ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Usad-pagong: Unang anibersaryo ng ‘Edejer massacre’ sa Pampanga

 



 
Alas kuwatro noong September 2013, makailang-ulit nag-doorbell ang labing-isang taong gulang na si Ron Edejer sa kanilang tahanan, ngunit walang nagbubukas ng kanilang gate.

Nababalot ng kakaibang katahimikan ang kanilang tahanan.

Nagpasya si Ron at ang kaibigan na maglaro muna sandali ng basketball. Pero nang muli itong bumalik sa bahay, wala pa ring nagbubukas ng gate. Dahil dito, nagdesisyon si Ron na akyatin na ang kanilang tarangkahan.

Pagbukas niya ng pinto, dito na bumungad ang kagimbal-gimbal na tagpo.

Kalunus-lunos na eksena
 



Hindi lubos akalain ni Ron na matatagpuang nakahandusay sa kanilang sala ang pinsang si Nelson Dominico. Bahagya pa raw niyang sinipa ang katawan ng pinsan at nagulat nang may tumulong dugo sa likuran nito. Dala ng takot, agad na kumaripas ng takbo si Ron papunta sa kapitbahay na si Fely Dizon.

Ayon sa salaysay ni Fely, nagwawala raw si Ron dahil sa nasaksihan. Agad naman daw nilang tinawagan ang mga guwardiya ng subdivision, pati na rin ang tiyuhin ni Ron para sabihin ang nangyari.

Bandang alas singko ng hapon nang dumating ang mga pulis Angeles sa tahanan ng pamilya Edejer. Kumpirmado: wala nang buhay ang pinsan ni Ron na si Nelson. Ngunit sa kanilang paglilibot sa bahay, natuklasan ng mga pulis na hindi lang pala isa ang biktima.

Nakita ring nakahandusay at wala nang buhay ang kasambahay ng mga Edejer na si Morena Osias. Ang bangkay ng isa pang kasama nito na si Teresita Lansangan ay natagpuan naman sa nipa hut sa loob ng compound. Patay rin ang masahistang si Benigno “Bong” Villanueva, na ipinatawag lang ng pamilya noong araw na iyon.

Ang ina ni Ron na si Corazon Edejer, natagpuan ding duguan sa master’s bedroom. Ang labing-siyam na taong gulang na si Kenneth, kapatid ni Ron, nakita ring patay sa kaniyang kuwarto.

Duguan, walang malay at may tama rin ng bala sa ulo ang haligi ng tahanan na si Nicolas o Nick Edejer, na nakita sa ibang kuwarto sa compound.

Walang-habas na pamamaslang
 



Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumalabas na bandang alas nuwebe ng umaga noong araw na nangyari ang krimen nang namataan si Nick sa isang casino sa Barangay Balibago sa Angeles. Nakita sa kuha ng CCTV na nakasakay si Nick sa kaniyang itim na pickup.

Makalipas ang humigit-kumulang isang oras, sinundo ni Nick ang asawang si Cora sa puwesto nito sa palengke sa Angeles. Bandang 10:30 ng umaga nang makarating ang mag-asawa sa kanilang bahay sa San Fernando.

Umalis sandali si Kenneth upang ihatid ang kapatid na si Tintin sa bahay ng isang kaibigan, ngunit agad din itong bumalik bago mananghalian. Ayon pa sa pagsisiyasat ng mga pulis, nakakain pa raw ng tanghalian ang mag-anak noong araw na iyon.

Pinaniniwalaang nakapasok ang mga salarin sa pagitan ng alas dos at alas kuwatro ng hapon habang nagsi-siesta ang pamilya. Dagdag pa ng mga pulis, wala raw tanda ng “forced entry” kaya maaaring kakilala ng pamilya ang mga salarin.

Isang tama ng baril sa ulo ang ikinamatay ng mga biktima ayon sa autopsy na isinagawa ng PNP Crime Lab Region 3. Nagmula raw ang bala sa isang kalibre kuwarenta’y singko na baril. Sa pagtataya pa ng awtoridad, malaki ang posibilidad na iisang tao lang ang may hawak ng armas na ginamit sa mga biktima. Ilang minuto lang din daw ang itinagal ng pamamaril.

Ayon pa sa imbestigasyon, tinangka pang nakawin ng mga suspek ang isang vault mula sa ikalawang palapag ng tahanan ngunit hindi sila nagtagumpay na buksan ito. Tinangay pa umano ng mga salarin ang mga tape ng CCTV na posibleng naglalaman ng footage ng nangyaring krimen—isang palatandaan na maaaring kakilala nga ng pamilya Edejer ang mga may sala.

Halatang nagmamadaling umalis ang mga suspek sa pinangyarihan ng krimen. Sa katunayan, tinangay ng mga ito ang mismong pickup ni Nick para gawing getaway vehicle.

Ngunit kung akala ng mga suspek ay malinis nilang natakasan ang ginawang kalapastanganan, napag-alaman ng mga pulis na nag-aagaw buhay pa ang padre de pamilya na si Nick. Agad siyang isinugod sa intensive care unit ng Sacred Heart Hospital sa Angeles.

