ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
‘Self-Defense Instinct’: The Rafael Parricide story

Hapon ng Huwebes, Enero 30: Sinundo pa ng mag-asawang Danilo Sr. at Fe ang kanilang anak na si Danilo Jr. mula sa bahay ng kanyang kaibigan. Dadalo kasi sa isang reunion ang mag-anak. Mula sa Naic, nag-presinta pang ipagmaneho ni Danilo Jr. o DR ang kanyang mga magulang pauwi sa kanilang bahay sa Maragondon, Cavite.
Isang larawan ng masayang mag-anak ang pamilya Rafael noong araw na iyon. Walang mag-aakalang hahantong sa isang karumal-dumal na krimen ang mga susunod na pangyayari.
Kinaumagahan, Enero 31, naghahanda na ang pamilya para sa dadaluhang reunion. Nagpa-facial, manicure at pedicure pa nga si Fe bago sila lumuwas pa-Cavite ni Danilo Sr. Kuwento ni Danilo, dalawang parlor pa ang pinuntahan nilang mag-asawa.
Habang hinihintay ang asawa sa parlor, lumabas saglit si Danilo para kumain. Nang matapos, bumalik na ito sa parlor, pero nagulat siya nang makitang busy ang asawa sa pagte-text.
Nang dahil sa text
Nabasa ni Danilo ang laman ng text na ipinapadala ng asawa: "Lahat ng kakantahin ko bukas ay dedicated para sa 'yo." Nang mapansin ito ni Fe, tila ito pa raw ang galit kaya ipinagkibit-balikat na lamang ni Danilo ang pangyayari.
Subalit kinabukasan, hindi na napigilan pa ni Danilo na usisain sa kanilang silid ang asawa tungkol sa ka-text nito. Ang hinala ni Danilo, may ibang lalaki ang asawa. Tatlong taon na raw siyang naghihinala sa misis, lalu pa't parang nanlalamig na ito sa kanya. Dito na raw nagtaas ng boses si Fe at nagsimulang sumigaw.
Mabilis na ang mga sumunod na pangyayari.
“Self-defense instinct”
Tinangkang pakalmahin ni Danilo ang asawa. "'Huwag ka ngang sumigaw, nag-uusap tayo eh," sumamo niya. "Tapos nung aakapin ko, kasi siya ang nananakit eh, baliktad ako ang sinasaktan niya eh.”
“Ngayon nung sigaw nang sigaw… 'D-R, D-R', parang humihingi ng saklolo, eh alam naman niyang hindi ako nananakit na ayun ang alam ko, na yayakapin ko lang siya o hahawakan ko sa bibig,” pagsasalaysay ni Danilo. “‘Yung sigaw na ‘yun siguro nagising ‘yung anak ko."
Sa isang eksklusibong panayam sa “Imbestigador”, ibinahagi ni Danilo Rafael Sr. ang buong pangyayari. Base sa kanyang testimonya, pumasok sa kanilang silid si DR na may dalang panaksak. "Paglingon ko, ito na, malapit na sa akin, 'yung kutsilyo nakaganun eh, kinuha ko agad ‘yung baril, eh lagi naman may load ‘yun eh,” ani Danilo. “Nung unang putok ko, self-defense instinct. ‘Yun nga lang pinagtataka ko, bakit sa ulo ang tama hindi sa katawan, ang una ko sa katawan."
Nang makita ang sinapit ng anak, dito na raw lumakas pa ang pagsisigaw ni Fe. Sa taranta ni Danilo, nabaril na rin niya ang asawa. Base sa autopsy, isang tama ng bala sa dibdib ang ikinamatay ni Fe Rafael. Pero ang anak nilang si DR, limang tama ng bala ang sinalo, ang tatlo rito, diretso sa ulo ng binatilyo.
"Ang pinagtataka ko nga lang, bakit sa ulo tama, hindi sa katawan. Bakit sa ulo lahat, hindi sa katawan. Doon ako nalungkot, ulo nga," paglalahad ni Danilo.

Disenteng libing
Nang humupa ang mga alingawngaw ng bala, saka napagtanto ni Danilo Rafael Sr. ang kasalanang nagawa. Balisa niyang isinilid sa compartment ng kanilang sasakyan ang bangkay ng kanyang mag-ina saka siya lumuwas ng Maynila.
Iniwanan niya ang sasakyan sa tapat ng tinutuluyan nilang bahay sa Parañaque. Ani Danilo, sadya niyang iniwanan ang sasakyan sa tapat ng bahay para madiskubre ang mga bangkay at mabigyan ng disenteng libing.
Matapos itong iparada, dali-daling lumabas ng subdivision si Danilo. Balak niya munang magtago habang iniisip kung ano ang dapat gawin. Subalit lingid sa kanyang kaalaman, kuhang-kuha sa CCTV ng subdivision ang pagparada niya sa sasakyan.
Case closed
Makalipas ang ilang araw ay nahuli rin sa Tuguegarao si Danilo Rafael Sr. Kasalukuyan siyang nahaharap sa kasong parricide at paglabag sa RA 10591 o illegal possession of firearms. Nakapiit siya ngayon sa pasilidad ng lokal na pulisya ng Parañaque habang dinidinig ang kaso.
Ang mga pulis, itinuturing ng case closed ang pamamaslang sa mag-inang Fe at Danilo Jr.
Walang mag-aakalang ang simpleng hindi pagkakaunawaan ng mag-asawang Rafael ang siya palang magiging mitsa na maghahatid kina Fe at DR sa kanilang huling hantungan.—Irvin Cortez/CM, GMA News
Abangan ang kabuuang kuwentong krimen na ito sa "Imbestigador" ngayong Linggo, Pebrero 16, 9:15PM sa GMA-7. Tampok sa pagsasadula ang mga batikang artistang sina Rez Cortez at Maria Isabel Lopez.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang www.facebook.com/ImbestigadorGMA at i-follow ang www.twitter.com/ImbestigadorGMA.
More Videos
Most Popular