ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

The Mark Soque Case: Magnanakaw na, rapist pa!


Sama-sama nating ipagtanggol ang ating karapatan kasama ang nag-iisang Sumbungan ng Bayan tuwing Sabado, pagkatapos ng Startalk at bago ang 24 Oras Weekend sa GMA-7. Sundan din ang Imbestigador sa aming official Facebook at Twitter accounts. Para sa updates ng inyong mga paboritong dokyumentaryo, sundan din ang GMA Public Affairs Facebook.  
 
Note: Hindi tunay na pangalan ng mga biktima ang ginamit sa web narrative na ito.


Nagnakaw, nanggahasa at nakapatay pa! ‘Yan ang modus ng isang grupo ng mga lalaki na umatake kamakailan sa ilang establisyimento sa Antipolo at Quezon City nitong nakaraang tatlong buwan.
 
Nitong Pebrero, nadakip si Mark Soque, ang isa sa mga miyembro at ang tumatayong lider ng kilabot na grupo. Nasakote siya matapos ang isang manhunt operation.
 
 
Pero hindi pa man pormal na nasasampahan ng kaso, tinangka diumano ni Soque na agawin ang baril ng kaniyang police escort bago ang inquest proceeding laban sa kaniya. Napatay siya on-the-spot ng pulis na inagawan niya ng baril.
 
Pero bago pa man nauwi sa malagim na wakas ang buhay ni Soque, marami nang nabiktima ang kanilang group ng pagnanakaw at pang-aabuso.

 
Atake sa Antipolo
 
Ika-16 ng Disyembre noong nakaraang taon, nagbabantay sa isang bakeshop sa Antipolo City sina Linda at Becca. Hapon noon at matumal pa ang dating ng mga mamimili nang pumasok ang dalawang lalaki upang bumili ng softdrinks.
 
Ang isang lalaki, lumapit daw sa kaherang si Linda at kunwaring makikigamit ng palikuran. Pero sa isang isang iglap, nagdeklara na ito ng holdap. Tinutukan ng baril sina Linda at Becca, sapilitang pinapasok sa banyo at pinaghubad. Itinali pa raw ang kanilang mga kamay at paa.
 
Tatlong indibidwal pa ang nadamay sa panghoholdap – ang 40-anyos na si Ana at anak niyang si Rex, at ang napadaan lang na 16-anyos na si Joan. Wala silang kamalay-malay na ninanakawan na pala ang bakeshop dahil nagpanggap daw na tindero ang mga suspek.

 
At tulad ng mga tauhan ng bakeshop, pinapasok sa banyo, pinaghubad at itinali rin ang mag-ina, pati na rin si Joan. Ang masaklap, minolestya pa raw si Ana ng isa sa mga suspek.
 
Tantsa ng mga biktima, mahigit isang oras nanatili ang mga suspek sa loob ng tindahan. Dahil sa takot, hindi muna sila lumabas ng banyo hanggang makaalis ang mga ito.
 
Isang kilometro lang ang layo mula sa bakeshop, nangbiktima ulit ang grupo ni Soque. Isang travel agency naman ang kanilang pinuntirya.  
 
At tulad ng modus nila sa bakeshop, nagpanggap na kostumer ang isa sa mga suspek.
 
“May pumasok po na isang lalaki. Nagtanong siya sa akin kung magkano ‘yung ticket, magpapa-book siya. So nung tinanong ko siya kung saan siya papunta, tapos tumalikod siya sa akin,” paglalahad ni “Marie,” ang may-ari ng travel agency.
 
Pero hindi na sinagot ng lalaki ang tanong ni Marie.
 
“Lumapit siya tapos tinutukan niya na ako ng baril. Sinabi ko na lang na, ‘Kunin n’yo na lahat ng makukuha ninyo, huwag n’yo na lang kaming saktan.’ So hinila na nila kami papasok dun sa may sulok ng opisina.”

 
At tulad ng ginawa sa naunang establisimyento, pinaghubad at itinali rin sila ng mga magnanakaw.
 
Sa himpilan ng pulis, magkahiwalay na idinetalye ng mga biktima ang hitsura at modus ng mga kawatan. Dito nalamang iisang grupo lang ang nanloob sa dalawang establisimyento sa Antipolo noong araw na iyun.
 
Ayon kay Antipolo Police Chief Insp. Aries Dogwe, agad nagsagawa ng manhunt operation noong araw ding iyon ang Antipolo PNP para tugisin ang mga kawatan.
 
“Nakakuha kami ng impormasyon na mayroon silang safehouse sa isang subdivision. Tapos inatake namin ‘yung lugar. Nagpulasan ‘yung mga nandoon, pero nakuha namin ‘yung isang suspect,” kuwento ni PCInsp. Dogwe.
 
Nakilala ang suspek na si Ronald Bedrona, 28-anyos mula sa Antipolo. Positibo siyang kinilala ni Ana. Si Bedrona raw ang nanutok ng baril sa kaniya sa loob ng bakeshop.
 
Sa pagkakahuli ni Bedrona, pansamantalang natahimik ang Lungsod ng Antipolo.

 
Bagong taon, bagong biktima
 
Pagpasok ng taong 2015, binulabog ng sunod-sunod na kaso ng panloloob sa ilang establisimyento ang Quezon City. At tulad ng istilo ng modus sa Antipolo, pinaghubad at itinali rin ang mga biktima. Ang ilan sa kanila, ginahasa o minolestiya pa.
 
Ika-27 ng Enero ng pasukin ng grupo ni Soque ang isang tindahan ng muwebles sa Quezon City kung saan namamasukan ang 25-anyos na si Lorie at ang kaibigan niyang si Maricris. Naroon din ang may-ari ng tindahan na si Diana.
 
