ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Ina, pinatay sa harap ng sariling anak: The Caloocan murder story
Sama-sama nating ipagtanggol ang ating karapatan kasama ang nag-iisang Sumbungan ng Bayan tuwing Sabado, pagkatapos ng Startalk at bago ang 24 Oras Weekend sa GMA-7. Sundan din ang Imbestigador sa aming official Facebook at Twitter accounts. Para sa updates ng inyong mga paboritong dokyumentaryo, sundan din ang GMA Public Affairs Facebook.
Malungkot at puno ng hinagpis na sumalubong ng bagong taon ang limang-taong batang si “Michael,” hindi niya tunay na pangalan. Limang araw kasi bago sumapit ang 2015, tila naging ulila na siya sa mga magulang.
Noong madaling araw ng December 27, nasaksihan mismo ni Michael kung paanong pinagsasaksak nang maraming beses ang kaniyang inang si Heidi.


Ang salarin---ang kaniyang ama na si Nelson.
Ang kanilang maliit ngunit masaya sanang pamilya, ngayon nawasak na.
Ano ang dahilan para gawin ni Nelson ang kahindik-hindik na krimen?
Biniyayaang pamilya
Taong 2009 nang pumunta ang 20-anyos na si Heidi Torremocha sa Pampanga---puno ng pangarap at ng pagnanais na makatulong sa kaniyang pamilyang nasa Butuan. Namasukan siya bilang masahista. Sa kaniyang pinagtratabahuhan, nakilala niya si Nelson Mabag, na noo’y isang security guard.

Hindi nagtagal, nagsama sina Heidi at Nelson bilang magkasintahan at nabiyayaan ng anak---si Michael.
2010 nang lumuwas sila sa Caloocan upang magsimula ng panibagong buhay. Nagsimula sila sa paglalako ng isda, hanggang sa nabiyayaan na ng isang puwesto sa talipapa.
Ayon sa ina ni Heidi na si Victoria Martinez, hindi nakakalimot ang anak na tumulong sa kanila, kahit may sarili na itong pamilya.
“Masipag ang anak ko at maalalahanin sa amin. Tatawag siya sa akin para tanungin kung okay kami. Papadalhan kami ng pera. [Lagi niyang sinasabi na] bibigyan kita ng malaking bahay,” sabi ng ina ni Heidi.
Dahil maayos naman ang pinagkakakitaan, pinaluwas at kinupkop ni Heidi ang dalawang kapatid para tumulong sa kanilang negosyo.
Ayon kay Hergie, kapatid ni Heidi, maayos naman ang pagsasama ng mag-live-in partner. Sa katunayan, madalas daw siyang makipag-inuman kasama ang dalawa. “Lagi kami nag-iinuman kapag may pera. Pero katamtaman lang na inuman. Nagba-bonding kami, biru-biruan, ganun lang.”
Madilim na nakaraan
Bago pa man nangyari ang malagim na krimen ng pagpatay kay Heidi, isang madilim na nakaraan ang pilit na kinalilimutan ng kanilang pamilya – ang pagtatangkang magpatiwakal ni Nelson.


Kuwento ni Andrew, kapatid ni Nelson, natagpuan na lamang nilang nakasabit ang kapatid sa palikuran. Agad naman siyang dinala sa ospital at naagapan. Kahit ang sariling mga kaanak hindi alam kung bakit niya ito nagawa.
Malaki nga raw ang ipinagbago ni Nelson matapos ang pagtatangka niya sa kaniyang buhay. Pero para sa mga kapatid ni Heidi, matagal na nilang napansin na may pinagdaraanan ito. Sa tingin pa nga nila, may kinalaman ang problema ni Nelson sa ilegal na droga.
“Pumunta silang mag-asawa sa La Union kasi mainit daw sila rito (sa Caloocan). Parang nagtatago ‘yung asawa niya (Nelson) kasi gumagamit daw ng drugs. Gumagamit daw siya dati tapos nagbago na raw siya. Ayaw na raw niyang balikan ‘yung nakaraan daw niya na bisyo,” sabi ni Hilda.
Hindi pa man nakababawi sa mga pagsubok, panibagong dagok ang dumating sa buhay ng mag-live-in partner. Nagsimula nang malugi ang kanilang negosyo.


