ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Dapat Tama music video, mapapanood na ngayong Biyernes sa '24 Oras'


Nitong Disyembre, natunghayan natin ang patikim sa election advocacy na muling ilulunsad ng GMA para sa eleksyon 2016 --- ang “Dapat Tama!”

Sa mga patikim na ito, nakita ang multi-awarded comedy actor na si Michael V. na pumapapel bilang sina Gov. Gary Palan, Mayor Dell N. Sha at Cong. Mimi Hasa na kumakatawan sa mga politikong ganid sa kapangyarihan, tiwali, at kapos sa kakayahan kaya hindi dapat pagkatiwalaan ng mga botante.

Komedya ang gagamiting sandata ng“Dapat Tama!”  upang paalalahanan ang publiko sa kahalagahan ng pagkilatis sa mga tumatakbo ngayong eleksyon.

Ngayong Biyernes, January 15, ipalalabas na sa 24 Oras ang music video ng pinakabagong jingle ng “Dapat Tama!”.  Dito makikita si Michael V. sa kanyang munting miting de avance na kinunan sa Plaza Miranda sa tapat ng simbahan ng Quiapo na noo’y sentro ng pulitika. Pero imbes na agenda sa pulitika, ang isinusulong ni Bitoy sa “Dapat Tama!” jingle ay ang kahalagahan ng tamang pagboto sa darating na eleksyon.

Ang election advocacy na “Dapat Tama!”  ay nagmula sa konsepto ni Ms. Jessica Soho at binuo ng GMA News and Public Affairs para sa Midterm Senatorial Elections noong 2013.  Kasama ang sikat na rapper na si Gloc 9 sa lumikha ng jingle para rito at siya rin ang umawit ng unang version na nagwagi ng mga parangal tulad ng 2013 CMMA Best Secular Song and Best Music Video, 2014 New York Festival Bronze World Medal for Music Video, at 49th Anvil Awards Merit Honors.

Abangan ang unang pagsasahimpapawid ng Dapat Tama music video ngayong January 15 sa 24 Oras. Masusundan pa ito ng marami pang aktibidad ng GMA News and Public Affairs para sa election advocacy sa mga susunod na buwan, hanggang May 9. Dahil ngayong eleksyon 2016, Dapat Tama!