ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Kuwento ng mahiwagang singsing, ibibida sa huling pagtatanghal ng 'Alamat'


Gaano kahalaga ang edukasyon para sa iyo?

Para kay Pedro, ito ang sagot sa kahirapan ng kanyang pamilya, pero sa mundo niya ang pinakamataas na antas ng kaalaman ay ang mahika! Ang problema, may masamang balak ang inggitero niyang maestro.  Matuklasan kaya ito ni Pedro at mapigilan ang kanyang guro bago mahuli ang lahat?


 
Sa huling pagtatanghal ng Alamat, tampok sina Roi Vinzon bilang Maestro, Jeric Gonzales bilang Pedro at si Bea Binene bilang Prinsesa, sa nakamamanghang kuwentong bayan na “Ang Mahiwagang Singsing.”
 

 
Madalas katakutan si Roi sa dahil nakaka-intimida lagi ang roles ng beteranong kontrabida, pero sa pag-boses niya kay Maestro, siya pala ang mahihirapan! “For the first time talagang pinawisan ako sa hirap talaga,” saad ni Roi. Pero laking pasasalamat rin niya, "Lumaki ang puso ko dahil ako ang naisip nyong bigyan ng pagkakataon. I'm glad talaga, sobra… Nag-enjoy ako dahil this is a different experience talaga. Gusto ko kasi dapat magawa ko rin hindi lang movies, hindi lang TV. Sana iyong mga ibang artista subukan din para ma-feel nila iyong mga naranasan namin, naranasan ko ngayon. Enjoy ako at hindi pala madali.”


Kuwento naman ni Jeric, “Iyong character ko dito si Pedro, isa siyang bata na curious, may gusto siyang maabot… may dream siya ng pagiging salamangkero.” Gaya ng karakter niya na isang shape shifter, sinubukan rin ni Jeric na mag-boses ng iba’t ibang hayop. “Same doon sa pinagdaanan ni Pedro na kahit na mahirap pinilit niya talaga. Naging aso, naging chicken, naging bird, pero kahit ganoon kahirap talagang nag-todo effort siya para lang makuha iyong dream niya.”

Si Bea naman, masayang makagawa ulit ng proyekto kasama ang GMA News and Public Affairs na siyang gumawa ng Alamat. Ani Bea, “I am very thankful, I’m very honored because mahal ko talaga ang Public Affairs and sobrang nakakatuwa dahil first time ko talagang [mag-voice] sa animated character so very, very happy and sobrang excited to watch the whole series. And it’s also an honor because this is the first in the Philippines di ba, and it is really something to be proud of.”

 
Para sa mga batang mahilig sa maaksyong cartoons ang episode na ito. Kaabang-abang ang mga pangyayari sa akademiya ng mahika na papasukin ni Pedro, at ang mga eksena ng kaniyang pagpapalit-anyo para talunin ang nakakagigil na Maestro ng Mahika.
 





Nakamamangha rin ang makulay na animation na gawa ng GMA Post Production, at ang script na isinulat ni Danzen Santos-Katanyag.

Ayon kay Danzen, kailangan ring magpatuloy ang ganitong uri ng palabas 'di lamang dahil sa mga aral na matututunan ng mga bata. “Ito iyong bagong paraan ng pagkukuwento sa telebisyon which is animation so ang dami nating mabibigyan ng trabaho: iyong mga magagaling mag-drawing, magagaling mag-sound design, magaling mag-animate na mga Pilipino so kapag pinag-mix mo siya iyon yung Alamat, iyon yung parang magbubukas ng mga bagong pintuan ng pag-iisip para sa mga bata and at the same time para sa mga graphic artist na behind this episode.”
 

Sa pagsasara ng unang aklat ng Alamat, natuklasan rin na marami pala ang naghahangad ng ganitong klase ng programa sa telebisyon kung ang basehan ay ang mataas nitong ratings kada Linggo. Ang posibilidad ng pagbukas ng pinto sa mas marami pang uri ng programang pambata na mayaman sa aral at kulturang Pilipino ay isang tagumpay na nakamit ng makasaysayang serye sa maikli nitong buhay.

Abangan kung anong hiwaga ang bumabalot sa “Mahiwagang Singsing,” at sabay-sabay tayong magpaalam sa Alamat ngayong Linggo, alas singko ng hapon sa GMA.