno
Tags: webexclusive