ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Sulat-kamay: The Davao City massacre-suicide case


Nagtatrabaho bilang isang call center agent sa Davao si Ramon Curray, 42 taong gulang. Dahil panggabi ang schedule niya, nakagawian na niyang dumaan muna sa palengke kinaumagahan bago umuwi para mamili ng lulutuin sa tanghali. Nasanay na rin kasi ang mga kasama niya sa bahay na mag-request ng putaheng gusto nilang pananghalian mula sa itinuturing nilang tatay-tatayan.
 
Kasama ni Ramon sa bahay ang 12 taong gulang na si “Joan”, hindi niya tunay na pangalan. Anak si Joan ng kasintahan ni Ramon na nagtatrabaho naman sa ibang bansa. Mula kasi nang mag-abroad ang ina ng bata, sa bahay na ni Ramon tumuloy si Joan kasama ang lola nito na si Virginia Sacro, 58 taong gulang. Ang matanda ang nag-aalaga kay Joan samantalang katuwang niya sa mga gawaing bahay doon sina Phillip, 17 taong gulang, at si Linda, 12 taong gulang. Sina Phillip at Linda ay parehong pamangkin ng nobya ni Ramon.
 
Halos pamilya na rin kung ituring ni Ramon ang mga kasama sa bahay, lalo na ang batang si Joan. Magaan daw agad ang loob niya sa bata dahil malambing ito’t mabait. Kahit pa nasa malayo ang ina ng kanilang tahanan, larawan pa rin ng isang masayang pamilya sina Ramon, Joan, Lola Virginia, Phillip at Linda.
 
Pero mababasag pala ang larawang ito ng isang karumal-dumal na krimen.
 
Sinalubong ng mga bangkay
 
Ika-19 ng Mayo ng taong kasalukuyan, magiliw pang nagpaalam kay Ramon ang anak-anakang si Joan. Nagbilin pa nga ito na bilhan siya ng hipon para sa pananghalian. Pumasok naman sa trabaho gaya ng ordinaryong araw si Ramon.
 
Pero ang nakatakda pala niyang datnan sa kanilang tahanan kinabukasan ay malayo sa nakagawian.
 
Matapos dumaan sa palengke para bilhin ang hipon, sa gilid ng kanilang bahay dumaan si Ramon para makapasok sa loob. Mas malapit kasi ito sa kusina at gaya ng nakasanayan sa tuwing uuwi itong may bitbit na pasalubong, doon na siya dumaan kung saan din madalas siyang sinasalubong ng bibong si Joan.
 
Pagpasok ni Ramon sa kusina, nagtataka siyang tila tahimik pa rin ang kanilang bahay kahit pa lagpas alas-siyete na iyon ng umaga. Ipinagkibit-balikat niya na lang ito at ipinagpalagay na tulog pa ang mga kasama sa bahay.
 
Pagdating niya sa sala, doon na tumambad ang masamang balita. Nakahandusay at naliligo sa sariling dugo si Phillip. Nakatarak pa sa dibdib ng binata ang kutsilyong ginamit sa pananaksak. Nagulantang man sa nakita, napansin naman daw ni Ramon na tila humihinga pa ang biktima kaya dali-dali itong lumabas ng bahay para humingi ng saklolo.
 
Tiyempo namang naglilinis noon ng kaniyang tricycle ang kapitbahay nilang si Cris Cajigal. Agad itong tumawag ng ambulansya para madala sa ospital si Phillip. Nang kumalma nang kaunti, bumalik naman sa loob ng kanilang bahay si Ramon.
 
Hindi pa pala tapos ang kaniyang bangungot.
 
Sa loob ng master’s bedroom ng bahay ay bangkay nang naliligo sa sariling dugo ang batang si Linda. Sa kabilang kuwarto ay pareho rin ang sinapit ng anak-anakan niyang si Joan. Nakakandado naman ang kuwartong tinutulugan ni Lola Virginia, pero nang silipin ni Ramon ang bintana ay tumambad din sa kaniya ang bangkay ng matanda. 


 
Si Ramon ang unang suspek
 
Pagdating ng mga pulis at imbestigador sa pinangyarihan ng krimen, dalawang bagay ang agad nilang napansin doon. Una, hindi sira ang mga pinto at walang indikasyong may nagpumilit pumasok sa loob ng bahay. Ibig sabihin, may akses sa loob ang salarin---marahil gamit ang mga susi ng bahay o kaya nama’y personal siyang kilala ng mga biktima. Ikalawa, wala ring nawawalang gamit sa loob ng bahay. Hindi tinangay ang mga mamahaling gamit gaya ng TV, laptop at mga cellphone. Dahil dito, isinantabi na ang motibong pagnanakaw.
 
Dahil na rin sa resulta ng inisyal na pagsisiyasat, lumalabas na isa lang ang maaaring may kagagawan ng krimen, at iyon ay si Ramon. Pinosasan si Ramon at inimbitahan sa presinto para doon ay ma-inquest pa bilang “person of interest” sa kaso.
 