At tulad ng nauna pang modus, nagpanggap na mamimili ang mga suspek.

 
“Habang kinukuha niya ‘yung pricelist, pagharap ko sa kaniya, nagulat na lang ako na binubuksan niya na ‘yung bag niya. Tapos biglang paghugot niya may baril na itinutok niya kaagad sa akin. So ginawa sa sobrang takot ko, nagsisigaw na ako,” kuwento ni Maricris.
 
Naghalughog daw ang suspek sa buong tindahan. Hindi pinalampas maging ang bag ng mga biktima. Pero tila hindi pa nakuntento ang lalaki sa mga nakuha. Pinaghubad din ang mga kaawa-awang dalaga. Nang wala nang saplot ang dalawa, itinali umano patalikod sina Maricris at Diana.
 
Pero ang si Lorie, dinala ng suspek sa ibang bahagi ng opisina kung saan siya ginahasa. Matapos gahasain iginapos pa ang dalaga sa isang upuan.

 
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), umabot sa pitong insidente ng pagnanakaw ang naitala sa lungsod Disyembre hanggang Pebrero ngayong taon. At lahat daw ito, kagagawan ng grupo ni Soque.
 
“’Yung modus operandi na ginagawa nila, pinaghuhubad ‘yung biktima nila para hindi kaagad makakalabas. It take times na makalabas ka ng establisimiyento at magsisigaw at manghingi ng tulong,” ayon kay QC Criminal Investigation and Detection Unit chief Rodel Marcelo.
 
Ika-siyam naman ng Pebrero, pinuntirya ng mga kawatan ang isang coffee shop sa Brgy. Holy Spirit sa Quezon City. Ang dalawang tauhan ng nasabing tindahan na sina Ashley at Monina, halinhinan diumanong ginahasa ng mga suspek.
 
Pero habang nagaganap ang krimen, isang babae ang pumasok sa loob ng coffee shop – ang Korean national na si Mi Kyung Park na siyang napabalingan ng mga suspek. Tinutukan nila si Kyung Park ng baril at pilit na pinapasok sa banyo.
 
Pero hindi tulad ng mga naunang biktima naging palaban ang Koreana. At dahil dito, binaril siya ng isa sa mga suspek. Dead on the spot si Kyung Park na tinamaan ng bala sa ulo.
 
Pagbagsak ni Soque
 
Sa pagkamatay ng Korean national na si Mi Kyung Park, naging mainit ang hinala ng mga pulis na iisa ang nasa likod sa serye ng nakawan at panggagahasa sa Antipolo at Quezon City.
 
Sa pag-iimbestiga ng mga otoridad, dito na natukoy ang pangunahing suspek na si Mark Malubay Soque, 29-anyos na residente ng Brgy. Commonwealth, Quezon City. Lumabas din sa imbestigasyon na si Soque ang kasama ni Bedrona.
 
Isang manhunt operation ang ikinasa ng QCPD. At sa tulong ng ilang impormante, natukoy ang kinaroroonan ni Soque. Ilang araw din siyang tiniktikan ng mga operatiba hangang sa tuluyan itong masakote.
 
Ika-12 ng Pebrero, iniharap si Soque sa QCPD kung saan naghihintay ang lahat ng kaniyang nabiktima. At dito, bumuhos ang luha at emosyon ng lahat ng diumano’y nilapastangan niya.
 
Sinampahan siya ng patung–patong na reklamo ng robbery, robbery with homicide at robbery with rape.
 
Pero nang pormal na siyang sasampahan sa piskalya noong Pebrero 16, napatay si Soque nang tinangka umano niyang agawin ang baril ng kaniyang police escort na si PO3 Juvy Jumuad.
 
Ayon kay Jumuad, habang nagaganap ang inquest proceeding, nagpaalam si Soque na gagamit ng palikuran. Nang tawagin ni Jumuad ang isang kasamahang pulis para samahan ang suspek, doon na raw inagaw ng suspek ang baril na nakasabit sa kaniyang baywang.
 
Nag-agawan ng baril sina Jumuad at Soque. Sa gitna nito, aksidenteng nabaril si Soque. “Nakadalawang putok. ‘Yung unang putok parang dumaan sa harapan ko. Tapos ‘yung pangalawa sa kaniya na pala tumama. Ayun, bumagsak siya.” kuwento ni PO3 Jumuad.

 
Hindi sapat ang kamatayan
 
Samantala, pumanaw man ang suspek na si Mark Soque, hindi pa rin daw nito maiibsan ang kalbaryong pasan ng kaniyang mga nabiktima.
 
“Kung tutuusin kulang pa ‘yung buhay niya sa mga ginawa niya sa pagnanakaw. Saka, okay lang sana kung magnakaw siya. Kaya lang nangmolestiya pa siya at nang-rape pa. Para sa akin, ‘yung pagkamatay niya hindi sapat,” sabi ng biktimang si Marie.
 
Isa pa raw sa mga kasabwat nina Soque at Bedrona ang nasa laya. Hindi pa man tukoy ang kaniyang pangalan, patuloy pa rin daw ang mga otoridad sa paghahanap sa kaniya.
 
Sa ngayon, umaasa pa rin ang biktima na madadakip ang kasamahan nina Soque at Bedrona, nang sa huli ay makamtan nila ang tunay na hustisya. Pero unti-unti raw nilang sisikaping bumangon para makapagsimulang muli matapos ang bangungot na sinapit sa kamay ng mga suspek. ?Carlo Isla/BMS