ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Nagbigti o binigti?: Ang misteryosong pagkamatay ni Scarlet Debalucos


Ang kuwentong ito ay unang itinampok sa "Imbestigador." Ang mga larawang ginamit ay halaw sa pagsasadula ng kaso. Mapapanood ang "Imbestigador" tuwing Sabado ng hapon, 5:10 PM, pagkatapos ng Startalk. I-like ang official Facebook page ng Imbestigador at sundan ang Twitter account nito para sa updates.
 
Bisitahin din ang archives nito para sa iba pang kuwento ng mga kasong tinalakay sa programa.


 
Nagpakamatay o pinatay? 
 
Sa isang barangay sa lungsod ng Cebu, isang ginang ang natagpuang nakabigti sa kanilang kisame. Siya ba mismo ang nagwakas sa kaniyang buhay o may iba pa bang responsable sa pagkamatay niya?
 
Ang pagbabalik ni Scarlet
 
Nitong 2013, umuwi sa Cebu ang noo’y 20-anyos na si Scarlet Debalucos dala ang kaniyang dalawang anak at ang sanggol na nasa sinapupunan pa niya. Bitbit daw ni Scarlet ang isang masamang balita na nagtulak sa kaniyang umuwi, ang paghihiwalay nila ng kaniyang asawa. Ito raw ang isa sa naging dahil ng kaniyang pagakahulog sa depresyon.

 
Napagpasiyahan ng ina ni Scarlet na si Aling Rosemarie na humingi ng tulong sa albularyo para sa kaniyang anak. Dinala niya si Scarlet kay Romeo “Jessie” Castro, ang kilalang albularyo sa kanilang lugar.
 
“Dinala ko siya kay Jessie para makaganti siya sa asawa niya,” ani Aling Rosemarie.
 
Isang ritwal daw ang isingawa ni Jessie laban sa dating kinakasama ni Scarlet.
 
“Ilang araw lang, nabalitaan namin na may masamang nangyari sa lalaki,” kuwento ni Aling Rosemarie.
 
Pero hindi rito natatapos ang pagtulong ni Jessie kay Scarlet. Bukod sa paghihiganti sa kaniyang dating asawa, tutulungan din ng albularyo na makaahon si Scarlet mula sa kahirapan. Ang kaniyang solusyon, hahanapan daw niya ng nobyong Amerikano ang dalaga. 
 
Ang pagbabago ng ihip ng hangin
 
Nang dumating ang bunsong anak ni Scarlet, bumalik ang dati niyang saya at sigla. Ngunit hindi lang pala ito ang nagpapaligaya sa kaniya. Napag-alaman na lang daw ni Aling Rosemarie na may namumuo ng pag-ibig sa pagitan ng kaniyang anak at ng albularyong si Jessie.

 
“Hindi ko matatanggap ang relasyon nila. Hindi dapat siya sumama diyan dahil may pamilya na [si Jessie,]” pagtutol ni Aling Rosemarie.
 
Pero tila bulag daw sa pag-ibig si Scarlet noong mga panahong ito. Patuloy siyang sumusuway sa mga pangaral ng kaniyang ina. At dahil sa sunod-sunod na ang kanilang ‘di pagkakaunawaan, isang matinding pagtatalo ang sumiklab sa pagitan nila.
 
Isang araw, napagpasiyahan na lang ni Scarlet na mag-impake ng gamit kasama ang kaniyang tatlong anak para makipagtanan kay Jessie. Kung tutuusin daw kasi, halos kadugo na kung ituring ni Jessie ang mga anak ni Scarlet.
 
"Maayos naman ang buhay nila noong simula sabi ng mga anak ni Scarlet," ani Aling Rosemarie.
 
Naging mabuti naman daw ang unang pagsasama nina Scarlet at Jessie. Pero matapos ang isang taon, isang text message ang gumulat kay Aling Rosemarie---gusto na raw umuwi ni Scarlet sa kanilang bahay. 
 
