Si Lola Feliza, ang huling tagapagsalita ng isang naglalahong wika
Sa isang tribo sa bayan ng Tapaz sa probinsya ng Capiz, may isang wika na ilang libong taon na raw ang tanda na nanganganib na tuluyang mawala.
Nang marinig ang balita, sinadya ng ‘Kapuso Mo, Jessica Soho’ team ang naturang probinsya. Walong bundok ang kanilang tinawid, sumakay ng habal-habal, binagtas ang masukal at matatarik na daan, at lumusong sa ilog na hanggang dibdib ang lalim.
Inabot ng lagpas siyam na oras ang paglalakbay bago matunton ng team ang pakay nilang tinig.
Dito sa barangay Tacayan, komunidad ng tribong Panay-Bukidnon, ay naabutan nila si Lola Feliza. Abala siya sa sinasagawa niyang Sugidanon, isang uri ng awit ng kanilang tribo.
Ngunit dahil lahat ng miyembro ng team ay pawang mga Tagalog, walang naka-intindi at naka-unawa sa mga letra ng awitin ni Lola Feliza.
Pero ang tunay na ikinagulat nila ay pati pala ang ibang mga taga-rito ay hindi na rin daw alam ang wikang ito ng kanilang tribo.
Ang wikang gamit pala ni Lola Feliza ay tinatawag daw na ‘Ligbok.’ Bibihira na ang may alam ng wika na ito at siya na ang pinakamatandang Panay-Bukidnon na puro kung magsalita pa nito.

Ayon kay Purificacion de Lima, isang komisyoner sa Komisyon sa Wikang Filipino, ang ‘Ligbok’ ay ang sinaunang wika ng mga kinikilala ngayong Panay-Bukidnon. Subalit dahil hindi na nila nga ginagamit ang ‘Ligbok,’ ang mga epiko kagaya ng Sugidanon ay kabisado na lamang ng kanilang isipan.

Malalim daw ang mga salita ng ‘Ligbok’ kumpara sa Hiligaynon, madali rin daw makilala ang kanilang wika dahil sa tono at lakas ng pagbigkas dito.
Ang pagsasalita ng ‘Ligbok’ ay kinalakihan na raw ni Lola Feliza. Espesyal kasi ang kanyang tungkulin sa kanilang tribo noon, kung saan napili siya upang maging isang ‘binukot.’
Ang ‘binukot’ o ‘binukutan’ ay isang tradisyon kung saan pinipili ang pinakamagandang dilag o pinakamatipunong bata sa isang tribo, saka ito ihihiwalay at palalakihin sa sarili niyang bahay. Bawal silang maarawan o masugatan kaya naman sa ilang piling pagkakataon na sila’y lumalabas, ay nakasakay sila sa duyan na binibitbit ng mga tagapagsilbi habang ang kanilang mukha ay nakatakip. Mayroon din silang mga tagasuklay at tagapagpakain.
Pero higit sa lahat, bawal magtrabaho ang isang ‘binukot.’ Ang kanilang tungkulin sa pamayanan ay makabisado ang ilan sa mga epiko at awitin na nagsisilbing kasaysayan ng kanilang tribo.
Ang mga ‘binukot’ ay inilahad na dati sa dokumentaryo ni Kara David sa I-Witness at naging inspirasyon sa epic serye na Amaya. Naging tampok din ito kamakailan lang sa Cinemalaya sa pelikulang ‘Tuos’ kung saan gumanap ang superstar na si Nora Aunor bilang isang ‘binukot.’
Sa mahabang taon ng pagiging ‘binukot’, naging bihasa na raw si Lola Feliza sa pagsasalita at pag-awit ng lenggwaheng ‘Ligbok.’ Marunong din siya ng kanilang tradisyunal na sayaw.
“Ang ibig sabihin ng binukot ay yung wala na akong ginagawa mula noon,” ayon kay Lola Feliza. “Hindi tumatapak sa lupa, may kwintas, may tattoo, at hindi rin ako dumadaan sa initan.”

Karangalan mang maituturing sa isang tribo na hirangin bilang ‘binukot’, may kaakibat itong sakripisyo. Sabi ni Lola Feliza, hindi raw naging masaya ang kanyang karanasan dahil hindi naging normal ang takbo ng kanyang buhay.
Wala na rin daw gustong magmana ng kanyang pagiging ‘binukot,’ kaya nangangamba siyang tuluyan nang malilimutan ang kanilang lenggwahe at mga tradisyunal na epiko na naka-ilang salinhali na.
Ayon sa tala ng Komisyon sa Wikang Filipino, sa buong Pilipinas mayroong 130 na wika o lenggwahe. Karamihan dito ay maituturing nang dying language, kasama na ang ‘Ligbok.’

“Ibig sabihin, hindi ito katulad ng ordinaryong wika na functional na ginagamit sa pang-araw-araw na talastasan, kung kaya’t hindi na siya yung aktibong wika,” sabi ni de Lima. “Bagaman, ginagayak pa rin namin sila na ipagpatuloy sana ang pagtuturo nung hindi lang Sugidanon kung ‘di pati yung wika nila.”
Pero ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino, dahil hindi na siya magagamit araw-araw dahil nga wala nang nakaka-unawa, ang ‘Ligbok’ ay talagang itinuturing na patay na dahil hindi na itong aktibong wika.
Ang iba raw kasing gumagamit ng wikang hindi nakasanayan o hindi naiintindihan ng karamihan ay nabu-bully. “Sumasama ang loob ko na hindi na ito sinasalita ng mga kabataan dahil kinakahiya na nila ang ‘Ligbok,” malungkot na sabi ni Lola Feliza.
“Kinukwestiyon pa nila kung totoo ba ito o hindi.”
Ang ating mga wika, yaman, at pamana ng ating lahi – kapag ito’y nawala, kasabay nitong namamatay ang nililinang nitong kultura. ---Zebadiah Cañero/BMS, GMA Public Affairs
Mapapanood ang “Kapuso Mo, Jessica Soho” tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa aming official social media accounts: Facebook, Twitter, at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa paborito ninyong public affairs programs, sundan ang GMA Public Affairs.