ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Alamat ng Hopeless Romantic


 


Ang mahalimuyak na bulaklak ng gabi, bakit kaya naaamoy lang pagsapit ng dilim?


Sa susunod na pagtatanghal ng nag-iisang animation anthology series sa Pilipinas, ating matutuklasan ang mahiwagang Alamat ng Dama de Noche.


Noong mayroon pang natitirang hiwaga sa mundo, isang dalagang nagngangalang Dama ang biniyayaan ng kakaibang katangian. Tuwing siya ay nakadadama ng ligaya, mabangong halimuyak ang lumulutang mula sa kanya.


Humaling na humaling ang palikerong si Señorito Luis sa samyo ni Dama, at hindi siya tumigil hanggang sila’y mag-isang dibdib. Ngunit kung ano’ng saya ni Dama bago mag-asawa, tila napalitan ng pait at pasakit sa piling ni Luis. Dahil dito, unti-unting nawala ang kanyang mahiwagang halimuyak at mahaharap sa mabigat na sangang-daan: pilit buhayin ang nalalantang pagsasama o lumayo para lumago.



Kung gaya ni Dama, ika’y umibig at nasawi, pipiliin mo pa rin ba ang pag-ibig? O tatakas ka habang madilim at siya’y may ibang kapiling?

Ang matamis na tinig ni Dama, galing sa aktres at mang-aawit na si Frencheska Farr na gumanap rin bilang Tagapagsalaysay. Hindi pinalampas ang pagkakataong ito ng mga nasa likod ng Alamat para pakantahin si Frencheska ng orihinal na awiting “Ang Tanging Sinta” na komposisyon ni Ann Margaret Figueroa para lamang sa Alamat ng Dama de Noche.


Ang Kapuso actor na si Rafa Siguion-Reyna naman ang nagpahiram ng boses kay Luis. Unang sabak niya ito sa animation at magandang karanasan daw ito para lalong mahasa bilang artista. Kinanta rin niya ang awitin ni Luis habang ito’y nananaghoy sa mga tala para magkaroon ng mamahalin.

Drama, musika, hugot at nakabibighaning 3D animation ang naghihintay sa buong pamilya ngayong linggo sa "Alamat ng Dama de Noche", mula sa panulat ni Agay Llanera. Sabay-sabay nating abangan ang mahiwagang kuwentong ito sa ALAMAT, 5:15pm sa GMA.