ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Bantay-mahalay?: Ang kaso ng pulis na inireklamo ng panghahalay


Ang kuwentong ito ay unang itinampok sa "Imbestigador". Ang mga larawang ginamit ay halaw sa pagsasadula ng kaso. Napapanood ang "Imbestigador" tuwing Sabado ng hapon, 4:45 PM, pagkatapos ng Wish Ko Lang. I-like ang official Facebook page ng Imbestigador para sa updates.





Isa sa mga kinatatakutang mangyari ni Melba ay ang pagkakapariwara ng kanyang 17-anyos na pamangking si Marichelle, hindi niya tunay na pangalan. May sakit sa pag-iisip ang ina ng dalaga kaya inako na ni Melba ang responsibilidad sa pamangkin.

Sa katunayan, parang tunay na anak na rin umano ang turing niya rito at "mama" ang tawag sa kanya ng dalaga. Hangad lamang ni Melba na lumaking maayos si Marichelle.

Subalit may isang ugali ang dalaga na hindi gusto ng kanyang tiyahin. Hindi raw kasi mapirmi ang dalaga sa kanilang bahay at laging naggagagala. Kahit anong saway daw niya sa pamangkin, hindi nila makontrol si Marichelle at kung minsan, hindi pa umuuwi sa kanila. Nasanay na rin umano si Melba sa lubog-litaw na pamangkin.

Hanggang sa isang masamang balita ang natanggap ng ginang nito lamang Mayo.

Kasama si Marichelle sa mga dinakip dahil umano sa paggamit at pagdadala ng ilegal na droga. Ipiniit siya sa himpilan ng lokal na pulisya ng Silang, Cavite, at doon na rin siya dinatnan ni Melba.

"Sinampal ko siya at dahil sa galit ko," salaysay ng ginang. "Bakit ka nagkaganyan? Kung ikaw ay nakinig sa akin noong pinababalik kita sa atin, e hindi ka nagkaganyan!" pangaral niya sa pamangkin.

Labis din ang pagsisisi ni Marichelle subalit iyak na lamang ang kanyang maisagot sa tiyahin. Itinanggi niya ang bintang sa kanya, subalit malakas daw ang ebidensya ng mga awtoridad laban sa dalaga. Dahil dito, sa bilangguan muna mananatili si Marichelle habang dinidinig ang kanyang kaso.

Dahil menor de edad si Marichelle, iniapela ni Melba ang kaso ng pamangkin. Nasa batas kasi na maaaring kupkupin muna sa isang shelter ng Department of Social welfare and Development ang isang menor de edad na nagkasala sa batas. Hiling ni Melba na maialis ang pamangkin sa bilangguan at mailipat sa isang pasilidad ng  DSWD sa kanilang lugar.



Habang nilalakad ni Melba ang mga papeles para dito, wala namang palya ang pagdalaw niya sa pamangkin. Hindi pa rin kasi ito komportable sa bilangguan at tila laging may bumabagabag sa dalaga.

"Tinatanong ko siya kung ano ba talagang problema," ani Melba. Ayaw naman daw sumagot ni Marichelle. Pero minsan, isang babae na kasama nito sa selda ang tila nagsumbong na kay Melba.

"Nay, may nanliligaw sa kanyang pulis," kuwento ng isa pang preso kay Melba. Dito na umigting ang kagustuhan niyang mailipat sa ibang pasilidad ang pamangkin.

Ipinresinta ni Melba ang mga dokumentong makapagpapatunay sa edad ng kanyang pamangkin. Agad naman tinugunan ang kanyang hiling at iniutos ng korte na ilipat si Marichelle sa Department of Health Treatment and Rehabilitation Center.

Pero iba umano ang naging rekomendasyon ng mga kinauukulan nang lumabas ang desisyon. Dapat umano sumailalim si Marichelle sa counseling program ng DSWD kaya naman sa selda pa rin ang bagsak ng dalaga. Tingin ni Melba, tila nag-taingang kawali ang mga nakatataas sa kanilang bayan kaya naman hindi nailipat sa tamang pasilidad si Marichelle.



Ipinuslit palabas

Dahil dito, lalong nag-alala si Melba sa kalagayan ng pamangkin sa bilangguan. Sa tulong ng kanyang abogado, kinausap ng masinsinan ang dalaga. "Pinalabas ni attorney doon sa kulungan. Kinausap niya ang Women’s Desk," salaysay ni Melba. "Nabasa ko yung salaysay niya. Iyon pala ang nangyari. Bakit ganito silang mga pulis? Araw-araw naman akong nagpupunta doon, wala namang nagsabi sa akin."

