ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Bodega: ang kuwento ng pagdukot kay Baby Ekham
Ang kuwentong ito ay unang itinampok sa "Imbestigador". Ang mga larawang ginamit ay halaw sa pagsasadula ng kaso. Napapanood ang "Imbestigador" tuwing Linggo ng gabi sa GMA-7, 9:15 p.m., pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho. I-like ang official Facebook page ng Imbestigador para sa updates.

Tuwing papasok sa trabaho, kampanteng iniiwan ni Daisire Singh ang kanyang anak na si Baby Ekham sa ate niyang si Donna. Kahit tatlong buwan pa lang sa kanya ang ate, napakalaking tulong na nito sa pag-aalaga sa bata lalu pa’t hindi na nila kailangang kumuha ng yaya o ibang mag-aalaga.
Pero hindi inasahan ni Daisire na ang simpleng araw sana noong Abril 17, 2014 ang magiging simula pala ng isang trahedyang habang buhay na magmamarka sa kanyang pamilya.

Alas-sais y media ng umaga nang nagpaalam na si Daisire na papasok na sa trabaho, kaya naman iniwan na niya ang anak sa kanyang Ate Donna. Wala namang tila kakaiba noong araw na iyon.


Nakikipaglaro lang sa kapitbahay ang bata habang nakabantay naman dito ang kanyang tita. Nagbanyo saglit si Donna at ihinabilin ang pamangkin sa kanilang kapitbahay na si Joy.

Pero wala pang isang oras mula nang makaalis, nakatanggap agad ng tawag si Daisire mula kay Joy. “Tumawag na sa akin si Joy, nagsisigaw po siya at sinabi niya sa akin na ‘Ate Des, umuwi ka na at si Ekham, nawawala!’” pahayag ni Daisire.

Dali-daling umuwi si Daisire para hanapin ang anak. Katulong nila sa paghahalughog sa kanilang lugar ang ama ni Ekham at ang boyfriend ni Donna na si Edward de Mesa.

Ipina-blotter din nila kaagad ang pangyayari para matulungan sila ng mga awtoridad sa paghahanap sa bata.

Hanggang sa kinahapunan ay nakumpirma nila ang masamang balita: dinukot ang kanilang anak na si Ekham. Ipinadala umano ng mga dumukot sa bata ang mensahe sa cellphone ng kasambahay ng kanilang kapitbahay. Si Joy ang nagsabi sa kanila tungkol sa text message. “May nag-text, ‘yun nga po. Noong nabasa ko na: ‘Nasa akin yung anak mo, kailangan ko ng P500,000.”

Patuloy na nakipagnegosasyon si Daisire sa mga kumuha sa kanyang anak hanggang sa magkasundo sila’t naibaba ang ransom sa P50,000. Napag-usapan na rin kung saan iiwanan ang pera para makuha ito ng mga suspek.
Unang sinabi na kay Edward lamang sila makikipag-transaksyon subalit pabagu-bago ang isip ng mga kidnapper. Hiniling nilang sina Joy at Donna na lamang ang maghatid ng pera.
Nabulilyaso rin ang unang tangka nilang iwanan ang pera dahil may kapitbahay sina Daisire na tumawag ng mga pulis.

Muling kinontak ng mga salarin ang ina ni Ekham makalipas ang ilang oras. Alas kuwatro ng madaling araw, inihatid nina Donna at Joy ang ransom money sa napagkasunduang lugar.

Ngunit hindi rin agad umalis sa lugar ang dalawa para rin matiktikan kung sino ang kukuha ng pera. “Nakita ko yung caretaker na kumuha ng pera,” kuwento raw ni Donna sa kapatid na si Daisire. Ang itinuturong suspek ni Donna, ang caretaker sa apartment na tinutuluyan nila: ang 57 taong gulang na si Ricardo Taniegra, alyas Cadoy.
Matiyagang hinintay nina Daisire ang pagbabalik ni Baby Ekham lalo pa’t nabayaran na ang ransom na hinihingi ng mga suspek. Subalit sumikat na ang araw ay ni anino ng bata, hindi pa rin nila nakikita.
Nagpasya nang bumalik sa pulisya ang mag-asawa subalit hindi pa man sila tuluyang nakakaalis, muling tinawag ni Joy ang kapitbahay na si Daisire. “Si Joy, siya din po ang tumawag sa akin,” kuwento ni Daisire. “Ate Des, umuwi ka na! Umuwi ka na at bumalik ka dito at nandito si
Ekham,” balita raw ng kapitbahay kay Daisire. Dagli namang bumalik ng bahay ang mag-asawa.
Hindi nila inakalang imbes na mahigpit at mainit na yakap, isang malamig na bangkay na palang sasalubong sa kanila ang anak.

