ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
A GMA NEWS AND PUBLIC AFFAIRS SPECIAL

'Walang Unli-Rice,' mapapanood na ngayong Linggo


 

“WALANG UNLI-RICE”: A GMA News and Public Affairs Special
Ngayong October 7, 2018 na!
Hosted by Jessica Soho
With reports from Atom Araullo, Maki Pulido and Kara David
 
Pasado alas dos ng madaling araw, nakapila na para bumili ng murang NFA rice sa Pasig Public Market ang walumpu’t isang taong gulang na si Lola Antonia Alconis. Isa lang siya sa mahigit isang daang tao na nasa pila. Ang ganitong eksena, nangyayari rin sa iba pang pampublikong pamilihan sa bansa.
 
 
Habang kinukulang ang suplay ng bigas sa mga NFA warehouse, tumaas naman ang presyo ng commercial rice. Sa Mindanao kung saan matatagpuan ang mga pinakamahihirap na lugar, may ilang hindi na nakakatikim ng kanin. Sa isla ng Manalipa sa Zamboanga, buwan pa ng Hunyo nang huling makakain ng kanin ang pamilya ni Albasin at Norain Tanjilani. Dati ay pumapatak lamang daw sa P30-40 kada kilo ang bigas sa kanila, pero ngayon nasa P65-70 kada kilo na ito. Para maibsan ang kumakalan na tiyan ng kanilang mga anak, pinagsasaluhan nila ang kamanting, isang uri ng kamoteng kahoy.
 
 
 
Ngayong Oktubre, inihahandog ng GMA News and Public Affairs ang “Walang Unli-Rice,” isang napapanahong dokumentaryo na tatalakay sa industriya ng bigas sa bansa. Layunin ng dokumentaryo na ipakita ang kalagayan ng mga ordinaryong Pilipino sa gitna ng nangyayaring kakulangan sa NFA rice at pagtaas naman ng commercial rice. Ipapakita rin ang epekto ng pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang bilihin sa hanay naman ng mga nasa middle class kasabay ng inflation rate na pumalo 6.4% noong Agosto, ang pinakamataas sa nakalipas na siyam na taon.
 
Bukod sa mga konsyumer, tatalakayin din ng dokumentaryong “Walang Unli-Rice” ang iba’t ibang isyung kinakaharap ng mga magsasaka. Sa lalawigan ng Nueva Ecija, ang binansagang “Rice Granary ng Pilipinas”, dito nagmumula ang pinakamalaking produksyon ng palay. Pero masagana man ang kanilang ani, patuloy naman ang paghihirap ng mga ordinaryong magsasaka. Karamihan sa kanila, wala pa ring sariling lupa at nakikisaka lamang. Nananatiling lubog sa utang ang marami sa kanila. Hanggang ngayon, wala silang maayos na patubig at nananatiling makaluma ang kanilang kagamitan sa pagsasaka. Malayo ito sa kalagayan ng mga magsasaka sa bansang Thailand na minsang nag-aral sa International Rice Research Institute ng Pilipinas. Ngayon,  ikalawang pinakamalaking rice exporter na sa buong mundo ang Thailand at isa sila sa pinakamalaking pinagkukunan ng bigas ng Pilipinas.
 
 
Samahan si Jessica Soho, ang pinakapinagkakatiwalaan at premyadong mamamahayag sa bansa kasama ang mga pinarangalang dokumentarista na sina Kara David, Maki Pulido at Atom Araullo sa pagtalakay at paghahanap ng mga sagot at solusyon sa isa sa pinakamahalagang isyung kinakaharap ng bansa ngayon.
 
Huwag palalampasin ang “Walang Unli-Rice,” ngayong October 7, 2018 na, Linggo 3:45pm sa GMA.