ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Ganti ng dating kasintahan: Ang kaso ng lalaking sinabuyan ng asido


Ang kuwentong ito ay unang itinampok sa "Imbestigador". Ang mga larawang ginamit ay halaw sa pagsasadula. Napapanood ang "Imbestigador" tuwing Linggo ng gabi sa GMA-7, 9:15 PM, pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho. Maaaring i-like ang official Facebook page ng Imbestigador.
 



Masasabing isang mapagmalasakit na tao si Raymond Rodriguez, 26 taong gulang. Bukod kasi sa pagiging malambing nito sa ina, ayaw rin niya ng may nakakaaway. Maging ang lahat ng mga dating nakarelasyon nito ay nananatiling kaibigan niya, gaya na lamang ni Beejay, 31 taong gulang.

Halos limang taon ding tumagal ang relasyon nina Raymond at Beejay. Mula sa simpleng pagkakaibigan, umusbong ang kanilang pagtitinginan sa isa't isa. Sa katunayan, tutol noon ang ina ni Raymond sa kanilang relasyon dahil na rin sa agwat ng kanilang edad. Mayroon na ring anak ang dalaga sa dating relasyon, subalit ipinaglaban pa rin ni Raymond ang kanilang matamis na pagtitinginan.

Kalaunan, tila napalitan ng pait ang pag-iibigan ng magkasintahan. "Kasi tamang hinala siya, konting hindi lang ako makatext, galit na. Kunwari break time ko, hindi ako makakatext, nagagalit. Pag-uwi ko, hindi ako makatext, nagagalit. Mag-"DOTA" lang ako ng sandaling oras, magagalit 'yan. Bawal lahat," salaysay ni Raymond.

"Naging nagger na siya. Kaunting kibot, away. 'Pag nagkita, away. Minsan na lang kami magkita, nag-aaway pa. 'Pag nagkausap, away pa rin. Puro away na lang nangyayari no’n," dagdag niya.

Dahil dito, napagdesisyunan na ni Raymond na tapusin na ang kanilang relasyon. "Tinawagan ko lang siya sa phone kasi ayoko sa personal kasi magpapaawa na naman siya. Sasabihin niya magpapakamatay siya, wala ring mangyayari," aniya.

Hindi matanggap ni Beejay ang nangyari at sumugod agad sa tahanan nina Raymond. Ang ina nito ang sumalubong sa kanya. "Ayaw niya talaga umalis. Gusto niya makausap si Raymond," kuwento ng ina ni Raymond. "'Puwede ko namang baguhin ang ugali ko. Bigyan niya ako ng isang chance pa.' Ganyan ang mga salita niya. Kako, 'Beejay, tama na.' Inabot kami ng alas dos ng madaling araw," dagdag ng ginang.

Hindi na raw sila muling ginambala pa ni Beejay matapos noon. Tila nagpatuloy na sila sa kanya-kanyang buhay.

Ipapasok sa trabaho

Nitong unang Linggo ng Marso ng taong kasalukuyan, natanggap sa trabaho si Raymond at naisip niyang babagay rin kay Beejay ang pinasukang kompanya. "Tinext ko siya kasi gusto ko nga siyang tulungang makapasok doon sa papasukan kong trabaho. Para rin 'yun sa bata, sa anak n'ya," saad ng binata.

Ang kagandahang-loob palang ito ni Raymond ang magtutulak sa kanya sa kapahamakan.

Isang gabi, gustong makipagkita ni Beejay kay Raymond. Hindi naman nagpaunlak ang binata dahil ayaw na niyang bigyan pa ng ibang kahulugan ni Beejay ang pagtulong niyang ito.

Subalit mapilit ang babae kaya naman naisipan na rin ni Raymond na daanan ito sa klinikang pinagtatrabahuhan. "Kukunin ko 'yung result ng medical ko. Kinukulit n'ya pa rin ako sa text tapos naisip ko, kaya ako napapayag na pumunta ro'n kasi kukunin ko na rin 'yung resume n'ya para ipasa ko nga ro'n sa agency na pinag-applyan ko," ani Raymond.