“Yung bata po ay nakagapos yung dalawang kamay, nasa gawing likuran, at ito po ay nakatali ng packing tape,” salaysay ng kapitan ng barangay sa lugar nina Daisire. “Nakita na daw nila si Ekham, nandoon po sa ilalim ng hagdan po sa bodega,” saad ng ina ng biktima.


“Yung kanyang dalawang paa, ganoon din, nakagapos at balot din po ng packing tape,” dagdag pa ng kapitan. “Tapos po yung parteng ulo, may packing tape din po umpisa sa baba hanggang sa baba ng mata.” Asphyxiation due to strangulation ang ikinamatay ni Baby Ekham base sa pagsusuri sa labi. Hinihinalang hindi ito nakahinga dahil sa packing tape na ibinalot sa kanyang mukha.

Agad inimbestigahan ang mga suspek sa pandurukot kay Baby Ekham. Unang dinala sa presinto si Cadoy para kunan ng pahayag. Sa kanyang salaysay, itinuro niya si Donna at ang kasintahan nitong si Edward bilang mga utak sa krimen.
Kinasuhan ang magkasintahan ng kidnapping with homicide at kasalukuyan silang nasa kustodiya ng pulisya. Mariin namang itinatanggi ni Donna ang mga bintang sa kanya. Paniwala niya, siya ang napagbibintangan sa krimeng ginawa ni Joy. Aniya, tila alam ng kapitbahay nilang si Joy ang mga nangyayari kay Baby Ekham. Parang atat din daw itong maihulog sa basurahan ang ransom para sa bata.
Ibinalik naman ni Joy ang mga paratang sa magkasintahan. “Nagsalita si Edward na ‘Ka-text ko na si Des, pa-ransom na natin si Ekham,’” salaysay ni Joy. “Sabi naman ni Donna, ‘Malaman ko lang na ikaw yung kumuha kay Ekham, ako ang unang papatay sa’yo.” Nagbibiruan daw ang magkasintahan habang hinahanap ng mga ito ang bata.
Samantala, kumbinsido si Daisire na inosente sa kaso ang kanyang ate.

Dumulog siya sa Public Attorney’s Office para muling mapabuksan ang imbestigasyon sa kaso. “Nagbigay tayo ng letter requesting re-investigation na ipa-file sa fiscal,” pahayag ng ahensya.
Gayunman, matibay daw ang ebidensya ng mga pulis laban sa kanya. “Solid na evidence natin yung judicial confession ni Ricardo, ‘yung caretaker” pahayag ng imbestigador sa kaso. Bumaligtad man kasi sa una niyang pahayag si Ricardo alyas Cadoy, mas matibay daw sa korte ang una niyang salaysay. “Yung pagbabago ng salaysay, maaring may nakausap na abogado na iyan o kamag-anak na maaaring maka-impluwensiya sa kanya,” sabi ng abogadong tumayong saksi sa unang sinumpaang pahayag ni Cadoy.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa kaso.
Tatlong taon lamang ang itinagal ni Baby Ekham sa lupa subalit ang sakit ng kanyang pagkawala, habambuhay na papasanin ng mga nagmamahal sa kanya..—Irvin Cortez/CM, GMA News
Narito ang ilang pang mga web narratives ng mga kuwentong itinampok sa programa:
Kuwadradong pag-ibig: Ang kuwento ng babaeng nagmahal sa tatlong lalaki
Love triangle: Kuwentong-krimen sa pagitan ng magkabarong pulis
Inside job: Ang kuwento ng panloloob sa pamilya Sinday
Regalong sinturon: Ang kuwento sa likod ng Kayang Massacre
Bantay-salakay: Ang pagkakatiklo ng most wanted ng Bobon
Marahas na kaarawan: Ang kuwento ng lalaking nag-amok sa Caloocan
Kawayan: Ang misteryo sa likod ng pagkamatay ni Jayvee Vitug
Ganti ng dating kasintahan: Ang kaso ng lalaking sinabuyan ng asido
Sa mga kamay ng manggagamot: Ang kuwento ng dukot-mata sa Pangasinan
Ang bisita nina nanay: Ang kuwento ng Palawan double murder case
Ang bracelet ni Pabo: The Guagua double murder case story
'Taong Putik': Ang kuwento sa likod ng Kawit hostage drama
Uuwi na si Daisy: Isang 'Imbestigador' Exclusive
‘Self-Defense Instinct’: The Rafael Parricide story
Tags: webexclusive
More Videos
Most Popular