ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Sensei sa 'Front Row'



Tila musika sa pandinig ng mga Filipino English Teachers sa Japan ang tawagin silang “Sensei” ng mga bata sa pampublikong lugar. Ito ay salitang Hapon na nangangahulugang guro. Isa raw itong malaking karangalan para sa kanila lalo pa sa tuwing maiisip nila ang tila butas ng karayom na pinagdaanan bago maging ganap na titser.
 
Taong 1998 nang makipagsapalaran sa Japan si Love Hosoya kasama ang kanyang asawang Hapon na nakilala niya sa isang unibersidad sa Visayas. Noong una, sumabak siya sa iba’t ibang trabaho gaya ng pagdadaing ng isda. Nang minsang dumalo sa isang pagtitipon sa paaralan, nakiusap ang ilang mga magulang na turuan niya ng wikang Ingles ang kanilang mga anak.


Mula sa pagtuturo sa isang maliit na kuwarto sa kanilang bahay, dumami ang mga estudyante ni Love kaya kinailangan na niyang magrenta ng kuwarto sa city hall para doon idaos ang kanyang mga klase. Matapos sumailalim sa iba’t-ibang training, may animnapung estudyante na ngayon si Love mula pre-school hanggang highschool.


Nagsimula naman bilang kahera sa isang club si Daffodil Marqueses. Pero nang magkahigpitan sa mga Pilipinong nagta-trabaho sa Japan, naisipan niyang subukan ang maging isang English Teacher. Sa tulong ng Social Enterprise English Language School o SEELS na pinamumunuan ng Pilipinong si Cesar Santoyo, sumailalim si Daffodil sa training at nagsimulang magturo sa isang daang estudyante sa city hall.

Hindi naglaon, nakapagturo si Daffodil sa isang kumpanyang may mga paaralan sa iba’t ibang bahagi ng Japan. Makalipas ang anim na taon, na-promote siya bilang supervisor sa Tochigi.


Sa ngayon, boluntaryo siyang tumutulong sa mga kapwa niya Pilipinong nais magturo ng wikang Ingles sa Japan at nagbabalak din siyang magtayo ng libreng paaralan sa sarili niyang bayan.
Sa unang pagtatanghal ng Front Row sa bagong taon, sa pakikipagtulungan ng Japan FM Network o JFN kilalanin silang mga ‘Sensei’ ngayong Lunes, January 5, 2015, pagkatapos ng Saksi sa GMA.
Tags: sensei, frontrow