Pinabulaanan ni Ramon na siya ang may kagagawan sa krimen. Aniya, makapagpapatunay ang mga kuha ng CCTV sa kanilang opisina na naroon siya’t nagtatrabaho noong mga oras na mangyari ang krimen. Nagtugma naman ang pahayag na ito ni Ramon sa video recording ng CCTV sa call center na kaniyang pinagtatrabahuhan.
 
Pero nang usisain ng mga pulis ang iskedyul ni Ramon noong araw na iyon, lumalabas na mayroon din siyang isang oras na lunch break at dalawang break na tig-15 minuto ang isa. Tingin ng mga pulis, sapat ang oras na ito para maisagawa ni Ramon ang krimen kaya hindi pa rin isinantabi ang anggulong siya ang suspek.


 
Tinangkang gahasain
 
Sa patuloy na pagsisiyasat ng mga pulis sa crime scene, isang sulat ang nakita nila malapit sa bangkay ng biktimang si Joan. Isinulat ito sa isang puting papel at gamit lamang ang lapis. Nakasaad sa sulat ang paghingi ng paumanhin ng maaaring salarin at ang kawalan niya ng pag-asa pang mabuhay dahil daw sa kahihiyan. Ang hinala ng mga pulis, ang biktimang si Phillip ang siyang sumulat ng nasabing suicide note.
 
Agad sinuri ang sulat na ito at inihambing ang mga letra sa sulat-kamay ni Phillip. Sa pakikipagtulungan ng dating eskwelahang pinasukan ni Phillip ay napagtugma nila ang hindi maipagkakailang pagkakapareho sa sulat-kamay. Dito ay kinumpirma na ng pulisya na si Phillip nga ang nagsulat ng suicide note. Lumipat ang konsentrasyon ng imbestigasyon mula kay Ramon patungo sa anggulong pinatay muna ni Phillip ang mga kasama sa bahay bago nagpakamatay.
 
Base sa mga pahayag ni Ramon, inamin daw ni Phillip sa kanilang Lola Virginia na gumagamit ito ng ipinagbabawal na gamot. Lagi rin itong pinagagalitan dahil nababarkada at disi-oras na kung umuwi.
 
Samantala, isinailalim sa medico legal ang bangkay ng mga biktima at lumabas na ginahasa muna si Joan bago ito pinaslang. Teorya ng mga pulis, ginahasa ni Phillip si Joan at nataranta ito nang manlaban at magsisigaw ang bata. Ito marahil ang dahilan kung kaya nasaksak niya ang dalaga, dahilan para bawian ito ng buhay.
 
Maaari umanong narinig ni Lola Virginia ang mga sigaw ni Joan kaya pinuntahan niya ito at nahuli si Phillip na ginagahasa ang apo. Marahil ay nakapanlaban pa ang matanda kaya ito nakatakbo sa kabilang silid ngunit pinagdiskitahan din siya ng suspek. Kapansin-pansin kasi ang nahulog na orasan sa tabi ng matanda. Maging ang pustiso niya ay nahulog din, senyales na nakipagbuno muna ang matanda sa suspek.
 
Base naman sa pagsusuri, mahimbing ang tulog ng batang si Linda nang paslangin ito.




 
Nagtangkang tumakas
 
Matapos maisagawa ang krimen, lumalabas na tinangka pa raw sanang tumakas ni Phillip. Nakita kasi ang mga patak ng dugo sa may lababo, indikasyon na nilinis ng suspek ang kutsilyong ginamit.
 
Gayunman, tila nagbago raw ang isip ng binata kaya nagawa nitong paslangin din ang sarili. Indikasyon ang nakatarak pang kutsilyo sa dibdib ng biktima na maaaring sariling kagagawan niya ito.
 
Dahil dito, tuluyan nang pinakawalan si Ramon ng mga pulis at itinuring ng “case closed” ang nangyaring massacre. Ipinaliwanag nang mabuti ng mga pulis sa mga kaanak ng mga namatay ang proseso ng imbestigasyon at kung paano nila napagtagni-tagni ang ebidensya laban kay Phillip.
 
Sa pahayag naman ni Mayor Rody Duterte ng Davao City, bukas daw ang kanilang pulisya sa anumang hiling ng pamilya na muling buksan ang kaso, basta’t may bagong ebidensyang lumabas na maaaring mag-iba ng resulta ng imbestigasyon.
 
Samantala, nailibing na ang mga biktima at mahirap man para sa mga naulila na tanggaping mismong kaanak pa nila ang may sala, kailangan nilang magpakatatag para makabangon mula sa madilim na bangungot na ito.—Irvin Cortez/BMS



Ang kuwentong ito ay unang itinampok sa "Imbestigador". Ang mga larawang ginamit ay halaw sa pagsasadula ng kaso. Napapanood ang "Imbestigador" tuwing Sabado ng hapon, 4:45 PM, pagkatapos ng Startalk. I-like ang official Facebook page ng Imbestigador at sundan ang Twitter account nito para sa updates.

Bisitahin din ang archives nito para sa iba pang kuwento ng mga kasong tinalakay sa programa.