ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Wanted na mister, modus sa kuryente, at betamax!


WANTED SI MISTER Kung ang ibang nagpapaksal ay happy ending, tila bangungot naman ang buhay may asawa ng 35 taong gulang na si Beth. Hindi na daw matiis ni beth ang pambubugbog at ang harap harapang pambababae ng kanyang asawang si Eric, kaya naman pinayuhan siya ng ama na tuluyan na itong hiwalayan at isama ang kanilang tatlong anak. Mayo ng nakaraang taon nagpaalam si Beth sa ama na pupuntahan ang kanyang asawang si Eric para kumuha ng sustento ngunit hindi na muling nakabalik ng bahay ang kanyang anak. Ang kanyang asawang si Eric tila nagtago na rin at nawalang parang bula. Makaraan ang limang araw natagpuan si Beth na isang malamig na bangkay sa isang damuhan sa Calumpit Bulacan. Bakas daw sa katawan ng biktima ang tindi ng pagpapahirap sa kanya bago pinatay. Ang suspect sa krimen ang asawa ni Beth na si Eric de Jesus at ang pinsan nitong si Roberto de Jesus. Sa pamamagitan ng isang tip natagpuaan ng IMBESTIGADOR ang kinaroroonan ng dalawang suspect. Kaya naman umaksyon agad ang National Bureau of investigation o NBI para madakip ang mga ito. MODUS SA KONEKSYON NG KURYENTE Matagal nang pangarap ni Jovielyn at ng kanyang mga kapitbahay ang magkaron ng legal na koneskyon ng kuryente. Hindi na nila matiis ang makailang beses na aberya sa kanilang lugar dulot ng illegal na kuryente. Kaya naman nang makilala si Eusebio, isang retired na empleyado daw ng Meralco, hindi na sila nagdalawang isip pa na magpatulong. Bagamat retirado ay malakas daw ang koneksyon ni Eusebio sa Meralco. Sagot na daw nya ang mga legal na papeles para makabitan ng kuryente ang grupo ni Jovielyn. Dalawampu’t-dalawang mga ka-baranggay ni Jovielyn ang kasama nyang nagbayad ng 5,500php kay Eusebio kapalit ang pangakong legal na koneksyon ng kuryente. May kabuuang 80,560php ang natangay ni Eusebio mula sa mga biktima. Labis na nagduda si Jovielyn dahil masyado na daw matagal ang pagproseso ni Eusebio sa kanilang mga papeles, ni hindi rin daw sya inisyuhan nito ng resibo. Matapos magtungo sa Meralco Escoda, napag alaman ng biktima na wala silang record doon, patunay na hindi dumadaan sa proseso ang kanilang application. Ayon sa isang empleyado ng nasabing opisina, may kaso na daw ng pangloloko sa mga tao si Eusebio bilang fixer. BETAMAX Isa sa mga patok na patok na street foods para sa mga PInoy ang "dugo" o mas kilala sa tawag na "Betamax". Sa mga palengke at sa mga lansangan makikitang naglipana ang mga ihaw-ihaw at ang mga parokyano na naghahanap ng murang pantawid-gutom. Ngunit paano kaya kung ang pagkaing ito ay dugyot pala ang pagkakaluto? Sa Vitas, Tondo sa lungsod ng Maynila may umaalingasaw na reklamo. Sa pagtutok ng lente ng kamera ng IMBESTIGADOR, nadiskubre ang nanlilimahid na lutuan ng dugo na nasa tabi pala ng estero! Sa aming pagmamanman, natagpuan namin ang mga inuuling nang mga dram na lutuan! Ang tubig na pinaglalagaan ng mga dugo mas maitim pa sa estero! At ang mga tigaluto nito kinakamay lamang ang mga nasabing produkto! Kaya naman hindi na kami nag-atubili at kasama ang Sanitation Department at Manila City Hall Public Assistance o CHAPA, ikinasa ang isang surprise inspection na humantong sa pagkakumpiska ng daan-daang bloke ng hilaw, luto at kasalukuyang niluluto pa lamang na dugo. At ang itinuturong may-ari na si Rosario Iglesias, todo-todo man ang pagtanggi, sa kalaboso pa rin nauwi!