Conjoined twins sa Bambang, Pangasinan, kukumustahin ng 'Front Row'
2014 nang unang ipalabas ng Front Row ang kuwento ng pamilya De Guzman mula sa Bayambang, Pangasinan. Isinilang ni Ludy sina Jerrylyn at Jennylyn, na conjoined twins o kambal na magkadikit sa dibdib noong Disyembre 2013. Matapos ipasuri sa espesyalista, napag-alamang magkadikit ang breast bone at iisa ang liver ng kambal, subalit hindi magkadugtong ang kanilang bituka at iba pang organs sa digestive system.

Nagtatrabaho bilang magsasaka ang tatay na si Jayson at nagtitinda naman ng isda si Ludy. May isa pa silang anak na babae. Halos wala nang pambili ng gatas ang mag-asawa para sa dalawang sanggol, at lalong walang paraan upang masolusyonan ang kondisyon ng dalawa. Tinatayang isa sa 50,000 hanggang 200,000 ang ipinapanganak na conjoined twins. At sa mga sanggol na may ganitong sitwasyon, 25 porsyento lang ang nakakaligtas.

Noong 2015, nagmagandang-loob ang Tzu Chi Foundation na ilipad ang mag-iina sa Taiwan upang subukang ipaghiwalay sina Jerrylyna t Jennylyn. Halos apat na taon matapos ipanganak at unang makilala, babalikan ng Front Row ang pamilya De Guzman. Ano na nga ba ang sitwasyon ng pamilya at kumusta na kaya ng kambal?