Hindi na nagdalawang isip si Aling Rosemarie at buong puso niya pa ring tinanggap ang nag-iisa niyang anak.
 
Dito na rin nagtapat si Scarlet sa kalbaryong dinanas niya sa pagsasama nila ni Jessie. Ilang ulit daw siyang pinagbuhatan ng kamay nito.
 
Ang hindi inaasahan
 
Bilang isang mapagmahal at mapagmalasakit na ina, tinupad ni Aling Rosemarie ang kaniyang pangako na tulungan ang anak na muling makabangon. Isang maliit na negosyo ang sinimulan nila ni Scarlet. Nagtinda sila ng mga prutas tulad ng mangga at kung ano-ano pa. Hindi man daw ganoon kalaki ang kinikita, sapat naman na raw ito sa pang-araw-araw nilang gastusin.

 
Nagsimula na rin daw mag-ipon si Scarlet dahil nais niyang magpatayo ng computer shop sa tapat ng bahay nila. Maliit lamang ang kanilyang kinikita pero nakakapag-laan pa rin daw naman siya ng ipon para sa pangarap na negosyo. 
 
Kuntento at masaya naman daw si Scarlet sa panibagong buhay nito kaya laking gulat na lang ng kaniyang pamilya ng makarating sa kanila ang karumal-dumal na balita. 
 
Nitong ika-22 ng Hunyo, natagpuan si Scarlet na nakabigti sa sarili nitong kuwarto.
 
Ang hiwaga sa kaniyang pagkamatay
 
Isang kapitbahay ang nakakita sa isang lalaki na pumasok daw sa kuwarto ng mag-iina, ang dating kinakasama ni Scarlet na si Jessie. Matapos daw nitong pumasok ay isang kakaibang tunog ang kaniyang narinig. Sinubukan pa raw niyang tawagin si Scarlet ngunit tuluyan nang isinara ni Jessie ang pinto.
 
Inamin ng 6-anyos na anak ni Scarlet ang nasaksihan nito noong gabing iyon. Ito ang mas nagpa-igting sa pamilya niya para alamin ang tunay na dahilan ng kaniyang pagbibigti. 
 
Kuwento ng bata sa mga pulis, nagpanggap daw itong tulog nang pumasok sa silid nila ang amain. Noong una raw ay nagalit si Jessie kay Scarlet at humantong ito sa muling pananakit niya rito. Sinikmuraan daw ni Jessie ang kanilang ina kaya nawalan ito ng malay. Pagkatapos, ibinaba raw nito ang dalawang taong-gulang na sanggol mula sa duyan, tinaggal ang tali nito at ginamit sa pagsakal sa kanilang ina. Dito na raw itinali ni Jessie si Scarlet sa kisame ng kuwarto.

 
Nakita rin daw ng pinsan ni Scarlet na si Hutsh na lumabas si Jessie sa kwarto ng mag-iina, hanggang sa natagpuan na niyang nakabigti si Scarlet.
 
Ang sigaw ng pamilya ni Scarlet
 
Dahil nagtugma ang mga salaysay ng mga saksi, pinuntahan na ng mga pulis si Jessie sa tahanan nito. Panay daw ang tanggi nito sa mga salaysay laban sa kaniya. Nagkita pa raw ang anak ni Scarlet at ang amain nitong si Jessie ngunit daing nito, hindi raw niya kayang patayin ang dating nobya.
 
"Hindi ko magagawang patayin si Scarlet. Hindi rin ako pumunta sa bahay nila noong gabing iyon," ani Jessie.

 
Dahil kinatigan ng mga pulis ang mga nakasaksi sa pangyayari, sinampahan pa rin nila ng kasong murder si Jessie. Hindi raw mapapiyansahan ang kaso kapag napatunayang siya ang may sala. 

 
Nitong ika-28 ng Hunyo ay inihatid na sa kaniyang huling hantungan si Scarlet. Ang pangako ng kaniyang pamilya, hinding-hindi raw sila susuko hangga't hindi tuluyang nakakamit ang katarungan.---Laurence San Pedro/BMS