ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Imbestigador in action!


Episode on September 27, 2008 Saturday, 9:30 p.m. Samu’t saring problema ang aaksyunan ng nag-iisang Imbestigador sa pinangunguna ni Mike Enriquez. Huwag palalampasin ang maaaksyong solusyon sa mga problemang idinulog sa Sumbungan ng Bayan magmula sa mga nagrereklamong magulang, tsuper at OFW. Pero hindi lang para sa Pinoy ang aksyon ng Imbestigador, may dayuhan ding tutulungan ngayong Sabado. Nagantsong Dayuhan Pabalik-balik na ng Pilipinas ang amerikanong si Nick hanggang sa napangasawa na niya ang Pinay na si Grace. Para mas matagal silang manirahan dito sa bansa, nag-apply si Nick ng extension of stay sa Bureau of Immigration. May nagpakilala sa kanila na abugado sa BI na siyang nag-asikaso ng mga papeles sa halagang P15 libo. Pero nagulat sila nang ma-check ang pasaporte ni Nick, peke pala ang itinatak sa kanya pasaporte. Kaya ang dayuhang naloko dumulog na sa Imbestigador para mahuli ang nanloko sa kanya na nasa loob mismo ng tanggapan ng BI. Misis vs. Mister at Biyenan Ang nangungulilang si Aileen, tinulungan ng Imbestigador na bawiin ang tatlong taong gulang niyang anak mula sa pamilya ng dati niyang asawa. Naiwan kasi ang anak nang nilayasan niya ang asawa dahil sa diumano’y pagka-iresponsable at pambababae. Nang kukunin na niya ito, hindi sa kanya ibinigay. Kaya nagpatulong na siya sa Imbestigador at DSWD. Mabawi kaya niya ang anak mula sa kanyang dating asawa lalo pa’t naghuhuramentado ang dati niyang biyenan? Natodas sa NATODA Ang mga tricycle drivers na miyembro ng NATODA sa Sampaloc, Manila inirereklamo naman ang mga pulis na nakikihati umano ng araw-araw nilang kita. Sinamahan sila ng Imbestigador sa pakikipag-transaksyon sa mga itinuturong pulis, pero kasama na ang mga operatiba ng NBI para ma-entrap sila. Abangan ang nakaka-tensyong paghuli ng otoridad sa kapwa nila alagad ng batas. OFW Naloko at Nalito Tumakas ang domestic helper na si Loraine mula sa pangmamaltrato ng kanyang employer sa Riyadh, Saudi Arabia. Pagbalik niya ng Pilipinas binalikan niya ang manpower agency na na inaplayan niya. Wala raw kasi siyang sinahod at hindi nasunod ang nakasaad sa kanyang kontrata. Pero nagkalituhan kung sino talaga ang ahensiyang nagpaalis sa kanya at tila nagtatago sa ibang pangalan ang may-ari ng kahensiya. Pero natunton ng Imbestigador ang pulitikong siyang tunay na may-ari ng ahensiya at pinapanagot sa sinapit ni Loraine.
Tags: imbestigador