Lalaking isinilang na walang mga kamay, tampok sa 'Front Row'
FINALIST
2017 NEW YORK FESTIVALS
HUMAN CONCERNS CATEGORY

Inihahandog ng Front Row
YAPAK NI WILFRED
April 3, Lunes ng gabi pagkatapos ng Saksi sa GMA

Isinilang siyang walang mga kamay. Pero hindi ito naging hadlang para malimitahan ang sarili. Ganito ang kondisyon ng tatlumpu’t pitong taong gulang na si Wilfred de Guzman, tubong Paracelis, Mountain Province.

Ang kanyang mga paa ang nagsisilbi niyang mga kamay. Halos lahat ng gawaing bahay, kaya niyang gawin. Bata pa lamang daw siya, sinanay na niya ang sarili na matuto sa lahat ng trabaho. Nakakapagbuhat, nakakapagsulat, nakakapaglaba, nakakapagbitbit, ilan lamang ang mga ito sa marami pang ibang bagay na kayang gawin ni Wilfred. Ang mga sugat sa kanyang mga paa, tila tanda ng kanyang kasipagan at katatagan.

Si Wilfred na lang ang kasama ng kanyang mga magulang sa kanilang bahay. Minsan nang pumasok sa eskuwela si Wilfred pero dahil sa kakapusan, hindi niya ito natapos. Sa kabila nito, nangangarap siyang mabigyan ng magandang buhay ang sarili at kanyang mga magulang.