Komedyante na si Whitney Tyson, kukumustahin sa 'Front Row'
Naaalala niyo pa ba si Whitney Tyson? Siya ang dating komedyanteng hinango ang “screen name” sa pangalan ng sikat ng singer na si Whitney Houston at sikat na boksingerong si Mike Tyson.

Nakilala si Whitney Tyson o Bonnie Fowler sa totong buhay sa larangan ng komedya noong dekada nubenta. Naging patok ang kanyang pagpapatawa noon sa telebisyon at pelikula. Pero sa paglipas ng panahon, naging matumal at tuluyan siyang nawalan ng karera.

Taong 2012 nang unang ibinahagi ng "Front Row" ang kuwento ni Whitney. Nakatira na siya noon sa ilalim ng tulay sa Nagtahan sa Maynila. Pero matapos nito, panibagong dagok ang sunod na dinanas ni Whitney nang nasunog ang tinitirhan nila sa ilalim ng tulay. Ngayon, napilitan silang manirahan sa isang resettlement area sa San Jose del Monte, Bulacan. Ang tanging pinagkakakitaan niya ay ang pagpapatawa sa mga piyesta. Kapag kinakapos, napipilitan daw siyang mangutang sa mga kaibigan at dating kasama sa showbiz.

Ang kuwento ng pagsubok at pag-asa sa buhay ni Whitney Tyson, sa "Front Row" ngayong Lunes, Nobyembre 14 pagkatapos ng Saksi sa GMA!