ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

PHOTO ESSAY: Mga ‘di kumpletong road project at multi-purpose building sa Albay, Lanao del Sur


Noong 2008, P38.2 million ang inilaan ng lokal na pamahalaan ng Albay para sa pagpapagawa ng Mariawa-Namantao road project. Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang implementing agency ng proyekto.

Kasama sa halagang P38.2 M na hiningi ng lokal na pamahalaan ang drainage, slope protection, at concreting ng Mariawa-Namantao road. Pero sa pagbisita ng “Bantay Kaban” team sa Brgy. Mariawa, Legazpi, Albay, wala ang ni isa sa mga ito. 

Ayon din kay Engr. Clemente Ibo, presidente ng Philippine Institute of Civil Engineers-Albay Chapter, first class road na raw dapat ang Mariawa-Namantao road dahil malaking pondo na ang P38.2 M na inilaan para dito: “Considering [P38.2-M] for 1.5 kilometers, [dapat] super ganda na nito. Hindi ganito ang sitwasyon nito.”

“National road nga natin ay P20 million per kilometer lang, complete road na iyon at national road. Makapal iyon at maganda na iyon,” dagdag niya.

May 6, 2009 nang idineklarang 100 percent completed na ito. Nabayaran na rin nang buo ang contractor ng proyekto, ang Hi-Tone Development and Construction Company.

Mariawa-Namantao road project
 

 

P28.5 M ang inilabas para sa Mariawa-Anislag road project. Idineklarang 100 percent completed ang proyekto noon pang March 2009, batay sa status report ng DPWH Region V. May habang 1280 meters o 1.2 kilometers na idineklara sa report. Kasama rin sa status report ang pagkukumpleto ng mga lined canal sa gilid ng daan.

Subalit batay sa COA report, nasa 150 meters lang ang sementadong kalsada.

Mariawa-Anislag road project

P42.7 M ang inilaan na pondo para sa Mariawa-Mayon road project. Idineklarang 100 percent completed ang Mariawa-Mayon road project noong March 2009, batay sa status report ng proyekto.

Pero ayon sa COA, 297 meters lang ng kalsada ang sementado.

Mariawa-Mayon road project
 

Sa tala ng Department of Budget and Management, umabot sa mahigit P90 million ang inilaan ng lokal na pamahalaan ng Lanao del Sur para sa pagpapatayo ng mga multi-purpose building (MPB) mula 2010 hanggang 2013.

Binisita ng “Bantay Kaban” team ang Brgy. Putad, Tugaya, Lanao del Sur, kung saan may ipinatayong MPB na nagkakahalagang P500,000 mula sa pork barrel ni Congressman Pangalian Balindong at pinangunahan ng DPWH Region X bilang implementing agency. Pero nang datnan ng team ang nasabing MPB, mga poste lamang ang nakatayo imbis na gusali.

Kuwento ni Brgy. Captain Mohammad Sharief, “Hindi ito natapos dahil wala namang dinagdag nila. Kasi P500,000 ang funding nito kaya lang ang nakuha ko lang ay P50,000.”

“Tumatawag ako sa engineer. Hindi ko raw makukuha ‘yung pera na dagdag nila sa funding nito kung hindi ko raw ito matapos. Sabi [rin] nila mangutang ka, wala namang magpautang. Saan ako kukuha ng ipapautang ko?” ani Sharief.

Brgy. Putad multi-purpose building
 

Ganito rin ang kalagayan ng mga MPB sa Brgy. Gorain. Naglabas ang DBM ng P500,000 para sa pagpapatayo ng MPB subalit poste lamang ang mga nakatayo rito.

Brgy. Gorain multi-purpose building

Note: Sinubukan ng Bantay Kaban team na makapanayam ang Hi-Tone Development and Construction Company, contractor ng Mariawa-Namantao road projects, at Sunwest Construction Company, contractor ng Mariawa-Anislag at Mariawa-Mayon road projects, pero hindi sila nagpaunlak ng panayam noong umere ang episode.  

- Research by “Bantay Kaban” team, GMA News Research/Bernice Sibucao/CM, GMA News