ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Taxi na de batingting sa 'Imbestigador'


IMBESTIGADOR Airing date: March 31, 2011
 
DUGYOT NA PAGAWAAN NG NATA DE COCO
 
Summer na! Kaya naman sa ganitong panahon ng tag-init ang mga Pinoy naghahanap ng pampalamig! Bidang bida rito ang halo-halo na may sangkap na minatamis na prutas, beans, sago, leche flan, ube at nata de coco. Patok naman sa mga bata ang mga ice candy na may iba’t ibang flavors, at sa kaunting dagdag na barya, ang ice candy may halong “nata” na! Mabenta rin ang iba’t ibang klase ng inuming pampalamig na lalong tumatamis dahil sa dagdag na sangkap nitong “nata” na masarap nguyain!
 
Pero isang tip ang nakarating sa Imbestigador Sumbungan ng Bayan. May isang pagawaan raw kasi  ng “nata” sa isang bayan sa Laguna na talaga namang magpapainit ng inyong ulo pag inyong nakita. Kaya naman agad naming inirolyo ang ang aming surveillance camera para kumpirmahin ang sumbong sa aming tanggapan. ‘Pag pasok ng aming asset sa inirereklamong pagawaan ng “nata”, tila maayos naman ang kanilang packaging area. Ang kanilang mga trabahador may gloves, hairnet at apron pa! Pero teka, nang makunan ng asset ang mismong lutuan ng “nata”, dito na tumambad sa amin ang kadugyutan ng kanilang pagawaan. Ang lugar na kanilang pinaglulutuan animo’y junk shop ang hitsura. Ang pugon kung saan niluluto ang paborito nating nguyain na “nata” nangingitim na! Ang mas masaklap pa nito, matapos maluto ang “nata”, isang nanlilimahid sa duming pansala ang gamit nila na nakapatong sa nakadidiring sahig!
 
TAXI’NG DE BATINGTING
 
Ngayong semana santa, inaasahang daragsa sa ating mga paliparan ang mga turista mula sa ibang bansa at mga kababayan nating bakasyonista. At kung walang sundo, hindi na raw sila maiinip sa paghihintay ng taxi na sasakyan dahil ang ating mga paliparan may mga accredited na taxi operator na puwedeng pagpiliaan para maghatid sa kanilang pupuntahan. Talaga namang “It’s more fun in the Philippines” ano po?
 
Pero isang sumbong ang natanggap ng Imbestigador  na tila bubura sa ngiti sa inyong mga labi, dahil ayon sa isang impormante tila talamak na rin ang paggamit ng “batingting” ng ilang yellow metered taxi na nasa ating mga paliparan.
 
Kumpara sa ordinaryong taxi na pinapara natin sa kalsada na 40 pesos ang flag down rate, ang mga yellow metered taxi sa ating mga paliparan, may special rate na 70 pesos flag down rate at dagdag na apat na piso sa kada 300 metrong itatakbo nito. Pero bukod sa kanilang special rate, may ibinusinang bagong gimik ang aming impormante. Sumbong pa niya, sumabay na raw sa pagbabago ng metro ang tinatawag nilang “batingting”.  Kung noon ay nasa manibela o sa gilid ng upuan ng driver ikinakabit ang switch ng “batingting”, ngayon ikinakabit na raw nila ito sa radyo para mapabilis ang takbo ng kanilang metro.  Kaya naman nagsagawa ng isang eksperimento ang Imbestigador at ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board o LTFRB. Mula sa paliparan, sabay naming binaybay ang parehong ruta at destinasyon. Pagdating sa aming destinasyon, nakapagtatakang magkaiba ang lumabas na presyo sa kanilang mga metro!
 
Lahat ng ‘yan hindi tinantanan ng IMBESTIGADOR! Abangan ngayong Sabado, ika—31 ng Marso.
Tags: plug