Hilig ng mga Pilipino sa basketball, tatalakayin sa Investigative Documentaries
Sa gitna ng kalye, sa ilalim ng tulay, at kahit sa sementeryo ay may basketball court tayo.
Salat man sa tangkad, sagana naman daw tayo sa pangarap na maging mahusay na mga basketbolista.

Hindi ito laro lang para sa mga nangangarap na maging professional basketball player.
Ngayong bakasyon ang mga bata, dibdiban ang laban sa mga barangay. Ginagastusan ang uniporme pati ang referee at court. Kaya kahit pa kinakailangang manghingi ng donasyon sa mga kapitbahay, ninong, ninang, pati na sa politiko, gagawin ng mga manlalaro para lang makasali sa liga.
Taun-taon, naghahanap ng mahusay na atleta ang mga unibersidad sa Metro Manila na bahagi ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) at National Collegiate Athletic Association (NCAA).
Maraming benepisyo kapag napili kang varsity player. Libre ang matrikula, pati ang dormitoryo. May meal allowance at sagot rin ng eskwelahan ang mga gamit tulad ng uniporme.
Varsity players muna sina Scottie Thompson at Kevin Ferrer na kapwa PBA player na ngayon sa koponan ng Ginebra.

Ang pinakamataas na kinikita ng isang PBA player ay halos kalahating milyong piso kada buwan. Sa mga liga sa barangay, sino kaya ang susunod sa yapak nila?

Huwag kaliligtaang manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.