ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Mga ordinansa na nagbabawal sa paggamit ng plastik, epektibo nga ba?


29 August 2019 Episode

KAPLASTIKAN

 

Halos 164 milyong plastic sachet, mahigit 48 milyong plastic shopping bag, at mahigit 45 milyong plastic labo bag ang nagagamit ng mga Pinoy araw-araw ayon sa Global Alliance for Incinerator Alternatives o GAIA.

Sa kabila ito ng mga ordinansang ipinatutupad ng iba’t ibang lokal na pamahalaan na nagbabawas o nagbabawal ng paggamit ng plastic, ilang bundok pa rin nito ang nadadagdag sa ating mga basurahan.

 

Ang Los Baños, Laguna ang pinakaunang bayan sa bansa na nagpatupad ng plastic ban. Ecobags at paper bags ang gamit sa mga tindahan at pamilihan. Plastic labo lang ang pinahihintulutang gamitin para sa isda at karne. Ang lalabag sa ordinansa, maaaring magmulta ng P500 hanggang P2,500, at maaaring makulong ng hanggang anim na buwan. Sa mga negosyo, maaring makansela ang lisensya ng isang taon.

 

Mahigpit ding ipinagbabawal sa San Pablo City sa Laguna ang paggamit ng plastic sa dry goods. Ipinagbabawal din sa mga kainan ang paggamit ng mga plastic na straw, baso, kutsara, at tinidor. Kaya ang ilang mga kainan, bamboo straw o kaya naman ay food straw na gawa sa kanin at cassava ang ginagamit pamalit sa plastic.

 

Nagdadala rin ng ecobag o bayong ang mga mamimili sa palengke sa Lucban, Laguna bilang pagsunod sa ordinansa. May multang P300 hanggang P2,000 sa mga lalabag. Maaari ding makulong ng limang araw hanggang isang buwan at makansela ang business permit.

 

Dahil dito, sa diyaryo o papel ibinabalot ang mga isda at karne. Nagdadala rin ng sariling microwavable containers ang mga bumibili ng pagkain.

Sa Quezon City, hinihigpitan din ang paggamit ng plastic bag. Hinihikayat ang mga mamimili na magdala ng reusable bag sa pamimili. Ang mga walang dala, kailangang magbayad ng P2 kada plastic bag. Ang pondo ay napupunta sa “green fund” ng mga pamilihan na gagamitin daw sa mga proyektong pangkalikasan. Nagbibigay naman ng kanya-kanyang insentibo gaya ng “reward points” ang mga pamilihan sa mga customer na nagdadala ng reusable bag.

 

Gaano nga ba kaepektibo ang mga ordinansa sa pagbabawas ng paggamit ng plastic sa bansa at anu-ano ang mga alternatibong pwedeng gamitin pamalit sa plastic?

Manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV.