ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Love triangle: Kuwentong-krimen sa pagitan ng magkabarong pulis


Ang kuwentong ito ay unang itinampok sa "Imbestigador". Ang mga larawang ginamit ay halaw sa pagsasadula. Napapanood ang "Imbestigador" tuwing Linggo ng gabi sa GMA-7, 9:15 PM, pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho. I-like ang official Facebook page ng Imbestigador para sa updates.


Ang 26 na taong gulang na biktimang si PO1 John Michael Dimalanta, na nakadestino sa NCR Police Office. (Larawan mula sa pamilya ng biktima.)

Sa loob ng siyam na taon, naging matamis at maayos ang relasyon nina PO1 John Michael Dimalanta at nobya nitong si Mary Rose. Nasa kolehiyo pa lamang sila noon sa University of Pangasinan nang magsimula ang kanilang pag-iibigan. Hindi naman ito naging hadlang sa kanilang pag-aaral at 'di kalaunan, nakapagtapos sa kani-kanilang kurso ang magkasintahan.

Naging guro si Mary Rose samantalang napagpasyahan ni John Michael o Ambo na ipagpatuloy ang pangarap na maging pulis.

Hindi man magkalinya ng trabaho, pinilit pa rin nilang magkaroon ng oras para sa isa't isa. Matapos ang ilang taon, pareho nang naka-base sa Maynila ang dalawa. Marami sa kanilang mga kaibigan ang makapagsasabing tila kasal na lang ang kulang at maaari nang lumagay sa tahimik ang magkasintahan. Nakaukit na yata sa mga bituin ang kanilang masayang kinabukasang kahaharapin.

Hanggang sa dumating ang isang taong babago sa takbo ng kanilang buhay.

Kaklase, kaibigan at kabaro ni Ambo si PO1 Rafael Espina. Halos kapatid na nga raw ang turing ni Ambo dito. "Siyempre, kasama niya, kung mawalan ng pinansyal, humihiram sa anak ko," dagdag ng ina ni Ambo. Nagawa ring ipakilala ni Ambo ang matagal nang nobya sa matalik na kaibigan. Hindi naman inasahan ni Ambo na ito pala ang magiging dahilan ng isang malalim na hidwaan.

Hindi inasahan ni Ambo ang biglaang pakikipaghiwalay sa kanya ni Mary Rose. Labis ang pagmamahal nito para sa dalaga at ikinagulat nito ang mga pangyayari. Para sa kanya, hindi pa huli ang lahat at marahil mababago niya ang isip ng nobya. Baka sakaling maibabalik pa niya ang kanilang nawaglit na relasyon.

Ngunit nalaman ni Ambo ang isang rebelasyon: tila napakabilis na makalimot ni Mary Rose sa kanilang siyam na taong pagsasama. May bago na raw kasi itong kasintahan, at higit na ikinasama ng loob ni Ambo nang malaman niya kung sino ito. Ang bagong nobyo ni Mary Rose ay ang matalik nitong kaibigan at kabaro sa pulisya na si Rafael.

Dahil sa nalaman, hindi  napigilan ni Ambo ang matinding galit. Hindi ito nakapagpigil at sumugod  sa bahay ni Mary Rose.

‘Pinendeho mo ako’

Ika-23 ng Abril ngayong taon, sumugod sa bahay ng dating nobya si Ambo. Galit na galit nitong kinumpronta ang dalaga. Tiyempo namang nakita ng tito at tita ni Ambo ang motorsiklo nitong nakaparada sa tapat ng bahay nina Mary Rose. Dahil batid ng mag-asawa ang maaaring gawin ng pamangkin, minabuti ni Noemi, tiyahin ni Ambo, na bumaba ng sasakyan upang tawagin ang pamangkin.





"Nag aaway sila, hindi naman sakitan na away. Basta’t ang narinig ko lang, sabi 'Ba’t mo nagawa sa akin 'yun, pinindeho mo ako.' bawat salita niya kung anong mapulot nya doon sa tindahan, binabagsak niya," kuwento ni Noemi. "Uy Ambo, tumigil ka nga diyan. Anong ginagawa mo? Sabi ko sa kanya, 'sige na, umuwi ka na."

Tumalima naman sa utos ng tiyahin ang pulis. Sakay ng kanyang motorsiklo, umuwi ito sa kanila. Kasunod naman niya ang mag-asawang gurong kumukupkop sa kanya sa Maynila. Doon, ipinagtapat ni Ambo kina Noemi at asawa nito ang mga pangyayari. "Kasi, may pinapabasa siya eh. 'Tita tingnan mo ang text niya. Kalandian niya, sinisend pa niya sa akin," sabi ni Noemi. Pakiramdam ng binata, niloko siya nina Mary Rose at Rafael.

Matapos mailabas ang sama ng loob, tila nahimasmasan si Ambo. Sa kuwento ni Noemi, binalak raw bumalik ng binata sa bahay nina Mary Rose. "Balik tayo doon, magso-sorry ako sa nagawa ko. Nabigla kasi ako," saad umano ng binata. Nagpapasama raw ito para humingi ng paumanhin sa dalaga. Bago pumayag, sinigurado muna ni Noemi na kalmante na ang pamangkin at hindi na ito manggugulo pagdating kina Mary Rose. Nangako naman si Ambo na pipigilan nito ang bugso ng kanyang damdamin. Dito na napapayag si Noemi na bumalik kina Mary Rose.