Sa pagkaka-ospital na ito ni Nick, umasa ang mga kaibigan at kamag-anak ng mga biktima na mabibigyang-linaw at kasagutan ang mga palaisipan sa likod ng krimen. Ngunit sa kasamaang palad, tanging luha na lang ang naisasagot ni Nick sa mga katanungan sa kaniya. Makalipas ang ilang araw matapos isugod sa ospital ang haligi ng tahanan, binawian na rin ito ng buhay.


Mga bumabalot na palaisipan
 



Ang itim na pickup ng mga Edejer na ginamit ng mga salarin sa pagtakas, namataan sa kuha ng CCTV ng North Luzon Expressway. Eksaktong 4:41 ng hapon noong araw din na iyon, namataan ang nasabing sasakyan na dumaan sa Dau Exit ng NLEX. Makikita sa footage na ekslusibong nakuha ng Imbestigador na bahagyang ibinaba ng nagmamaneho ang bintana ng pickup.

Kapansin-pansin din na kanang kamay ang ginamit ng driver sa pag-abot ng bayad sa tollgate sa halip na kaliwang kamay. Ayon sa mga pulis, posible raw na may singsing o ibang identifying mark ang kaliwang kamay ng driver kaya iniwasan itong gamitin. Lagpas alas singko ng hapon, natagpuang walang laman ang nasabing pickup sa bayan ng Concepcion sa Tarlac.

Hanggang ngayon, palaisipan pa rin kung sino nga ba ang nasa likod ng krimen at kung ano nga kanilang tunay na motibo.

Alaala ng mga Edejer

Ayon sa kapitbahay na si Fely, likas na masayahin, mabait at matulungin daw ang pamilya Edejer. Kahit daw nakaaangat ang mga ito sa buhay, hindi raw sila kailanman naging matapobre sa pakikitungo sa iba. Katunayan ay lagi pa nga raw siyang iniimbitahan ni Cora sa tuwing may salu-salo sa kanila.


Pinatunayan din ito ni Luis Carreon, matalik na kaibigan ng panganay na si Kenneth na laging nagpupunta sa bahay ng mga Edejer pagkatapos maglaro ng basketball kasama ang binata.

Hindi raw siya itinuring na iba ng pamilya. Labis din daw ang panghihinayang ni Luis dahil magtatapos na sana sa kolehiyo ang bestfriend nang mangyari ang krimen.

Kaya naman hindi lubos-akalain ng ina ni Nick na si Vicky ang sinapit ng pamilya. Ang magandang buhay daw na kanilang tinamasa, produkto ng diskarte at pagtitiyaga ng mag-asawang Edejer sa negosyo. Walang taon nang kilala sa patitinda at pagde-deliver ng bangus sa kanilang lugar ang mga Edejer. Dahil sa patok na negosyo, posibleng may kinalaman daw ito sa motibo ng mga salarin.

Ngunit maliban sa pagtitinda ng bangus, may iba pang pinagkakakitaan noon ang pamilya. Disyembre noong taong 2012 nang mahumaling si Nick na subukan ang pagpapautang ng pera sa casino. May mga pagkakataon pa nga raw na isinasanla ng mga parokyano kay Nick ang kanilang mga sasakyan at titulo ng lupa. Dahil sa mga transaksiyong ito, tinitignan na rin ng mga awtoridad ang anggulo ng casino financing business bilang motibo.

Nasaan na ang katarungan?

Binuo ng Philippine National Police ng Angeles ang “Task Force Edejer” noong nakaraang taon upang tutukan ang imbestigasyon sa Edejer massacre. Ngunit eksaktong isang taon matapos ang krimen, tila nananatiling hamon pa rin sa mga awtoridad ang pagresolba ng kaso.

Mabagal ang paggulong ng imbestigasyon lalo na’t walang lumutang na testigo upang mas mapadali ang pagsagot sa maraming misteryo. Ang tanging pag-asa sana na CCTV sa bahay ng mga Edejer, tinangay pa ng mga salarin. Aminado ang PNP Angeles na isa ang Edejer massacre sa mga pinakamahirap na kasong kanilang nahawakan.

May mga itinuturing na “persons of interest” o mga taong posibleng may kinalaman sa krimen ang mga awtoridad. Ngunit dahil walang matibay na ebidensiya at testimonya laban sa kanila, idineklara nang cold case ang Edejer massacre.

Isang taon na nga ang lumipas ngunit hindi pa rin naghihilom ang mga sugat ng mga naulilang kamag-anak at kaibigan. Mas lalo pa raw litong umalala at lumalalim dahil sa usad-pagong na takbo ng kaso. –Yuji Gonzales/ ARP, BMS

Sama-sama nating ipagtanggol ang ating karapatan kasama ang nag-iisang Sumbungan ng Bayan tuwing Sabado, 4:45 PM sa GMA. Sundan din ang Imbestigador sa aming official Facebook at Twitter accounts.