Mga makabagong Pinoy wrestler, kilalanin sa 'Front Row'
Inihahandog ng Front Row
“MAMBUBUNO
September 18, Lunes ng gabi pagkatapos ng Saksi sa GMA

Karaniwang mga kalalakihan ang nahuhumaling sa mundo ng wrestling. Pero sa atin, may iba na ring nahihilig dito. Si Santi, isa sa mga beterano miyembro ng Philippine Wrestling Revolution, isa siyang gay wrestler. Kung sa normal na araw, siya si Santi, tuwing Linggo siya naman si “Martivo The Man Doll”, ang makulay at masayahing wrestler.

Bata pa raw siya, pinangarap na niyang maging isang wrestler katulad ng mga iniidolo niyang babaeng wrestler sa World Wrestling Entertainment. Kaya sa kabila ng sakit ng katawan, pagod at minsang mapaghusgang pagtingin sa kanya, pinilit niyang makamit ang pangarap.

Kasama ni “Martivo The Man Doll” ang ka-tag team niyang si “Robynn”, isa namang babaeng wrestler. “Punk rock” naman ang napiling tema ni “Robynn”. Tulad ni Santi, bata pa lang ay inaasam na niyang maging isang wrestler.

Kaya hindi rin naging hadlang ang kasarian, matupad lang ang kanyang pangarap. “Punk rock” man, makikita pa rin kay Robyn ang pagiging isang babae sa makulay niyang costume at buhok.

Sundan ang kuwento ng pakikipagbuno nina “Martivo The Man Doll” at “Robyn” sa Front Row ngayong Lunes ng gabi, September 18 pagkatapos ng Saksi sa GMA!