ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Inilibing na, hinukay at itinapon pa sa dagat: the Okada-Cirunay double murder case


Pinagsasaksak, ibinalot sa plastik, ibinaon sa lupa, muling hinukay at saka itinapon sa karagatan. Ito ang kalunus-lunos na sinapit ng Pinay na si Honeylyn Cirunay at ng kaniyang nobyong Japanese national na si Yuji Okada.
 
Hindi lubos-akalain ng naiwang pamilya ni Honeylyn, 42, na bigla na lang maglalaho ang magkasintahan sa kalagitnaan ng kanilang pagbabakasyon dito sa Pilipinas.
 
Labing-limang taong nanatili sa Japan si Honeylyn at nagtrabaho sa isang pabrika. Pag-uwi niya sa Pilipinas, kasama na niya ang 54 taong gulang na si Yuji.  Ipinakilala niya sa kaniyang pamilya ang nobyo na kinakasama na rin niya sa loob ng isang taon.
 
Ayon na rin mismo sa mga kapatid ni Honelyn na sina Gian at Leo, malugod na tinanggap ng pamilya si Yuji. Alam din nila ang pagkakaroon nito ng ampon mula sa unang asawang Pilipina. Nagkaroon ng anak sa iba ang kaniyang dating asawa habang nagsasama sila, ngunit inampon niya ito at sinustentuhan nang mamatay ang Pilipina dahil sa cancer.
 
Maayos na tumatakbo ang lahat para kina Yuji at Honeylyn, hanggang sa putulin ng isang karumal-dumal na pangyayari ang kanilang matiwasay na pagbabakasyon.
 
Naglaho nang parang bula
 
Hindi makapaniwala si Gian na ang kanilang salu-salo noong Hunyo 25 pala ang huling beses na makikita niya ang kapatid. Sa pagtitipon na iyon, sinabi ni Yuji at Honeylyn ang kanilang balak na manirahan nang permanente sa Japan.
 
Pagsapit ng Hunyo 29, hindi na raw matawagan sa cellphone ang magkasintahan. Dito na nagsimulang mag-alala ang pamilya. “Naaalarma na kami, hindi naman kasi ganun ‘yung si Honeylyn eh. Lalo na kapag tag-ulan dito sa amin, tatawag ‘yun,” ani Leo.
 
Sa kalagitnaan ng kanilang paghahanap, isang text message ang kanilang natanggap—patay na raw sina Yuji at Honeylyn. Naplakahan diumano ng concerned citizen ang kotseng pinaglagyan daw ng mga bangkay ng magkasintahan.
 
Sa tulong ng National Bureau of Investigation (NBI), napag-alamang kay Yuji ang nasabing kotse at isang nagngangalang Don Neil Reyes ang may dala ng sasakyang naglalaman ng bangkay ng dalawa. Dahil sa mga impormasyong nakalap, inimbitahan ng awtoridad si Don Neil upang magbigay ng salaysay. Sa kaniyang extrajudicial confession, hindi itinanggi ng lalaki ang pagkakadawit sa krimen.
 
Patung-patong na krimen
Si Don Neil ang ama ni Raleigh, ang nobyo ng ampon ni Yuji na si Ashley. Unang linggo ng Hulyo raw nang tawagan ni Raleigh ang ama para makipagkita kasama si Ashley. Dito ipinagtapat ng magkasintahan ang isang kagimbal-gimbal na rebelasyon—pinaslang nila sina Yuji at Honeylyn.
 
Sa kuwento ni Don Neil, nagkaroon daw ng matinding pagtatalo sa pagitan nina Ashley at Honeylyn noong Hunyo 28 sa bahay ni Yuji sa Parañaque. Naitulak umano ni Honeylyn ang apat na buwang buntis na si Ashley sa hagdanan. Agad na sumaklolo ang nobyo nitong si Raleigh at nagawang sakalin si Honeylyn—bagay na ikinagalit din ni Yuji at naging dahilan na rin ng kaniyang pakikipagbuno. Matapos sakalin, nagawa pang pagsasaksakin ng dalawa sina Yuji at Honeylyn.
 
