ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Tuklasin ang biyaya sa bug-atan, mamayang gabi sa 'Front Row'




Kapag low tide o kumati ang dagat, lumulusong ang magpinsang Marlito, 14 taong gulang at Rachel, siyam na taong gulang. Ang kanilang pakay, maghukay ng maliliit na butil ng shell na kung tawagin nila ay “bug-atan”.



Ika-pito sa sampung magkakapatid si Marlito kaya naman hirap sila sa buhay. Ang amang mangingisda, hindi laging marami ang huli at kung minsa’y nagkakasakit pa. Mangingisda rin ang ama ni Rachel na hindi rin sapat ang kita para sa kanilang magkakapatid. Nangunguha ng bug-atan si Rachel para kahit papaano’y makatulong sa pambili nila ng bigas.



Hindi biro ang pagkalap ng bug-atan dahil kalahating araw na nabibilad ang mga bata sa matinding sikat ng araw. Kung minsan, hindi rin daw maiwasang masugatan sila kapag may natapakang bato o matulis na bagay sa buhangin. May mga pagkakataon ding nasusugatan sila sa tangan nilang kalaykay na may matutulis na pako.

Ang lahat ng ito, tinitiis ng magpinsan kapalit ng kitang limang piso kada tabo ng makukuhang bug-atan. Sa kabila ng maagang pagbabanat ng buto, kapwa nag-aaral ang dalawang bata baon ang pangarap na balang araw, maiaaahon nila ang kani-kanilang pamilya mula sa kahirapan.



Tuklasin ang “Biyaya sa Bug-atan” ngayong Lunes sa Front Row, March 2, 2015 pagkatapos ng Saksi sa GMA!