Iba pala ang balak ni Beejay noong hapong iyon.

Dumating si Raymond ng bandang alas-kuwatro ng hapon at malugod naman siyang sinalubong ni Beejay. Naroon din sa klinika si Irene, kasamahan ni Beejay sa trabaho. Binigyan pa nga siya nito ng perang pangkain nang hindi ito mainip at magutom dahil naka-duty pa ang dalaga.

Pagbalik ni Raymond sa klinika ay naroon na rin ang doktor para suriin ang mga nagpapagamot. Pinapunta si Raymond sa isang sulok at doon muna pinagtago habang inaasikaso ni Beejay ang mga pasyenteng nakapila. Sa kanilang pinagtataguang lugar, nag-inuman ang mga ito. Labas-masok si Beejay para mag-asikaso ng pasyente sa tuwing matatapos sa isa pa ang doktor.

Nang magpaalam ang doktor na ito ay uuwi na ay minabuti na rin ni Raymond na lumisan. Tinamaan na rin kasi siya ng espiritu ng alak at nakatulog pa nga kundi lamang ito ginising. Bumalik ang doktor dahil may nakalimutan kaya naman pinagtago muna si Raymond para hindi makita ng doktor. Kaagad namang sumunod si Raymond at pumasok sa banyo.

Ang mga sumunod na pangyayari, mga eksenang tila sa pelikula lamang nakikita.



Sinabuyan ng asido, pinukpok sa ulo

"Pagbukas ko ng pinto, sinabuyan n'ya ako ng asidong nasa tabo," sabi ni Raymond. "Na-suffocate ako, napanganga ako. Nagkaroon din ‘yung bibig ko."

Paglabas ng binata sa palikuran ay naghihintay pala ang mas matinding pananakit dito.

"Pinagpapalo na n'ya ako. Pangatlong pukpok sa akin, natumba ako." Patuloy raw ang pagpukpok sa kanya ni Beejay gamit ang isang tubo sa kabila ng kanyang mga sumamo. Dinig na dinig sa loob ng klinika ang pagmamakaawa ni Raymond, subalit ang mas masaklap, tumulong na rin daw si Irene sa pagpukpok sa kanya. Tila wala sa balak nilang buhayin pa ang binata.

Mabuti na lamang at nanatiling alisto si Raymond. Kahit pa gumagapang na lamang ito,  nakapagtago ito sa ilalim ng mesa para makaiwas sa mga palo. Doon na rin siya nakakuha ng tiyempo para makahingi ng saklolo. "Kinuha ko 'yung cellphone ko, tinawagan ko si mama tapos iniwan ko lang nakabukas 'yun para kung saka-sakali marinig n'ya, kung anumang mangyari sa akin, magkaroon s'ya ng clue or ano," paliwanag ni Raymond.



Pitong “missed calls”

Nakakapitong tawag na si Raymond subalit hindi pa rin sumasagot ang ina. Mabuti na lamang at napansin din ng ginang ang pagtunog ng kanyang telepono sa ikawalong tawag ng anak. "Hello ako nang hello, walang sumasagot pero ang naririnig ko, boses ng mga babae, nagkakagulo. Sabi ko, may nangyayari sa anak ko, gusto nitong may makuha akong lead kung nasaan siya," pahayag ng ina ng binata.

Lumabas muli si Raymond mula sa pinagtataguang sulok. Mga hampas ang muling sumalubong dito subalit sa kanyang patuloy na pagmamakaawa, tila nahimasmasan at lumambot daw ang puso ni Beejay. Hiniling ni Raymond na dalhin siya sa ospital ng magkaibigan subalit tumawag muna raw ang dating karelasyon sa kanyang kapatid.

Dito na kinailangang kumilos pa ni Raymond.

"Nagpatihulog ako. Kunwari napadapa ako tapos habang nakadapa ako, kinakapa-kapa ko 'yung lock ng pinto. Tinanggal ko tapos bumalik ako sa pagkakaupo ko,” ani Raymond. Tapos nang marinig ko na kausap ni Beejay 'yung kuya n'ya, doon na ako talaga naglakas ng loob na buksan ko 'yung pinto at tumakbo palabas."