Ayon sa mga kapatid ni Honeylyn, hindi raw lingid sa kanilang kaalaman na nagkakaroon ng problema si Yuji sa kaniyang ampon. Naikuwento pa nga raw minsan ni Honeylyn sa kanila ang mga pagbabanta ni Ashley, gayundin ang kinasasangkutan nitong bisyo—ang paggamit ng iligal na droga.
 
Kinabukasan, bumalik sina Ashley at Raleigh sa bahay sa Parañaque upang dispatsahin ang mga bangkay. Sa pagkakataong ito, kasama na nila si Don Neil. 
 
Halos masuka raw si Don Niel nang makita ang mga nangangamoy na bangkay na nakatihaya sa sala ng bahay. Nakabalot ang mga ito sa kumot ngunit umaalingasaw ang amoy. Agad na isinilid ng tatlo ang mga bangkay sa dala nilang mga garbage bag gamit ang duct tape.
 
Habang nagbabantay si Ashley, pinagtulungang buhatin ng mag-amang Don Neil at Raleigh ang mga bangkay at inilagay muna ang mga ito sa compartment ng itim na kotse dahil hindi pa nila napagpapasyahan kung saan ito dadalhin.
 
Kinabukasan, lumuwas pa-Maynila si Don Neil para humingi ng tulong kung saan puwedeng ilibing ang mga bangkay. Kinausap niya ang isang kaibigang nagngangalang Manuel “Manny” Tolentino. Ikinuwento ni Don Neil sa kaibigan ang kinasangkutang krimen at nag-alok naman si Manny na dalhin ang mga bangkay sa lalawigan ng Quezon dahil meron umano siyang mga kakilala doon na puwedeng makatulong.
 
Pagdispatsa sa mga bangkay
Kinabukasan, dinala nina Don Neil at Manny ang mga bangkay papuntang Infanta, kung saan nakipagkita at nakipag-usap sila sa tatlo pang kalalakihan. Sa kanilang pag-uusap, humingi ng tulong sina Don Neil at Manny sa tatlo upang dispatsahin ang mga dala nilang “basura” at “salot sa lipunan.”
 
Sakay pa rin ng kotse, napagdesisyunan ng grupo na dalhin ang mga bangkay sa kalapit na ilog. Mula rito, isasakay daw ang mga bangkay sa bangka papunta sa hukay na paglilibingan ng mga ito. Dahil madulas na ang garbage bags, gumamit ang grupo ng mga kumot na ginawang parang duyan upang maiangat ang mga bangkay mula sa kotse papunta sa bangka.
 
Dinala ng tatlong kalalakihan ang mga bangkay nina Yuji at Honeylyn papunta sa isang hukay sa Barangay Boboin. Matagal na raw may mga hukay sa nasabing lugar dahil sa mga isinasagawang treasure hunting ng mga nakatira doon.
 
Hindi naging madali ang pagdispatsa. Nahirapan ang mga lalaki na pagkasyahin ang mga bangkay sa hukay. Naging problema rin ang tubig na naipon sa hukay dulot ng pag-ulan, kaya naman nagbungkal pa sila ng lupa bilang pabigat.
 
Walang lihim na hindi nabubunyag
 
Kinaumagahan noong ika-pito ng Hulyo, pinagkaguluhan ng mga residente ng Boboin ang isang nangangamoy na pulang kumot sa tabing-ilog. Ang kumot, nakalimutan palang iligpit ni Manny noong araw na iyon. May natagpuan ding itim na medyas ang mga residente na masangsang din ang amoy.
 
“Sabi ng mga residente, ‘Talaga, sir, may kakaibang amoy doon. Hindi ordinaryong amoy na kung bulok na hayop, [kakaiba] eh.’ Ang amoy talagang sabi nila, ‘’Yun pong amoy ng nabulok na tao,’” ani Felix Evidor, Jr., Deputy Chief of Police ng Infanta.
 
