ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'Wanted Family,' dokumentaryo ni Sandra Aguinaldo ngayong Sabado sa 'I-Witness'


 


Sa nursery ng pinakamatandang bahay ampunan sa bansa, labintatlong sanggol ang nag aagawan sa atensyon ng mga bisita. Tinataas ang maliliit na braso at nagpapakita ng pinakamatatamis na ngiti para sa tsansyang mayakap ng taong di naman nila kilala. Pero mauwerte pang maituturing ang mga batang ito sa Hospicio de San Jose sa Maynila. Sila ang mga batang nauunang nakakahanap ng bagong mommy at daddy.

Sa Pilipinas, ang mga batang di pa umaabot sa isang taon ang kadalasang pinipili ng mga gustong mag ampon. Habang tumatanda ang bata, unit-unti ring lumillit ang tsansang makahanap sila ng pamilya. Sa katunayan, kapag tumuntong na ang bata sa dalawang taon, pinipila na sila para sa mga gustong mag ampon mula sa ibang bansa.

Kapag sinusuwerte, maghihintay ang bata ng di bababa sa dalawang taon.

Pero marami rin ang mga batang hindi pinapalad dahil madugo ang proseso ng pag-ampon sa loob at labas ng Pilipinas.  Maraming hinihinging dokumento ang mga ahensya ng gobyerno. Pagkatapos nito, daraan pa sa korte. Minsan, may mga batang naiipit na lang sa masalimuot na mga proseso ng pag-ampon at naipagkakait sa kanila ang pagkakataong mapabilang sa isang pamilyang matatawag nilang kanila.

Ngayong Sabado sa I-Witness, kikilalanin ni Sandra Aguinaldo ang mga batang patuloy na naghihintay at umaasang mahahanap ang kanilang panghabambuhay na pamilya. Mapapanood ang “Wanted: Family” sa GMA 7, pagkatapos ng Lip Sync Battle Philippines.