Kaso ng pagpatay sa isang 13-anyos na babae sa Caloocan, sisiyasatin sa 'Imbestigador'

Sa murang edad, ang trese anyos na si Chaolin ang tagapagtaguyod ng kanyang pamilya. Pero ang pagbabanat niya ng buto ang magpapahamak pala sa kanya.
Ika-5 ng Pebrero nitong taon, isang trese anyos na dalagita ang natagpuang hubo’t hubad, nakatakip ng plastic ang ulo, may nakapasak na styrofoam sa bibig at wala nang buhay. Kinilala ang bata bilang si Rebecca Galguerra o “Chaolin”.
Madiskarte, masipag, mapagmahal. Ganito ilarawan ang batang si Chaolin. Sa murang edad, siya raw ang tumayong “breadwinner” ng pamilya. May sakit ang ina niya at hindi rin sapat ang kinikita ng kanilang padre de pamilya. Imbes na maglaro, maagang namulat si Chaolin para itaguyod ang sariling pamilya. Hindi kalayuan sa kanilang bahay, kilalang “parking girl” si Chaolin. Sa pakaunti-kaunting barya na kinikita niya sa pagpa-parking ng mga sasakyan, nairaraos niya ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya. Bilang pandagdag-kita, nangangalakal at nanunungkit din ng mangga ang bata. Pero ang pagbabanat ng buto ni Chaolin ang magiging mitsa pala ng kanyang buhay.
Ano ang tunay na sinapit ni Chaolin? Sino ang taong responsable sa malagim na sinapit ng bata?
Wag palampasin ang nangungunang Imbestigador ngayong Sabado ng hapon, February 25 pagkatapos ng Wish Ko Lang sa GMA!