Nang kumalat ang balita tungkol sa pulang kumot, naalarma ang tatlong kalalakihan na naglibing sa mga bangkay. Muli silang nagkita-kita nang araw na iyon at nagpasyang hukayin muli ang mga bangkay upang itapon ito sa dagat.
 
Naghanap pa ang tatlo ng bangkang de motor na siyang hihila sa isa pang bangkang kinalalagyan ng mga bangkay. Bago tuluyang pumalaot, nagbungkal pa ang tatlo ng buhangin at inilagay sa mga sako. Ikinabit nila ang mga ito sa mga bangkay para tiyak na lulubog ang mga ito sa dagat.
 
Isa’t kalahating oras ang iginugol ng grupo sa pag-iikot bago nila tuluyang ihulog ang mga bangkay sa parte ng Pollilo Island na bahagi na ng karagatang Pasipiko.
 
Aahon ba ang hustisya?
Sa tulong ng Coast Guard at ng Infanta Municipal Police Station, nagsagawa ang NBI at ang “Imbestigador” ng retrieval operation sa bangkay nina Yuji at Honeylyn noong Agosto 19. Nakipagtulungan din sa mga awtoridad ang tatlong kakalakihang umamin sa kanilang pagkakasangkot sa krimen noong nakaraang buwan. 
 
Sa kabila ng nangangalit na mga alon, binaybay ng grupo ang karagatan hanggang sa marating ang Pollilo Strait, ang tinukoy ng tatlo na lugar kung saan nila hinulog ang mga bangkay. Sinisid ng mga operatiba ang parteng iyon ng dagat ngunit wala silang dalang magandang balita sa kanilang pag-ahon. 
 
Ayon kay Lt. Eugenio Federico ng Coast Guard, bukod sa malakas na current sa ilalim ng dagat, posible rin daw na humiwalay na sa mga bangkay ang mga ikinabit dito na pabigat. Dagdag pa niya, imposible na ring matagpuang buo ang mga katawan dahil isang buwan at kalahati na ang lumipas mula noong itapon ang mga ito.
 
Nagtungo rin ang mga operatiba sa sinasabing hukay na unang pinagtapunan kina Yuji at Honeylyn para kumuha ng DNA samples. Malaki sana ang maitutulong ng DNA sa pagkalap ng pisikal na ebidensya, ngunit sa kasamaaang palad, wala nang naiwang DNA sa hukay. Hindi na rin daw matukoy ang blood samples sa nakuhang pulang kumot.
 
Ngunit panigurado ng awtoridad, bigo man silang makakalap ng sapat na pisikal na ebidensya, malakas pa rin daw ang kaso dahil sa mismong pag-amin ng tatlong kalalakihan at ni Don Neil.
 
Naisampa na ng NBI ang kasong double murder kina Ashley Okada at mag-amang Raleigh at Don Neil Reyes. May dagdag asuntong parricide din para kay Ashley dahil legal siyang ampon ni Yuji. Dawit din sa kaso ang tatlong kalalakihang tumulong sa pagdidispatsa sa mga bangkay. Kapag napatunayang nagkasala, haharapin ng mga sangkot ang habambuhay na pagkakakulong bilang parusa.
 
Gumugulong man ang imbestigasyon, lubos pa rin ang pagluluksa ng mga naiwang mahal sa buhay nina Yuji at ni Honeylyn. Wala man lang daw kasi silang mapaglamayang labi. Ngunit hindi man daw matagpuan sa dagat ang katawan ng pinakamamahal na kapatid, tanging hiling ng mga naiwan ni Honeylyn na tuluyang sanang umahon ang hustisya. --Yuji Gonzales/ ARP, BMS
 
Sama-sama nating ipagtanggol ang ating karapatan kasama ang nag-iisang Sumbungan ng Bayan tuwing Sabado, 4:45 PM sa GMA. Sundan din ang Imbestigador sa aming official Facebook at Twitter accounts.