Lola na nagbabalik-eskuwela, tampok sa ‘Front Row’
Inihahandog ng "Front Row"
“BALIK ESKUWELA SI LOLA”
Lunes ng gabi, March 12, 2018, pagkatapos ng Saksi
Walang pinipiling edad ang karunungan. Ito ang paniwala ni Salvacion Nacario o Lola Sally.
Sa edad na 80 taong gulang, siya ang pinakamatandang mag-aaral sa Fort Bonifacio High School sa Makati. Kasalukuyang nasa Grade 11 si Lola Sally.
May mga iniinda man sa katawan, araw-araw siyang pumapasok sa eskuwela habang akay-akay ng apo niyang si Rose.
Noong kanyang kabataan, huminto sa pag-aaral si Lola Sally at 3rd year high school lamang ang kaniyang natapos. Dahil dito, hindi na niya naisakatuparan ang pangarap na maging isang military nurse.
Pero matapos ang mahigit anim na dekada, muli siyang nagbabalik-eskuwela. Bagamat tutol ang anim niyang mga anak, wala raw makapipigil sa kanya para ipagpatuloy ang pag-aaral hanggang sa kolehiyo.
Tunghayan ang dokumentaryong “Balik Eskuwela si Lola” ngayong Lunes, March 12 sa "Front Row" pagkatapos ng Saksi sa GMA-7.