ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Anak at apo, ginahasa ni Lolo: The Mindoro incest case


Sama-sama nating ipagtanggol ang ating karapatan kasama ang nag-iisang Sumbungan ng Bayan tuwing Sabado, pagkatapos ng Startalk at bago ang 24 Oras Weekend sa GMA-7. Sundan din ang Imbestigador sa aming official Facebook at Twitter accounts.



 

 
Dose anyos pa lang si Lani nang paulit-ulit siyang halayin ng sariling ama na si Ricky.

Noon ay larawan daw ng pagiging ulirang ama si Ricky, pero matapos nitong lustayin ang perang nakuha sa pagbenta ng kanilang lupain, naging lasenggo at bayolente na raw ito.

“Magkamali lang po [sa pagsunod ng utos], talagang nanghahambalos siya. Tinatadyakan niya kami, nananakit po siya nang sobra, lalo po ‘pag lasing,” kuwento ni Lani.

Habang abala ang kanilang ina sa paghahanap-buhay, saka sinasamantala ni Ricky ang pagkakataon para molestiyahin ang sariling anak.

“Kapag wala po riyan ‘yung nanay namin, pilit niya kaming hinihila sa loob ng bahay tapos [sina]sarado niya,” ani Lani.
 
Bantay-salakay
 
Sa loob ng dalawang dekada, ilang beses ginahasa si Lani ng sariling ama. Pero bukod sa kaniya, maging ang dalawa pa pala niyang nakababatang kapatid na sina Blessie at Mica ay pinagsasamantalahan din ni Ricky.
 
“Pagbukas niya pa lang po ng kulambo, naramdaman na po namin. Kaya po nagising ako. ’Yun po sinipa ko po siya, sabay sabi ko po, ‘Isusumbong kita sa nanay ko,’ salaysay ni Blessie.
 
Lumipas ang panahon pero dahil sa takot ay hindi na ipinaalam ng magkakapatid sa kanilang ina na si Celia ang pananalbahe ng ama. Para mabantayan ang mga anak, maaga na lang daw umuuwi si Celia mula sa paglalako ng gulay.
 
Huwag po, Lolo
 
Sinubukan ni Lani na mamuhay nang normal sa kabila ng malagim na karanasan. Sa edad na 21, nagkaroon ng kasintahan ang dalaga at di kalaunan ay nabuntis. Pero bago pa man siya manganak, iniwan na siya ng kaniyang nobyo.
 
Dahil sa wala namang matutuluyan sina Lani at ang sanggol sa kaniyang sinapupunan, bumalik siya sa puder ng magulang.
 
Para kumita, namasukan bilang kasambahay si Lani. Labag man sa kaniyang loob, kinailangan niyang iwan sa amang si Ricky ang pangangalaga ng anak niyang si Joan.
 
Nang tumuntong sa edad na siyam si Joan, naganap ang kinatatakutan ni Lani. 
 
Isinama ni Ricky ang bata sa pagkuha ng tanim nilang gulay. Sino’ng mag-aakala na sa sandaling iyon, nanakawin na pala ni Ricky ang kamusmusan maging ng sariling apo?
 
Tulad ng kaniyang ina, nilihim din ni Joan ang pananamantala ni Ricky. Pero napansin daw ni Lani ang biglang pag-iwas ng anak sa kaniyang lolo. Halos hindi na nga raw umuuwi ang bata sa kanilang tahanan.
 

“Naglalagalag ‘yung anak ko. Laging tinatawag ko pa kung saan manggagaling. Kapag alam niyang nandiyan ‘yung ama namin ay talagang hindi siya tumatagal sa [bahay],” kuwento ni Lani.
 
Pero sabi nga, walang lihim na hindi nabubunyag. Taong 2013, habang pauwi si Lani sa kanilang tahanan, nahuli niya sa akto ang panggagahasa ni Ricky sa kaniyang anak.
 
“Nagpambuno na talaga po kami, tapos nu’ng unang nilapitan ko anak ko, tinanggal ko po ‘yung kumot sa kaniya, wala po siyang saplot,” salaysay ni Lani.
 
Halos sumabog ang dibdib ni Lani sa sama ng loob dahil sa nasaksihan. Sa galit, hinabol niya ng itak ang ama. Pero sa kalagitnaan ng insidente, hinimatay siya at tuluyan nang nakatakas si Ricky.
 
Most wanted list
 
Agad sumugod sa presinto ng San Jose, Mindoro si Lani para ireklamo ang panggagahasa ng ama. Ayon sa medico legal at sa salaysay na rin ni Joan, napag-alamang hindi lang isang beses pinagsamantalahan ni Ricky ang apo sa loob ng tatlong taon.
 
Napabilang si Ricky sa most wanted list ng San Jose Police Station dahil sa ginawang krimen. Sinampahan siya ng kasong multiple rape, ayon sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children against abuse, exploitation, and discrimination. 
 
Ayon sa Crime Investigation and Detection Group o CIDG, nahirapan daw silang tugisin si Ricky.
 
“Medyo kakaiba ‘yung kaniyang kaso na kinasasangkutan, multiple rape tapos ang mga complainant ay miyembro ng kaniyang pamilya. [Nang makatakas siya], nagtago na [siya] du’n sa mga bahaging bulubundukin ng municipality of Rizal na medyo maging ang kapulisan ay nahihirapang i-trace siya,” ayon kay PCI Paquito Villanueva.
 
October 2014, inilabas na ng korte ang warrant of arrest para sa suspek.
 
Arestado!
 
Naging mailap man sa mata ng kinauukulan si Ricky, nitong nakaraang ika-2 ng Disyembre, nagkaroon ng lead ang kapulisan sa kaniyang kinalalagyan.
 
“Mayroong magandang impormasyon na nakuha ang ating mga intelligence personnel so agad-agad po ay nagbuo tayo ng isang team. Dahil hindi rin po basta-basta ang lugar [kung saan siya nagtatago dahil] medyo infiltrated po ‘yun ng mga [rebelde], so kailangan malaki na puwersa ang ipadadala natin,” sabi ni Sr. Supt. Reynaldo Jagmis.

Pagdating sa lugar kung saan nagtatago si Ricky, naabutan siyang tila lango pa sa alak. Dito na siya tuluyang napasakamay ng batas.
 

Pagdating sa presinto, inilabas ni Lani ang sama ng loob sa ama. Si Ricky naman, patuloy sa pagtanggi sa mga akusasyon sa kaniya ng mga sariling anak at apo. Ayon sa suspek, galit lang daw sa kaniya ang pamilya dahil hindi niya ito pinartehan sa nakuhang pera sa pagbenta ng namana niyang lupa noon.

Sa kasalukuyan, ang malamig na rehas ng kulungan ang hinihimas ni Ricky habang nililitis ang kasong isinampa laban sa kaniya.

Habang sina Lani, malayo-layo pa ang tatahakin para maghilom ang sugat na dulot ng pananamantalang ginawa ng kanilang ama na dapat sana’y magpoprotekta at mangangalaga sa kanila. Gayunpaman, simula na ito ng pagkamit nila ng inaasam na katarungan. 
 
Note: Ang mga pangalang ginamit sa web narrative na ito ay hindi tunay na pangalan ng mga biktima at ng suspek.-Gerald Vista/BMS/ARP