ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Elite prostitution scam revealed


Episode on January 26, 2008 Saturday, 9:30 p.m. Direktor daw ng modeling shows si Francis. Nagre-recruit din siya ng mga batang modelo. Pagdating sa photo shoot, nauuwi diumano sa paghuhubad ang mga modelo – at ang hubad nilang larawan, ginagamit ni Francis para ibugaw sila. Isa sa mga nabiktima niya ang 17 taong gulang na si “Daisy." Hindi na raw nakatanggi ang na dalagita nang ibugaw siya sa mga foreigner. Hanggang sa tuluyan na siyang napabilang sa mga regular na ibinubugaw ni Francis. Ayon sa dating kumupkop kay “Daisy", hindi na nila alam kung nasaan ngayon ang dalaga na kinapitan na raw ng mga sexually transmitted diseases. Sa surveillance na ginawa ng Imbestigador, isang asset ang nagpakilalang aplikante kay Francis. Sa Bulacan naman, dalawang tao ang nagreklamo sa Imbestigador matapos mabalitaang patay na raw sila. Nangolekta pa raw ng donasyon ang mga pinuno ng kinabibilangan nilang samahan. Hiningan daw ng sampung pisong abuloy ang bawat miyembro. At dahil may mahigit kumulang anim na libong miyembro ang kanilang samahan, tinatayang P60,000 ang nakolekta. Kanino kaya napunta ang pera mula sa “mahiwagang pagkamatay" ng mga miyembro nila? Abangan ang aksiyon ng Imbestigador ni Mike Enriquez ngayong Sabado ng gabi sa GMA. Modelong Ibinubugaw Pagmomodelo ang inaalok na trabaho ni Francis sa kanyang mga aplikante. Pero sa kalaunan nauuwi ito sa pambubugaw. Pinaghuhubad daw sa photo shoot ang mga menor de edad daw na lalaki at babae. Ang mga larawan daw ang ginagamit ni Francis para ialok ang mga modelo niya sa mga foreigner at prominenteng kliyente. Masusing minanmanan ng Imbestigador ang iligal na gawain ng nagpapakilalalng direktor na nang-aabuso ng mga kabataan. Mga “Kampon" ni Kamatayan Sa Bulacan, dalawang tao ang nagrereklamo matapos nilang mabalitaan na patay na raw sila. Miyembro raw sila ng isang samahan na nagdadamayan tuwing may namamatay na kamag-anak. Pero ang kakaiba nga lang sa nangyari sa kanila, nanghingi na ng abuloy ang presidente at bise-presidente nila kahit buhay pa ang kanilang miyembro. Sanitarium ng Pasong Gamot? Ayon sa Commission on Audit report noong 2006, ilan daw sa mga building na pag-aari ng Culion Sanitarium ay nagiging tambakan lang ng mga expired na gamot sa halip na gamitin para sa mga pasyente. Daang libong piso rin ang naitala na overpricing ng nasabing ospital sa pagbili ng mga gamot. Ayon pa sa COA report, ang ilan sa mga ospital sa kalakhang Maynila tulad ng National Center for Mental Health, Rizal Medical Center at Quezon Memorial Medical Center ay bumili rin daw ng mga hospital supplies na overpriced. Abusadong mga taxi drivers Sa kanto ng Buendia Avenue at EDSA, marami ang nag-aabang na pasahero papasok sa mga opisina sa Central Business District ng Makati. Ito raw ang sinasamantala ng mga nakapilang taxi. Sinusulit nila ang kada biyahe. Pinuno nila ang taxi ng mga pasaherong hindi naman magkakakilala. Hindi sila gumagamit ng metro, P50 ang singil nila sa bawat pasahero. At dahil nagmamadali, wala nang magawa ang mga pasahero kundi kagatin ang raket na ito ng mga taxi driver.