ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Kawayan: Ang misteryo sa likod ng pagkamatay ni Jayvee Vitug
Ang kuwentong ito ay unang itinampok sa "Imbestigador". Ang mga larawang ginamit ay halaw sa pagsasadula. Napapanood ang "Imbestigador" tuwing Linggo ng gabi sa GMA-7, 9:15 PM, pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho. I-like ang official Facebook page ng Imbestigador para sa updates.

Kung may isang bagay na pinagsisisihan ngayon ang amang si Oscar Vitug, ito ay ang hindi niya paglalaan ng oras para sa mga anak. Ito ngayon ang pinipilit niyang bawiin, matapos ang isang trahedyang kumuha sa bunso niyang anak na si Jayvee.
Pebrero 1 nitong taon nang ideklarang dead on arrival sa ospital ang 18 taong gulang na binata. Base sa pagsusuri, internal hemorrhage ang kanyang ikinamatay. Maaaring ang sakit nitong hemophilia, isang bleeding disorder, ang naging sanhi ng pagkamatay ng binata. Namamana ang ganitong sakit at nagdudulot ito ng pagdurugo sa loob ng katawan o internal bleeding.
Sa gitna ng paghihinagpis ng pamilya Vitug, may matutuklasan pa pala silang labis nilang ikagugulat.
Base sa salaysay ng kuya ni Jayvee na si Jobo, nagsimula ang lahat noong gabi ng Enero 27. Hindi na raw tinapos ni Jayvee ang tungkulin sa bahay at nagpaalam itong umalis. Nagdadalawang-isip mang payagan ni Jobo ang nakababatang kapatid, nanaig ang pagsusumamo ng bunso. Nangako naman si Jayvee na babalik agad matapos puntahan ang isang kamag-aral.
Kinabukasan na nakauwi si Jayvee. Dahil parehong abala ang mga magulang sa trabaho, nag-alala man ay hindi na nila nausisa pa ang binata tungkol dito.
Pero napansin pala ni Jobo ang pagbabago sa kapatid. Magkasama kasi sa isang silid ang magkuya. "Itong si Jayvee, parang nagdadalawang-isip siya na pumasok. Ang lakad niya, iba; parang sakang, ganun. Hindi ko inisip kasi baka masakit lang 'yung paa niya," pahayag ng kuya ng binata. Magkagayon man ay agad pa rin daw nagbihis ang binata at pumasok sa paaralan kasama ang matalik nitong kaibigan na si Jello.
Kinagabihan, dinatnang muli ni Jobo ang nakababatang kapatid sa loob ng kanilang kuwarto. Ayaw na raw nitong kumain. "Pagdating sa kuwarto, ang panghi. Iniintindi ko na lang kahit galit ako. Baka 'pag uupo siya, maapakan niya iyong arinola at tatalsik 'yung lagayan. Hinahayaan ko na lang," ani Jobo.
Ayaw magpatulong
Dalawang araw ding naging ganoon si Jayvee hanggang parang unti-unting nakabawi ang binata. Sa paningin ni Jobo, bumabalik na ang resistensya ng kapatid kaya naman ikinagalit niya ang muling pagkakatabig ni Jayvee sa kanyang arinola. Sa gitna ng sermon ng kapatid ay humingi na lamang ng pasensya ang bunso. "Huwag kang mag-alala, kuya. Pag gumaling ako, kayo o ikaw naman ang aasikasuhin ko," aniya.
Sunod naman dito ang biglang panghihina ni Jayvee.
Tila nagdedeliryo na raw ang binata. "Gusto raw niya ng malamig na tubig. Binigyan naman namin baka hinahapo," ani Jobo. "Iba-iba na 'yung sinasabi niya. Bola, mga ganyan, volleyball."
Bago itakbo sa ospital, nagawa pa raw ni Jayvee na magpaalam para pumunta sa banyo. Dahil hinang-hina at halos 'di makatayo, inakmang tutulungan ni Jobo ang kapatid subalit nagmatigas ito. " Talagang ayaw niya. 'Kuya, doon ka na.' Parang ayaw pa rin niya ipakita 'yung 'pag binaba ko yung short niya. Nakaangat na 'yung pants niya pagharap niya sa akin."

Nagugulumihanan man sa ikinikilos ng kapatid, wala nang oras pang magtanong si Jobo. "Umiikot na 'yung mata niya. Nagtawag na ako nang nagtawag ng naglalaro sa shop na tulungan nila ako kasi 'yung kapatid ko nahihirapang huminga talaga." Sa tulong ng mga kapitbahay, agad namang naitakbo si Jayvee sa ospital subalit huli na ang lahat.
Wala nang buhay ang binata pagdating sa pagamutan.
Status updates
Dumagsa ang pakikiramay sa pamilya. Maliban sa mga pumupunta sa burol, marami rin ang nagpahayag ng pakikiramay nila sa social media account ni Jayvee. Dito pala makukuha ng pamilya Vitug ang lead sa misteryosong pagkamatay ng kanilang bunso.
Binalikan nila ang mga naunang "status update" ng binata at tila may nais ipahiwatig si Jayvee dito. "Para akong mamamatay. Nanghihina ako, nahihilo. Tutumba na. Hays," saad ng isa nitong post. "Gumalaw lang ako onte, nahihilo’t hinihingal agad," sabi ni Jayvee sa isa pang update makalipas ang isang araw. Sinundan pa ito ng isa pa: "PAIN."
Dahil tila may laman ang mga huling post ni Jayvee, minabuti na rin ng mga kaanak nitong tingnan ang inbox ng kanyang account. Ang palitan ng mensahe sa pagitan ni Jayvee at kaibigan nitong si Jello ang pumukaw sa kanilang atensyon.
January 28 at 8:42am
Jello Ramos: Kamusta hita mo :)))
January 28 at 8:43am
Jayvee Barcas Vitug: ayos lang =))))
January 28 at 8:43am
Jello Ramos: Ta***na, pinagtripan nyo yung kawayan. Kawawang kawayan.
January 28 at 8:43am
Jayvee Barcas Vitug: Winasak mo lahat saken ./.
Dahil sa nabasa, hiniling ng amang si Oscar na makita ang labi ng kanyang bunsong anak. "Grabe 'yung pasa niya. 'Yung buong puwet niya hanggang sa pababa, lampas pa ng alak-alakan. Napamura talaga ako nang husto,” ani Oscar.
“Talagang kaya pala kako wala kaming kaide-ideya, ang laki pala ng tama ng anak ko,” dagdag ng ama. “Masa-shock ka talaga 'pag nakita mo. Hindi na sya nakahinga at epekto nga po nung beatings na 'yun."

