Batang naging ina, tampok sa 'Karelasyon'
Airing date: July 4, 2015, 2:30 PM
Sa halip na pag-aaral ay love life ang mas inatupag at napagtuunan ng pansin ng mga estudyanteng sina Lorenz at Mela.
Si Mela ang inaasahan ng kaniyang mahirap na pamilya kaya masakit para sa kanilang sumama siya kay Lorenz noong siya ay mabuntis.
Habang nagdadalang-tao si Mela, nagpatuloy sa high school si Lorenz. Ang makapagtapos ng pag-aaral kasi ang hiniling ng ina ni Lorenz bago nila tinanggap si Mela sa kanilang pamamahay.
Binuksan nga nila ang pinto ng kanilang tahanan kay Mela pero hindi naman nila ito ituturing na pamilya. Ito ang susubok ang pagmamahal ni Mela kay Lorenz.
Sa dadanasan niyang pagmamalatrato mula sa pamilya ng kaniyang nobyo, paano niya ipaglalaban na manatili silang magkasama at buong pamilya? Mas pipiliin ba niyang iwan na lang si Lorenz at panindigan ang anak na mag-isa? Handa na ba talaga siyang maging batang ina?
Abangan ang mainit na kuwento sa Karelasyon tampok sina Krystal Reyes, Renz Valerio, Maria Isabel Lopez at Maureen Larrazabal, sa panulat at direksyon ni Zig Dulay. Ilalahad ito ni Ms. Carla Abellana ngayong Sabado, July 4, 2:30pm, pagkatapos ng Eat Bulaga.