Samantala, dahil sa gulong nangyari, humingi na pala ng saklolo sa barangay si Mary Rose. Pagkaalis nina Ambo, saka naman dumating sina Rafael at ang dalawang barangay tanod. Sila kasi ang tinawagan ng dalaga nang mag-eskandalo sa tapat nila ang dating nobyo.



Nagpang-abot, nagpambuno

Hindi pa nakakaalis sa bahay nina Mary Rose sina Rafael at ang mga tanod nang dumating muli sina Ambo, kasama pa ang tiyahin at asawa nito. Mabilis ang mga sumunod na pangyayari.

"Anong kasalanan ko sa'yo? Ba’t ginawa mo sa akin to?" bungad umano ni Ambo kay Rafael. Dito na nagpambuno ang dalawa at napangunahan na nga ng galit. Nagkapisikalan na ang kanina'y mainit lang na usapan. "Pagdinig kong ganun may bang," kuwento ni Noemi. Laking gulat na lamang ng ginang nang makita ang kanyang pamangking si John Michael na nakabulagta na sa kalsada, duguan at walang malay.

"'Yung kamay ng pamangkin ko na si John Michael, hinawakan kaagad tapos sabay bunot ni Espina. Putok kaagad. So ito ngayon, nung pagkaputok ng isa, nalugmok na si John Michael," kuwento ni Larry, tiyuhin g biktima.

Pinuna rin ni Noemi ang tila kawalan ng aksiyon ng mga barangay tanod na dapat sana'y rumesponde sa away. "Bigla silang umalis eh. 'Bakit niyo kami iniwanan? Awatin mo sila!" pahayag ni Noemi. "Kung sinu-sino pa ang pinagmakawaan kong tao doon sa daan na 'yun. Para akong baliw," dagdag pa niya.

Mabilis namang kumilos ang mag-asawa nang makita ang pamangking nakahandusay sa daan. Mismong ang kaaway ng biktima na si Rafael ang bumuhat dito para madala sa pagamutan, subalit huli na ang lahat. Sinubukang isalba ng mga doktor ang buhay ni Ambo subalit bumigay din ito makalipas ang ilang beses na pag-revive dito.

Kaagad din namang nadakip ng mga rumespondeng mga pulis si Rafael. Kinasuhan ito ngayon ng homicide habang iniimbestigahan pa ang kaso.





Self-defense, sabi ng saksi

Nagbigay na rin ng salaysay o bersiyon ng kuwento ang mga saksing kagawad. Anila, nauna umanong bumunot ng baril si Ambo. Pinaputok niya ito at nagmintis, kaya siya naman ang napuruhan nang si Rafael na ang bumaril. Ito ngayon ang maaaring gawing depensa ng suspek sa krimen. Kung self-defense kasi ang nangyari ay maaaring makalusot sa kasong kinakaharap ang suspek.

Isinailalim na sa pagsusuri ang mga ebidensyang natagpuan sa crime scene. Dalawang basyo ng bala ang nakita at ang mga ito ay isinailalim sa ballistic examination. Malalaman dito kung isa lang ang baril na pinagmulan ng mga bala. Nagsagawa rin ng paraffin examination ang mga pulis sa dalawang sangkot para malaman kung sino ang nagpaputok ng baril. Hindi pa maaaring ilabas ang resulta ng mga pagsusuri hangga't hindi ito naipepresinta sa korte.

Samantala, tikom pa rin ang bibig nina Mary Rose at Rafael sa kaso. Tinangka silang kunan ng pahayag ng "Imbestigador" subalit ilang beses ding tumanggi ang mga ito.

Si Ambo naman, nailibing na ng kanyang pamilyang labis ang hinagpis sa pangyayari. "Ilalaban namin itong kaso mo hanggang sa dulo, anak," pahayag ng ama ni Ambo.

Marami pa sanang pangarap sa buhay si Ambo at kabilang na rito ang makapagserbisyo pa sa ilalim ng sinumpaang tungkulin. Nakakapanghinayang isipin na ito ay hindi na mangyayari dahil lamang sa alitang hindi napigilan.

Laging tatandaan na may mga bagay na nadadaan sa mabuting usapan at hindi dapat tinatapos sa karahasang habambuhay na pagsisisihan.—Irvin Cortez/CM, GMA News


Narito ang ilang pang mga web narratives ng mga kuwentong itinampok sa programa:
Inside job: Ang kuwento ng panloloob sa pamilya Sinday
Regalong sinturon: Ang kuwento sa likod ng Kayang Massacre
Bantay-salakay: Ang pagkakatiklo ng most wanted ng Bobon
Marahas na kaarawan: Ang kuwento ng lalaking nag-amok sa Caloocan
Kawayan: Ang misteryo sa likod ng pagkamatay ni Jayvee Vitug
Ganti ng dating kasintahan: Ang kaso ng lalaking sinabuyan ng asido
Sa mga kamay ng manggagamot: Ang kuwento ng dukot-mata sa Pangasinan
Ang bisita nina nanay: Ang kuwento ng Palawan double murder case
Ang bracelet ni Pabo: The Guagua double murder case story
'Taong Putik': Ang kuwento sa likod ng Kawit hostage drama
Uuwi na si Daisy: Isang 'Imbestigador' Exclusive
‘Self-Defense Instinct’: The Rafael Parricide story
Tags: webexclusive