ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Marahas na kaarawan: Ang kuwento ng lalaking nag-amok sa Caloocan


Ang kuwentong ito ay unang itinampok sa "Imbestigador". Ang mga larawang ginamit ay halaw sa pagsasadula. Napapanood ang "Imbestigador" tuwing Linggo ng gabi sa GMA-7, 9:15 PM, pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho. I-like ang official Facebook page ng Imbestigador para sa updates.
 




Sa barkong papuntang Maynila nakilala ni Cheryl si Rolly Rapiz, 33 taong gulang. Dating seaman si Rolly at papunta raw ito sa siyudad para maghanap ng kasintahan. Sa kanilang pag-uusap ay nakapalagayang-loob naman ni Cheryl ang lalaki kaya naisip niyang ireto dito ang kapatid niyang si Eden.

Pagdating sa Maynila, ipinakilala ni Cheryl sa kapatid ang bagong kaibigan. "Nagpunta siya sa bahay, dinadalaw si Eden. Mabait naman siya," ani Cheryl.

Mabilis na nahulog ang loob ni Eden kay Rolly at agad nauwi sa relasyon ang kanilang pagtitinginan. Makalipas ang apat na buwan, nagpasya ang magkasintahan na magsama sa iisang bubong. Hindi naman ito kinontra ng pamilya ni Eden dahil bukas-palad nilang tinanggap si Rolly. "Mabait naman si Rolly kaya ok na rin siya sa amin noong una," ani Cheryl.

Maayos ang naging simula ng buhay-magkapiling nina Rolly at Eden. Nanirahan sila sa Barangay 171 sa Caloocan City at doo'y naging saksi ang kanilang mga kapitbahay sa pagmamahalang namagitan sa magkasintahan. "Nakikita namin kapag umaga, hinahatid niya ng motor 'yung asawa niya, papasok ng trabaho. Sa gabi naman, susunduin din niya," salaysay ng isa sa mga kapitbahay ng mag-live-in partner.

Madali ring makibagay si Rolly sa iba kung kaya agad nitong nakasundo ang mga tao sa kanilang lugar. "Galante 'yan si Rolly, laging nagpapainom. Kapag may iutos siya sa mga bata rito binibigyan niya ng pera. Palakaibigan din,” kuwento ng isa sa mga kapitbahay nina Rolly at Eden. “'Yung babae tahimik lang, pero si Rolly, siya yung mahilig makipagkuwentuhan sa mga kapitbahay.”

Sa kanilang barangay, isa sa mga naging malapit sa magkarelasyon ang binatilyong si Jover Ricaña, 15 taong gulang. Nag-aalaga kasi ng manok si Rolly at sa tuwing aalis, sa binatilyo nito pinababantayaan ang kanilang bahay at mga alagang hayop. "Nakakatulong sa amin si Jover kapag binibigyan siya ng pera ni Rolly dahil binabantayan niya 'yung bahay kapag walang tao," saad ng ama ni Jover.

Isa rin sa mga naging kaibigan ni Rolly sa barangay si Arnold, 32 taong gulang. Magkumpare ang dalawa at laging magkasama sa inuman kaya naman nang sumapit ang kaarawan ni Arnold ay hindi puwedeng hindi imbitado sa umpukan si Rolly.



Magkabilang inuman


Hapon ng Linggo, Nobyembre 4, 2012, ipinagdiwang ni Arnold ang kanyang kaarawan. "Birthday ng asawa ko November 3. Ginawa namin ng 4 kasi weekend. Nagpainom siya sa mga kaibigan niya noong araw na iyun. Masaya siya noong nag-iinuman sila," salaysay ni Janice, maybahay ni Arnold.

Sa kabilang bahay ay may inuman ding nagaganap. Ika-21 kaarawan din kasi noon ng kapitbahay nilang si Ronnie. Kasama nitong nagkakasiyahan sa kanilang umpukan sina Benjamin Templonuevo o Benjie, 17 taong gulang, at ilan pang mga kabataan sa lugar.

Tila pista noon sa kanilang lugar sa barangay dahil sa magkabilang kasiyahan ng mga magkakapitbahay. Magkabilang kasiyahang bigla palang nanakawin ng isang mapait na trahedya.

Sa kasagsagan ng inuman, nagkakantsawan daw ang mga magkakaibigan. Napunta sa usapang kabit at pangangaliwa ang kuwentuhan at napansin ng iba na medyo hindi komportable si Rolly. Dahil nabitin sa inuman, nag-ayang bumili pa ng serbesa ang dating seaman. Nagpresinta naman si Arnold na samahan ang kumpare sa tindahan.

Dumaan muna sa kanilang bahay si Rolly at naiwan naman sa labas si Arnold. Habang naghihintay, dinig daw sa labas ang pagtatalo nina Rolly at Eden. Sumunod dito ang pag-alingawngaw ng mga putok ng baril. Ipinagkibit-balikat lamang ito nina Arnold at ng iba pang kapitbahay na nakarinig sa pagtatalo. Medyo napadadalas daw kasi ang pagtatalo ng dalawa at nasanay na ang mga residente sa ingay ng kanilang pag-aaway. Kapag nalalasing ay ugali na rin daw ni Rolly na magpaputok ng baril.

Hindi pala dapat nila ipinagsawalang bahala ang mga narinig. Ang mga sumunod na pangyayari kasi, hahantong pala sa kamatayan ng ilan sa kanilang mga kapitbahay. "Hindi talaga namin akalain. Hindi ko talaga inaasahan na magkakaganoon dito sa lugar namin," dagdag pa ni Janice.



Nagpaulan ng bala


Dahil sa matinding pagtatalo, napatay ni Rolly si Eden sa loob ng kanilang bahay. Sa pagsisiyasat ng pulisya ay napag-alamang inubos ni Rolly ang isang magasin sa kinakasama. Saka naman ito naglakad palabas at itinuloy nito ang pagpapaulan ng bala.

Nakita ni Rolly ang umpukan nina Ronnie sa may tabi. Sa salaysay ng mga saksi, agad daw pinuruhan ni Rolly ang binatang si Benjie. "Sabi raw ni Rolly, 'Pinatay ko na asawa ko, papatayin ko na kayo.' Akala ng mga tao, nagbibiro lang siya. Bigla niya pinutok baril sa anak ko tapos nagbabaril na siya kung saan-saan," kuwento ng ama ni Benjie. Sa patuloy na pagpapaputok ng baril ay natamaan din si Jover.

Sa gitna ng pag-aamok ni Rolly, sinubukang umawat ng ina ni Benjie na si Elizabeth. "'Yung asawa ko, lumabas ng bahay, inawat si Rolly. Akala niya, makikinig sa kanya. Pero pati asawa ko, binaril niya. Tapos, sumugod na siya dito sa bahay. Papunta na siya sa amin. Ang asawa ko, may tama na. Ipinasok ko sa loob ng bahay tapos pinatay ko 'yung ilaw para hindi niya kami makita. Pinagbabaril niya ang bahay," anang nakakatandang Templonuevo.

Mabilis man ang mga pangyayari, agad ding kumilos si Arnold para pakalmahin ang kaibigang parang wala na sa sarili. "Inaawat siya ng asawa ko. Isip nila, mapapakalma pa. Hindi naman kasi siya iba sa amin; kumpare namin siya kaya isip ng asawa ko, umawat. Pero pati siya, binaril," salaysay muli ni Janice.

Nagpulasan na ang mga tao nang mapansin hindi na maawat pa si Rolly. Maging si Jhen na ate ni Jover ay napagdiskitahan din. "May kumakatok sa pinto, boses ni Jhen, parang takot na takot. Pagbukas ko, pumasok si Jhen. Pagpasok niya, kasunod na pala niya si Rolly. Tinulak yung pinto ko tapos hinampas ako ng baril sa ulo. Pagkahampas niya sa akin ng baril, may nalaglag na kutsilyo. Pasalamat ako kahit paano, hindi niya ako sinaksak," saad ni Dina, isa sa mga saksi.

Binalikan din ni Rolly ang mga kainuman. Dinatnan niya roon ang magkaibigang sina Archie at Julius. "Hindi po namin alam na may mga binabaril na pala sa kabila. May videoke kasi kami, malakas. Hindi namin alam na may mga napatay na, nag-iinuman kami. Paglingon ko, nakatutok na sa akin yung baril," anila. Mabuti na lamang at naubusan na ng bala si Rolly kung kaya't hinampas na lamang niya ang baril sa dalawa.



Lima patay, tatlo sugatan

Nang humupa ang tensiyon, tumambad sa mga residente ang ibinunga ng ilang minutong karahasan dumapo sa kanilang barangay.

"Isinakay ko yung asawa ko sa tricycle. Sa sobrang taranta, hindi ko naisama ang anak ko; naiwan siya sa lugar. Pero pagdating sa ospital, dead on arrival na misis ko," kuwento ng ama ni Benjie.

Si Janice naman, agad ding sinaklolohan ang asawang si Arnold. "Iniupo ko ang asawa ko sa tabi ng bilyaran. Sinubukan ko pa pigilan 'yung pagtapon ng dugo. Humihingi ako ng tulong pero walang tumulong sa akin," aniya.

Halos isang buwan namang nakipagbuno kay kamatayan ang binatang si Jover bago pumanaw sanhi ng tinamong mga tama.

Limang buhay ang nawala sa pag-aamok ni Rolly, kabilang na ang kinakasama nitong si Eden. Tatlo naman ang sugatan: sina Jhen, at ang magkaibigang Archie at Julius.

Agad din namang rumesponde ang mga pulis para arestuhin ang suspek. Dinatnan ng mga pulis si Rolly na umiinom ng softdrinks sa may tindahan at nagawa pa nitong manlaban sa mga alagad ng batas. Nagpambuno muna ang mga ito bago tuluyang nasukol ng pulisya ang suspek.

Ipiniit si Rolly sa tanggapan ng pulisya habang patuloy na gumugulong ang kaso. Kapag tinatanong daw ito kung bakit niya nagawa ang karumal-dumal na pangyayari, isa lang ang paulit-ulit nitong sinasabi: "Nandiyan na iyan, tanggapin na lang."

Bunga ng matinding selos

Matinding selos naman ang isa sa mga motibong tinitingnan ng mga awtoridad kung bakit nagawa ni Rolly ang krimen. Kumalat daw kasi sa tsismisan ng mga magkakapitbahay na may ibang lalaki si Eden. Mariin naman itong itinanggi ng pamilya ng babae.

Sa ngayon patung-patong na kaso ng murder, physical injuries at illegal possession of firearms ang kinakaharap ni Rolly at patuloy ang pagdinig sa mga ito.

Ang mga naiwang pamilya naman ng mga biktima, labis pa rin ang hinagpis buhat ng walang saysay na pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay.

Si Cheryl, sinisisi ang sarili sa sinapit ng kapatid. "Sobrang pagsisisi ko talaga na ako pa nagpakilala sa ate ko kay Rolly. Tapos ganun gagawin niya, papatayin niya ate ko," aniya.

"Ang hirap ng nangyari. Hindi ko matanggap. Ang bata pa ng anak namin. Tinatanong ako kung kailan uuwi si papa, sabi ko hindi na,"  hinagpis naman ni Janice, biyuda ni Arnold.

Ang nakatatandang Templonuevo naman, hirap pa ring tanggapin ang pagkawala ng mga kaanak. "Napakasakit. Nawalan ako ng anak at asawa. Napakabait ng asawa ko. Hindi ko matanggap na sa ganoon mamamatay," aniya.

Hiling din nila ang pagpapabilis sa pag-usad ng kaso. Higit kasi sa katarungang kanilang inaasam, nais na rin nilang makamtan ang katahimikan. Nawalan man ng mahal sa buhay, gusto na nilang ibaon sa limot ang bangungot ng nakaraan.

Isang masamang panaginip kung saan alingawngaw ng mga bala ang patuloy na umiihip. Irvin Cortez/CM, GMA News

Narito ang ilang pang mga web narratives ng mga kuwentong itinampok sa programa:
Regalong sinturon: Ang kuwento sa likod ng Kayang Massacre
Bantay-salakay: Ang pagkakatiklo ng most wanted ng Bobon
Kawayan: Ang misteryo sa likod ng pagkamatay ni Jayvee Vitug
Ganti ng dating kasintahan: Ang kaso ng lalaking sinabuyan ng asido
Sa mga kamay ng manggagamot: Ang kuwento ng dukot-mata sa Pangasinan
Ang bisita nina nanay: Ang kuwento ng Palawan double murder case
Ang bracelet ni Pabo: The Guagua double murder case story
'Taong Putik': Ang kuwento sa likod ng Kawit hostage drama