Insecure na misis, ano ang gagawin sa 'Karelasyon?'

Knockout ang beauty ni Leni (Francine Prieto) lalong-lalo na noong kabataan niya. Pero ngayong nagkaka-edad na siya at matagal nang may asawa, tila nakalimutan na niya ang kanyang sarili. Bagamat kitang-kita pa rin ang kanyang kagandahan, lumubo na siya at hindi na kasing seksi noong dalaga pa siya. Kaya naman madalas ang kanyang timbang ang pinagmumulan ng kanyang insecurity lalo na at ang kanyang mister na si Tom (Gardo Versoza) ay gwapo at matipuno pa rin. Hindi pa nakakatulong ang pagiging lapitin ni Mister sa mga babae sa boarding house na kanilang pinamamahalan.
Mas lalong bibigat ang problema ni Leni sa pagpasok ng seksi at magandang bagong boarder si Maita (Roxanne Barcelo). Sa una pa lang, mapapansin na agad ni Leni ang mga katangian ni Maita na posibleng maka-attract sa kanyang asawa. Ngunit ang mga agam-agam niya ay pansamantalang mawawala nang kaibiganin siya ng magandang boarder. Si Maita pa nga ang magtutulak kay Leni na mag-diet at exercise. Pero sa likod ng magandang pakikitungo ni Maita, ay tipo pala talaga niya ang mga tulad ng asawa ni Leni.
Maakit nga kaya ni Maita si Tom?
Ano naman ang gagawin ni Leni kapag nalaman niya ang lihim na pagtingin ng boarder sa kanyang asawa? Isa na naman bang malaking gulo ito sa kanilang boarding house? Sa huli kaya, mas magiging matimbang ang pagmamahalan ng mag-asawa kaysa sa tukso ng mas bata at seksing si Maita?
Ito ang kuwento sa pinaka-bagong episode ng Karelasyon! Mapapanood kasama si Ms. Carla Abellana ngayong Sabado ng hapon pagkatapos ng Eat Bulaga.