ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Halloween Special: "Bampira, Alien Invasion, Kalye Hiwaga!"


Episode on October 30, 2010 Saturday after Kapuso Mo, Jessica Soho Imbestigador Halloween Special Mga mahiwaga at nakakapanindig-balahibo ang mga kasong tinutukan ng Imbestigador ngayong undas. Mga kaso ng kababalaghan at katakutan na napabalita sa telebisyon, radyo, dyaryo at maging sa internet. Nariyan ang mga makapanindig-balahibong karanasan daw ng ilang tao sa mga espiritu, engkanto, multo at iba't-iba pang mga kakaibang nilalang. Sa dako pa roon, nababalot din ng hiwaga ang mga salaysay na nagbubukas ng posibilidad na may mga nilalang na hindi basta-basta nakikita ng ating mga mata, naririnig ng mga tainga, at nakikilatis ng ating pandama. Ngayong Sabado ng gabi, bilog ang buwan at siguradong mas marami ka pang dapat malaman sa mundong iyong ginagalawan. "BAMPIRA" Sa isang liblib na komunidad sa bayan ng Roxas, sa Palawan , kumakabog na raw ang dibdib ng mga residente kapag nilalamon na ng dilim ang kanilang lugar. Nangingibabaw raw ang takot sa kanila dahil may naghahasik ng lagim pagsapit ng takip-silim at kabilugan ng buwan - ang magkakapatid daw na 'bampira'! Nanlilisik ang mga mata, may mga mahahabang pangil, at hayok daw sa dugo ng tao, mga katangiang pinaniniwalaan nilang 'bampira' na dapat layuan at katakutan. Pero pati pamilya ng mga itinuturong bampira sa lugar, nababalot din ng pagtataka. 'Bampira' nga kaya ang kanilang kaanak o mga biktima lang ng maling balita? ALIEN INVASION? Isang maka-'raise the roof' na kwento naman ang iniulat ng mga taga-San Joaquin sa Iloilo . Bilog din ang buwan noon nang lumapag daw sa kanilang lugar ang mga alien na may kakaibang hitsura! Hindi lang isa o dalawa, kundi halos buong komunidad daw ang nakasaksi sa pagbisita ng mga dayo mula sa ibang planeta! Kumbinsido raw sila na bukod sa ating mga tao, may mga iba pang nilalang na naninirahan sa iba pang mundo. Pero tanong naman ng mga eksperto, hindi naman kaya namamalikmata lang sila pare-pareho? KALYE HIWAGA Malagim na aksidente ang karaniwang mapait na sinasapit ng ilang dumaraan sa kalye ng Siniloan, Laguna tuwing kabilugan ng buwan. Nagpapakita raw dito ang ilang nilalang tulad ng 'white lady' at mga 'di kilalang matandang babae at bata na pumapara sa mga motorista. At kapag nagkamali ng kabig sa manibela, tiyak na mauuwi sila sa kapahamakan. Ano ang hiwagang bumabalot sa kalyeng ito sa Laguna? Ngayong Sabado ng gabi, huwag nang gumala-gala dahil iimbestigahan natin ang anumang mahiwaga at kataka-taka kasama si Mike Enriquez sa espesyal na pagtatanghal ng Imbestigador , pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho .