ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Jonald Ramos Murder Case: Hate Crime?
Pinagsasaksak ng 18 beses, plinantsa ang dibdib at maselang bahagi ng katawan, at itinali pa ang biktima. Ganito ang sinapit ng 43-anyos na IT manager na si Jonald Ramos sa loob ng kanyang condominium unit sa Mandaluyong City.


Halos gumuho ang mundo ng ina niyang si Teresita nang mabalitaan ang sinapit ng anak.
“Napakabait niyang anak. Marami siyang iniwan sa amin, pero hindi ko kailangan iyon. Yung mga naiwan niya sa amin mga dekorasyon lang iyan. Konteng pera at condo unit, aanhin ko iyan? Kailangan ko siya. Kung puwede buhayin ko siya, kung puwede nga lang,” ani Teresita.
Para sa kaniyang kapatid na si Janelyn, isang ulirang anak at kapatid si Jonald na kung tawagin nila’y “Pogi.” Mula pa pagkabata, ito na raw ang tumayong padre de pamilya, mula nang iwan sila ng kanilang ama.
“Simula noong maliliit pa kami, nagbabantay na siya sa amin. Hanggang lumaki kami lagi kaming nakadepende sa kaniya. Kapag humingi ka ng tulong, never ka niya hihindian,” ayon kay Janelyn.
Subalit lahat nang mga ito, kasama ang lahat ng pangarap ni Jonald para sa sarili at sa pamilya, nawalang parang bula matapos siyang paslangin ng dalawang hindi pa nakikilalang mga salarin.
Salaysay ng mga kaibigan
Ayon sa salaysay ni Eric Ocampo, kaibigan at isa sa mga huling nakasama ni Jonald bago ang malagim na krimen, nagpunta sila sa bahay ng isang kaibigang nagdiriwang ng kaarawan noong ika-28 ng Setyembre.
Pagkatapos ng salu-salo, ihinatid pa umano pauwi ni Eric si Jonald sa kanyang bahay. Panandalian daw namalagi si Eric sa bahay ni Jonald at doon na rin naghapunan. Doon, nabanggit umano ni Jonald na may hinihintay siyang bisita, pero hindi raw nabanggit kay Eric ang pangalan.
Pasado alas-diyes na ng gabi nang magpaalam si Eric sa kaibigan. Ngunit bago pa man daw sila naghiwalay, masaya pa raw na inimbitahan ni Jonald si Eric sa nalalapit na kaarawan ng biktima. Ito na pala ang magiging huli nilang pagkikita.
Ayon naman sa salaysay ng isa pang kaibigan ni Jonald na si Vivienne de Llana, gabi pa lamang daw ay tinatawagan na niya si Jonald, ngunit hindi niya ito ma-contact. At nang hindi niya pa rin matawagan ang kaibigan kinabukasan, nagpasya na siyang puntahan ang condo unit nito.
Laking pagtataka ni Vivienne nang datnan niyang bukas ang pinto ng condominium unit ni Jonald. Nagkalat din ang mga gamit nito. At nang buksan niya ang pinto ng kuwarto ni Jonald, dito na tumambad ang katawan ng kaibigan na tadtad ng saksak at tila naliligo sa sariling dugo.
Pagnanakaw nga lang ba?
Agad na rumesponde ang Mandaluyong Police.
Ayon sa autopsy report na inilabas ng mga awtoridad, nagtamo si Jonald ng 12 na saksak, matinding pinsala sa ulo, at paso ng plantsa sa dibdib at ari ng biktima. Itinali rin siya ng mga suspek. Sa medico legal report, “blunt traumatic injury” sa ulo ang ikinamatay ni Jonald.
Napag-alamang ilang mamahaling gamit na pag-aari ni Jonald ang nawawala, tulad ng mga mamahaling relo at cellular phone.
Lumabas din sa imbestigasyon na maaaring kakilala ng biktima ang mga suspek, batay sa ilang senyales na kanilang nakita – isa na rito ang walang bakas ng sapilitang pagpasok ng mga suspek.
May mga nakitang bote ng alak sa crime scene, tanda na maaaring nagkainuman muna sina Jonald at ang mga suspek. Suspetsa ng mga awtoridad, maaaring nagkaroon umano ng pagtatalo sa pagitan ni Jonald at ng mga suspek.


At batay sa pagsusuri ng mga pulis, maaari raw na sa sala nagsimula ang gulo. Posible rin daw na hinila si Jonald papasok sa kuwarto at doon sinaksak.
Nakuha ng mga awtoridad sa crime scene ang isang pares ng duguang sapatos, isang bayoneta at dalawang damit na maaaring gamit umano ng mga suspek. May mga nakuha rin daw na fingerprints ang pulisya.


