Amang naka-wheelchair, hatid-sundo ang anak sa paaralan
Hatid Sundo

Gamit ang wheelchair hinahatid sundo ni Tatay Alejandro ang kanyang bunsong anak na si Junior, araw araw. Pitong taong gulang na si Junior at nasa ikalawang baitang sa Pasig Elementary School. Bukod sa nakakatipid raw sa pamasahe, nasisigurado pa raw ni Tatay Alejandro na makararating ng ligtas ang kanyang anak kahit pa kasabay nila ang mga mabibilis at naglalakihang mga sasakyan sa kalye.

Dinapuan kasi ng sakit na polio si Tatay Alejandro nung siya ay limang taong gulang pa lamang. Kung tutuusin maswerte na nga raw at nakapag-asawa pa siya at nakapagumpisa ng sariling pamilya. Gayunpaman sinisiguro niya na walang hahadlang sa kanyang tungkulin bilang ama at haligi ng tahanan. Kahit na kung tutuusin ay isang simpleng bagay lang ang paghahatid sa kanyang mga anak sa eskwelahan, ito raw ang kanyang simpleng paraan para iparamdam sa anak niya ang kaniyang pagmamahal.

Samahan natin si Tatay Alejandro sa kanyang pag hatid sundong de wheelchair sa Front Row Lunes, pagkatapos ng Saksi. (kvd)