Tatay ko si lolo: kaso ng pananamantala ng isang ama sa sarili niyang mga anak

Disclaimer: Ang akdang ito ay malikhaing katha base sa sumbong na natanggap ng Imbestigador. Hindi ito ang totoong pananaw ng bata o ng mga umampon sa kaniya. Lahat ng pangalan ay pinalitan upang mapangalagaan ang mga biktima.
Hindi ako lumaki sa piling ni Nanay.
Sa totoo lang, hindi ko pa nga siya nakikilala. Ang kuwento sa akin ni Mommy, ipina-ampon daw ako noong kapapanganak pa lang sa akin. Walang pali-paliwanag, basta raw kunin na ako agad.
Galing daw ng Antique ang Nanay bago lumuwas dito sa Maynila noong Marso 2014. Isang buwan na lang ay ipanganganak na niya ako, pero pinilit niyang makahanap agad ng trabaho. Bata pa si Nanay, 17 pa lang.
Tumira raw ang Nanay sa puder ng kaniyang ate; kay Tita. Okay na rin siguro na doon namalagi si Nanay. Nangungulila kasi si Tita sa aalagaan, buhat noong mamatay ang pinsan ko noong 2010 dahil sa sakit. Siyam na buwan pa lang siya noon. Gaya ni Nanay, maaga ring nabuntis si Tita.
Tinanong ko kay Mommy kung sino ang tatay ko. “Huwag kang mabibigla,” sabi niya “Ikukwento ko.”

“Makinig ka, hindi pa tapos.”
Nakulong daw ang Tatay dahil sa illegal possession of firearms. Nagsumbong si Tita na tinutukan daw siya ng baril ni Tatay. Nanlalaban daw kasi si Tita noon para hindi na maulit kina Nanay at sa iba pa niyang mga kapatid ang nangyari sa kaniya.
“Maulit po ang alin, Mommy?” tanong ko.
Nabasag ang malakas na boses ni Mommy. Niyakap niya ako at saka ibinulong ang isang pangungusap na hanggang ngayo’y paulit-ulit ko pa ring naririnig--sa pagtulog, sa paggising, habang may ginagawa o wala.
“Ang tatay mo, tatay rin ng iyong ina.”
At ni Tita. At ng kawawa kong pinsan na hindi man lang naranasan maging bata. Asawa ni Tatay si Lola--si Lola na sa tindi ng pagmamahal sa kaniya’y hinarang ang mga kasong isasampa noon ni Tita. Kasabay ng illegal possession of firearms ang kasong rape pero, dahil na rin kay Lola, nakulong lang ang Tatay sa mas magaan na paratang.

May project kami sa school. Sabi ni teacher, gumawa kami ng family tree “complete with pictures.” Sabi ko, buti na lang at may Mommy at Daddy ako na mailalagay. May mailalagay akong Ate at Kuya. May mga litrato ako ng pamilyang nag-aruga at nagmahal sa akin sa kabila ng mapait kong pinagmulan.
Pero minsan, iniisip ko pa rin kung ano kaya ang buhay ko sakaling hindi umalis sa Antique si Nanay. Sasabihin niya kaya sa akin ang katotohanan? Ano ang itatawag ko sa aking ama--Tatay? Tito? Lolo? Paano na ang family tree ko?
Nakakalito. Siguro nga’y biyaya na rin na ipina-ampon nila ako.
-----
Ang kuwentong ito ay hango sa salaysay ni Lara, hindi niya tunay na pangalan, isang 17 anyos na dalagang hinalay ng kaniyang sariling ama na si Marco, hindi rin niya tunay na pangalan. Ayon kay Lara, sampung taong gulang pa lamang siya nang simulang pagsamantalahan. Maging ang kaniyang nakatatandang kapatid na si “Nora,” ginagahasa rin ng kanilang ama. Laging wala sa bahay ang kanilang ina dahil namamasukan ito sa Maynila, pero nang mabuntis si Nora noong 2009, saka lang nito nalaman ang pang-aabuso ng kaniyang asawa. Noong una, kinampihan sina Nora ng kanilang ina, pero nang makulong na si Marco sa kasong illegal possession of firearms, nabaon na rin sa limot ang kasong rape laban sa kaniya.
Wala pang isang taon mula nang ipinanganak ang supling ni Nora, binawian ito ng buhay dahil sa sakit. Matapos naman ang isang taon, nakalaya na ulit si Marco. Pero hindi rito nagtapos ang kanyang kademonyohan. Patuloy pa rin ang panghahalay niya kay Lara. Noong nakaraang taon, nagbunga na naman ang kahayupan ng ama, matapos manganak ni Lara, ipinaampon niya ang sanggol.
Sa pagkakataong ito, hindi na raw masikmura ng magkapatid ang kawalanghiyaan ng ama. Dito napagdesisyunan ng magkapatid na humingi ng tulong sa Imbestigador. Kasama ang Sumbungan ng Bayan at mga kawani ng Department of Social Welfare and Development, pormal na sinampahan ng kasong rape nina Lara ang kanilang ama.
Mapanonood ang Imbestigador tuwing Sabado, 4:45 ng hapon sa GMA-7.