Nobyembre 2014, napagkasunduan ng dalawa na umuwi na lang sa Samar, ang probinsiya ni Nelson, para muling magsimula ng panibagong negosyo. Pero hindi sila nagtagumpay.
Dahil dito, nagdesisyon si Heidi na sumubok mangibang-bansa. Noong una’y napagkasunduan ng magkatipan na iiwan nila ang anak na si Michael kay Victoria.
Noong December 9, mag-isang lumuwas si Heidi pa-Maynila upang asikasuhin ang kaniyang mga papeles. Bumalik siya sa Caloocan para pansamantalang manirahan sa kapatid na si Hergie.
Pero tila nag-iba ang ihip ng hangin para kay Nelson.
Karumal-dumal na pagpatay
Isang Sabado ng Disyembre, bigla na lamang daw dumating si Nelson sa bahay nina Hergie. Tumututol na ito sa planong pangingibang bansa ng kaniyang kinakasama.
Pero buo na ang pasya ni Heidi.
Gabi ng ika-26 ng Disyembre, nakipag-inuman diumano si Heidi kasama ang kanilang mga kaibigan at kamag-anak. Magha-hatinggabi na raw nang sunduin ni Nelson si Heidi para pauwiin. Pero tumanggi itong sumama, kaya mag-isang umuwi si Nelson.
Mag-a-alas kuwatro na raw ng umaga nang makauwi si Heidi sa tinutuluyang bahay. Dito niya inabutang natutulog ang kaniyang mag-ama.
Kinaumagahan ng ika-27 ng Disyembre, naganap ang karumal-dumal na krimen.
Noong umagang iyon, sinamahan ni Nelson ang nakababatang kapatid ni Heidi para mamili ng isdang pagkakakitaan. Pero umuwi rin daw kaagad si Nelson.


Ayon sa paunang imbestigasyon ng Northern Police District, mahimbing na natutulog ang mag-inang Heidi at Michael nang umatake si Nelson. Maaaring naalimpungatan si Heidi noong mga oras na tinutukan na siya ng kutsilyo kaya nakuha pa niyang manlaban. Dahil na rin sa komosyon, nagising ang anak nilang si Michael. Sa takot, nagtatatakbo raw ang bata para humingi ng tulong.
Matapos niyang pagsasaksakin si Heidi, tinangka ring magpakamatay ni Nelson.
“Nakadapa ‘yung puwesto nung dalawa. Nakahiga iyong babae tapos nakadapa sa kaniya ‘yung lalaki. Naglaslas rin ‘yung lalaki sa leeg. Pero hindi ito napuruhan kaya naisugod pa siya sa ospital,” ayon sa pulis na rumesponde sa insidente.
Agad na binawian ng buhay si Heidi dahil sa tindi ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Samantalang si Nelson, nadala agad sa pinakamalapit na ospital.
Crime of passion?
Sa ngayon, nakalabas na ng ospital si Nelson at nasa pangangalaga ng Philippine National Police (PNP). Nahaharap siya sa kasong murder. Sinubukan ng “Imbestigador” na kunin ang kaniyang panig ngunit tumanggi siyang magbigay ng panayam.
Ayon sa mga pulis, ang testimonya mismo ni Michael ang pinanghahawakan nilang matibay na ebidensya. Mahalaga rin daw ang mismong kutsilyo na ginamit sa krimen.
Sa kabila nito, palaisipan pa rin sa mga awtoridad ang totoong motibo ni Nelson.
Pero ang nakatatandang kapatid ni Nelson na si Andrew, naniniwalang selos ang dahilan kung bakit nagawa ito ng kapatid.
“Noong gabi kasing nag-iinuman sila, hindi sumama pauwi kay Nelson si Heidi. Sa tingin ko may pinagselosan,” sabi ni Andrew.
Hindi rin lingid sa kaalaman ng pamilya ni Heidi na may mga pagkakataong pinag-aawayan ng magkasintahan ang pagseselos.
“Masakit bilang ina. Kung ako lang sana, sana ako na lang namatay, huwag siya. ‘Yan ang naramdaman ko kasi lahat ng mga anak ko mahal ko, lalong lalo na sa kaniya. Marami pa siyang mga plano pero hindi na ‘yun matutupad,” ayon sa ina ni Heidi na si Victoria.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga kaanak ni Heidi si Michael. At nitong Sabado, inihatid na sa huling hantungan ang kaniyang ina.
Ano man daw ang naging motibo sa pagpatay kay Heidi, iisa lang ang sigaw ng kaniyang mga naulila – katarungan.---Carlo Isla/BMS/ARP
More Videos
Most Popular