Sa paggulong ng imbestigasyon, lumabas ang kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera ng condominium. Dito, napag-alamang may dalawa palang kahina-hinalang lalaki ang nakuhanan ng CCTV na pumasok sa building at tila umakyat sa unit ni Jonald noong gabi ng krimen.
Mga susi sa imbestigasyon
Sa kuha ng CCTV camera, pasado alas-11 ng gabi, nakita ang dalawang lalaki na pumasok sa condominium building, at hindi nag-iwan ng pagkakakilanlan sa guard-on-duty ang mga ito.
Sa CCTV footage naman sa elevator, nakuhaan din ng video ang parehong mga lalaki, ang isa ay naka-asul na polo shirt, samantalang nakaputing damit na may mahabang manggas naman ang isa pa. Bumaba ang dalawa sa palapag kung nasaan ang unit ni Jonald. Pinangalanan ang mga suspek na sina “Alyas Pogi” at “Alyas Porma.”


Mahigit dalawang oras mula nang pumasok sa condo ang dalawang lalaki, muli silang nakunan ng CCTV. Pero iba na ang kanilang suot.
Ayon sa pulisya, ang suot ng mga lalaking nakunan ng CCTV na pumasok sa condominium, tugma sa mga damit na narekober sa crime scene. At sa paglabas nila sa condo unit, mga damit na diumano ng biktima ang kanilang suot.
“Doon sa CCTV, may black pouch sila na dala [nang lumabas ang mga suspek]. Napuna rin namin pagpasok na wala silang suot na relo, paglabas nila pareho silang may suot na relo. Yung isa may suot nang eyeglass ng biktima,” ayon sa pulisya.
Hate crime?
Hindi makapaniwala ang mga kaanak at kaibigan ni Jonald sa kalunus-lunos na sinapit niya. “Sobrang brutal yung ginawa sa kaniya. Kaya hindi ko maintindihan bakit ginawa sa kaniya ‘yun,” sabi ng ina ni Jonald.
Sa salaysay ng kaibigan ni Jonald na si Eric, maaari raw na “male escort” ang dalawang lalaking bumisita sa kaibigan.
Para naman sa kapatid ni Jonald, may hinala na silang maaaring iba ang tinatawag na sexual orientation ng kapatid. “Hindi niya binabanggit pero alam namin, pero nirerespeto namin. Hindi siya naging problema sa amin.”
Ayon sa grupong Ladlad, dahil sa hinihinalang gender preference ng biktima, maaaring isang uri ng tinatawag na “hate crime” ang nangyari kay Jonald.
“Paano masasabing hate crime? Madalas din silang nagiging target ng mga ganitong modus, na maaaring may involved na deception sa part ng perpetrator para manamantala sa kanilang biktimang LGBT (lesbian, gay, bisexual, and transgender),” dagdag pa ng grupo.
Ayon sa Ladlad, karaniwan daw sa mga ganitong kaso, hindi nabibigyan ng karampatang katarungan ang biktimang LGBT. At madalas, ang biktima pa ang hinuhusgahan ng lipunan.
Kakulangan sa seguridad ng condominium
Ang tanong ng mga awtoridad, paano nga ba nakapasok sa gusali ng condominium ang mga salarin?
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, maaaring nagkaroon ng pagkukulang sa mga tagapagbantay ng condominium. Nagawa raw kasing makalabas-pasok ng mga suspek na hindi naitatala ang kanilang pangalan.
Plano nang sampahan ng reklamong “obstruction of justice” ng mga pulis ang pamunuan ng condominium dahil hindi raw ito nakikipagtulungan. Hirap ang mga pulis na ma-enhance ang CCTV lalo't ayaw pa raw magbigay ng clear copy ng pamunuan ng condominium.
Sinubukan ng “Imbestigador” na kunan ng pahayag ang pamunuan ng condominium, ngunit tumanggi silang magbigay ng panayam. Kasalukuyan na raw silang nakikipagtulungan sa mga awtoridad para sa ikalulutas ng kaso.
Umaasa naman ang mga pulis na sa tulong ng CCTV video at mga ebidensiyang nakalap nila, matutukoy nila ang pagkakakilanlan ng mga suspek sa lalong madaling panahon. Nag-alok na rin ang pamilya ni Jonald ng P50,000 na pabuya para sa impormasyong makakatulong sa pagkahuli ng mga suspek.
Samantala, noong ika-5 ng Oktubre, inihatid na sa kanyang huling hantungan si Jonald. Bagama’t labis pa rin paghihinagpis ng kaniyang pamilya, umaasa sila na mabibigyan ng katarungan ang pagkamatay ng kanilang pinakamamahal si “Pogi.”
Sama-sama nating ipagtanggol ang ating karapatan kasama ang nag-iisang Sumbungan ng Bayan tuwing Sabado, 4:45 PM sa GMA. Sundan din ang Imbestigador sa aming official Facebook at Twitter accounts.
Sama-sama nating ipagtanggol ang ating karapatan kasama ang nag-iisang Sumbungan ng Bayan tuwing Sabado, 4:45 PM sa GMA. Sundan din ang Imbestigador sa aming official Facebook at Twitter accounts.
More Videos
Most Popular