Mga lolang minera sa Benguet, kilalanin sa 'Front Row'
FINALIST, 2018 NEW YORK FESTIVALS
BEST PUBLIC AFFAIRS PROGRAM CATEGORY
“Gintong Latak”
April 9, Lunes ng gabi, pagkatapos ng Saksi sa GMA

Sa bayan ng Itogon sa Benguet, bahagi na ng pamumuhay ng ilang kababaihan ang pagmimina sa loob ng mga tunnel. Ang ilang butas ng minahan dito, dati nang pinagkunan ng ginto ng isang malaking kumpanya. Kaya latak na lang ang kinukuha nila. Kadalasan, katulong nila sa paghahanap ng mga batong may ginto ang kanilang mga asawa, anak at apo. Kabilang sa kanila sina Lola Gatumay, pitumpu’t walong taong gulang at Lola Avelina, animnapu’t tatlong taong gulang.

Mahigit dalawampung taon na ang nakararaan mula nang pumanaw ang asawa ni Lola Gatumay. Pero hindi siya tumigil sa paghahanapbuhay. Katulong naman niya ngayon ang kanyang apong si Duran. Sumusuot si Duran mga malalalim at madidilim na yungib o tunnel para maghanap ng batong may ginto na kung tawagin nila ay nava.

Kapag nakaipon na ng mga nava, sina Lola Gatumay at Lola Avelina naman ang magpoproseso nito hanggang sa lumitaw ang ginto. Ang kinikita ni Lola Gatumay, itinutulong niya sa pag-aaral at pagkain ng kanyang mga anak at apo.

Sundan ang kwento ng mga minero at minera ng Itogon sa dokumentaryong “Gintong Latak," sa Front Row ngayong Lunes ng gabi, April 9, 2018 pagkatapos ng Saksi sa GMA.