Ang nilalaman ng salaysay ni Marichelle?siya raw ay ginahasa. At ang itinuturong salarin ang bantay sa kulungan na si PO1 Randy Macariza.

Maituturing na baguhan sa serbisyo ang pulis kaya naman ikinagulat din ng mga nakatataas sa kanya ang reklamong ginahasa niya si Marichelle.

Base naman sa salaysay ng dalaga, dalawang beses daw siyang pinagsamantalahan ng pulis at pinangakuan siya nitong tutulungan siyang makalaya. Ikalawang linggo ng Mayo nitong taon nang ipuslit daw si Marichelle palabas ng bilangguan. Sakay ng isang pulang motorsiklo, dinala raw ni PO1 Macariza si Marichelle sa bayan at nag-check in daw sila sa motel. Dito na naganap ang kahalayan sa dalaga.

Lalo pang nalumo si Marichelle nang hindi tumupad sa usapan ang pulis. Pagkatapos dalhin sa motel, ibinalik daw ni PO1 Macariza ang dalaga sa loob ng kanyang selda.

Agad namang kumilos ang mga kinauukulan sa kasong isinampa ni Marichelle laban sa pulis. Dinala sa medico legal si Marichelle para masuri. Base sa naging resulta ng eksaminasyon, lumalabas na nagkaroon ng "healed genital lacerations" ang dalaga, patunay na mayroon ngang gumalaw sa kanya. Binawi rin muna ang baril na gamit sa serbisyo ng pulis, at inilipat muna ito sa ibang himpilan.

Samantala, isa pa palang pasabog ang magpapaningas sa eskandalong kinasangkutan ng pulis.



Hindi nag-iisa

Dating preso sa Silang Municipal Police Station si "Jessa," hindi niya tunay na pangalan. Dahil sa paglantad ni Marichelle, lumakas din daw ang loob niyang lumapit para ireklamo ang sinapit sa kamay ng parehong pulis.

Nakulong dahil sa kasong carnapping si Jessa at pinangakuan daw siya ng pulis na tutulungan siya nito sa kaso. Inilabas din daw si Jessa ni PO1 Macariza at saka dinala sa motel. Parehong-pareho sa naging modus operandi ng pulis sa nangyaring panggagahasa kay Marichelle.

Patung-patong na kasong kriminal at administratibo ang kinakaharap ng pulis sa ngayon.

Sinikap ng programang "Imbestigador" na makuha ang panig ng inirereklamong pulis subalit hindi na raw ito umuuwi sa kanilang bahay. Wala na rin daw itong komunikasyon sa kanyang asawa.

Samantala, dahil na rin sa pag-aksyon ng Imbestigador sa kaso, mismong ang regional office na ng DSWD ang umaksyon para mailipat sa ibang pasilidad si Marichelle. Kapansin-pansing noong araw na kukunin na ang dalaga mula sa kulungan ay inihiwalay ito sa isang kuwarto.

Sa kasalukuyan, patuloy na ang pagdinig sa kaso laban sa pulis samantalang pinipilit na ni Marichelle na makapagbago sa tulong ng mga social worker at mga mahal sa buhay, sa pangunguna ng kanyang Tita Melba.—Irvin Cortez/LG, GMA News

Narito ang iba pang mga web narratives ng mga kuwentong itinampok sa programa:
‘Anak ko ‘yan!’: Ang kaso ng batang pinag-aagawan
'Sextortion': Ang kaso ng dalagang ipinakalat ang hubad na larawan sa internet
Bodega: ang kuwento ng pagdukot kay Baby Ekham
Kuwadradong pag-ibig: Ang kuwento ng babaeng nagmahal sa tatlong lalaki
Love triangle: Kuwentong-krimen sa pagitan ng magkabarong pulis 
Inside job: Ang kuwento ng panloloob sa pamilya Sinday
Regalong sinturon: Ang kuwento sa likod ng Kayang Massacre 
Bantay-salakay: Ang pagkakatiklo ng most wanted ng Bobon 
Marahas na kaarawan: Ang kuwento ng lalaking nag-amok sa Caloocan
Kawayan: Ang misteryo sa likod ng pagkamatay ni Jayvee Vitug
Ganti ng dating kasintahan: Ang kaso ng lalaking sinabuyan ng asido
Sa mga kamay ng manggagamot: Ang kuwento ng dukot-mata sa Pangasinan

Ang bisita nina nanay: Ang kuwento ng Palawan double murder case
Ang bracelet ni Pabo: The Guagua double murder case story
'Taong Putik': Ang kuwento sa likod ng Kawit hostage drama
Uuwi na si Daisy: Isang 'Imbestigador' Exclusive
‘Self-Defense Instinct’: The Rafael Parricide story
Tags: webexclusive