Mapalad namang saktong padaan noon si Police Inspector Joey Hizon. "Nasalubong ko s'ya, pababa ng hagdan. Walang direksyon 'yung takbo nya eh, hanggang nakita ko na lang siya na bumagsak na," kuwento ng pulis. Agad itinakbo sa ospital si Raymond samantalang pinuntahan ng ilang mga kawani ng pulisya ang klinika. Doon kasi nakitang nanggaling si Raymond.

Mga binurang mensahe

Noong una'y tatanungin lamang sana si Beejay kung ano ang naging pakay ng biktima sa klinika. Tinangkang pagtakpan ni Beejay ang pangyayari. Sa kanyang salaysay, kokonsulta umano sana si Raymond nang biglang may humabol ding dalawang lalaki sa kanilang klinika. Pinagsisipa at binugbog daw ng dalawang lalaki si Raymond.

Tuliro at tila wala sa sarili ang dalaga habang kausap siya ng mga pulis kaya minabuti ng mga ito na mag-usisa pa. Maging ang cellphone ng dalaga ay hiniram at nang mapansing binura ang ilang mensaheng laman nito ay doon na nagduda ang mga awtoridad.

Samantala, sa ospital naman ay nanatiling alisto si Raymond. Kahit pa halos mabiyak na ang ulo nito dahil sa pagkakapalo ay may malay pa rin ang biktima.

Dito na rin nakita ng kanyang ina ang sinapit ng anak. "Imagine mo 'yung anak mo, wala ng itim 'yung mata, tapos sasabihin sa'yo, hindi na n'ya kaya. Hindi ko kayang tingnan 'yung anak ko. Dahil tinatawag naman ako, wala akong choice kundi pumasok dahil 'mama' rin ng 'mama'.  Tapos sabi ng anak ko sa akin bawal umiyak," hinagpis ng ginang.

Dahil may ulirat pa ang biktima, minabuti na rin ng mga pulis na tanungin siya kung sino ang nanakit sa kanya. Ipinasulat sa isang papel ang pangalan ng mga taong may gawa sa kanya ng karahasang iyon at doon positibo nitong itinuro sina Beejay at Irene bilang maysala.

“Crime of passion”

Sa paggulong ng imbestigasyon, lumalabas na "crime of passion" ang nangyari. Paghihiganti raw bunga ng matinding galit ang motibo ni Beejay kaya nagawa nitong saktan si Raymond. Nahaharap silang dalawa ni Irene sa kasong frustrated murder at maaari nilang kaharapin ang 12 taong hanggang habambuhay na pagkakakulong. Pansamantala silang nakalaya matapos magpiyansa ng P200,000.

Tinangka namin silang kapanayamin ngunit sa isang text message, sinabi ni Beejay na nasa hukuman na ang kaso at ayaw na nitong magsalita pa.

Ang mga sugat naman ni Raymond, unti-unti nang naghihilom, subalit tanging hustisya lamang daw ang tuluyang magpapagaling sa sinapit niyang karahasan sa kamay ng babaeng minsan niyang inalayan ng pagmamahal.—Irvin Cortez/CM, GMA News


Narito ang ilang pang mga web narratives ng mga kuwentong itinampok sa programa:
Regalong sinturon: Ang kuwento sa likod ng Kayang Massacre
Bantay-salakay: Ang pagkakatiklo ng most wanted ng Bobon
Marahas na kaarawan: Ang kuwento ng lalaking nag-amok sa Caloocan
Kawayan: Ang misteryo sa likod ng pagkamatay ni Jayvee Vitug
Sa mga kamay ng manggagamot: Ang kuwento ng dukot-mata sa Pangasinan
Ang bisita nina nanay: Ang kuwento ng Palawan double murder case
Ang bracelet ni Pabo: The Guagua double murder case story
'Taong Putik': Ang kuwento sa likod ng Kawit hostage drama
Uuwi na si Daisy: Isang 'Imbestigador' Exclusive
‘Self-Defense Instinct’: The Rafael Parricide story