‘Change paddle’
Katulong ang pamunuan ng eskuwelahan, agad na inimbitahan sina Jello at iba pang mga kasamahan nila noong gabi ng Enero 27. Tingin ng mga awtoridad, hazing sa fraternity ang nangyari.
Itinanggi naman ng pamunuan ng paaralang pinapasukan ng mga binata ang anumang organisasyong maaaring nasa likod ng nangyari kay Jayvee. "We don’t recognize 'yung mga organization na 'yun. Nagre-release po kami ng mga announcement," pahayag ng dekano ng kolehiyo.
Sa pag-uusisa ng mga imbestigador kina Jello, "Darwin" at ang mga tumayong saksi na sina Ryan at Aldrin, tila luminaw ang mga pangyayaring maaaring nagdala kay Jayvee sa kamatayan.
Nag-iinuman daw ang mga binata noong gabi ng Enero 27. Sa kasarapan ng inuman, napag-usapan nila ang mga fraternity at ang hazing na isinasagawa sa mga gustong mapabilang sa mga grupong ito. Hanggang sa mauwi sa pag-aayang mag-"change paddle" ang mga binata. Gagayahin nila ang hazing na ginagawa sa mga initiation rites. Maghahalinhinan sila ng pagpalo sa isa't isa.
Base sa salaysay ni Aldrin, si Jello raw ang unang humataw kay Jayvee. Matapos noon ay si Jayvee naman ang pumalo kay Jello at maya-maya pa ay nakisali na rin ang menor de edad na si "Darwin".
Hindi naman daw nagreklamo si Jayvee sa pagpalo sa kanya. Tila hindi ininda ng binata kahit pa napapalakas ang pagpalo sa kanya ni Jello. Ayon sa mga saksi, dinig pa nila ang pagtunog ng kawayang ginamit na pamalo kapag dumadampi ito sa hita ng binata. Iika-ika man nang maghiwa-hiwalay, umuwi silang parang walang nangyari.
Hanggang sa mabalitaan na lang nilang wala na pala si Jayvee. Sa isang larawang naka-post sa social media account ng binata, makikita pa ang isang komento ni Jello na nagsasabing "kung maibabalik lang sana ang dati."
Sa resulta ng pagsusuri sa labi ni Jayvee, lumalabas na hemorrhage ang ikinamatay ng binata. Maaaring bunga ito ng pamamalong ininda ni Jayvee mula sa mga kamay ng kaibigan.
Nagsampa ng kaso ang pamilya Vitug laban kina Jello at "Darwin" at kasalukuyang nakabinbin ang kaso. Itinuturing na ngayong suspek ang dalawa at nahaharap sila sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.
Masakit man sa pamilya Vitug ang nangyari, pinipilit na nilang makabangon mula sa trahedya. Sising-sisi man sa pangyayari ang amang si Oscar, nagturo naman ng isang mahalagang leksiyon sa kanya ang pagkawala ng anak. "I realized na siguro more quality time pa; more na pag-uusap pa and at the same time 'yung sinasabing maipakita mo yung pagmamahal, na maramdaman nila. Hindi 'yung pagdisiplina lang," aniya.
Tila isang paalala rin para sa lahat ang iniwan ng insidente. Ang karahasan ay kailanman hindi magiging sukatan ng pagkakaibigan. — Irvin Cortez/CM, GMA News
Narito ang ilang pang mga web narratives ng mga kuwentong itinampok sa programa:
Regalong sinturon: Ang kuwento sa likod ng Kayang Massacre
Bantay-salakay: Ang pagkakatiklo ng most wanted ng Bobon
Marahas na kaarawan: Ang kuwento ng lalaking nag-amok sa Caloocan
Ganti ng dating kasintahan: Ang kaso ng lalaking sinabuyan ng asido
Sa mga kamay ng manggagamot: Ang kuwento ng dukot-mata sa Pangasinan
Ang bisita nina nanay: Ang kuwento ng Palawan double murder case
Ang bracelet ni Pabo: The Guagua double murder case story
'Taong Putik': Ang kuwento sa likod ng Kawit hostage drama
Uuwi na si Daisy: Isang 'Imbestigador' Exclusive
‘Self-Defense Instinct’: The Rafael Parricide story?

Tags: webexclusive, hazing
More Videos
Most Popular