'Titser sa Isla ng Pangarap,' dokumentaryo ni Sandra Aguinaldo ngayong Sabado sa I-Witness
“TITSER SA ISLA NG PANGARAP”
Dokumentaryo ni Sandra Aguinaldo
March 18, 2017

Si teacher Albert ang mukha ng tagumpay para sa mga bata sa isla ng Halian. Siya ang kumakatawan sa bawat mahirap na estudyanteng nasa loob ng silid-aralan niyang walang kuryente. Ang buhay niya ay buhay ng kanyang mag-aaral. Nagmula si teacher Albert sa isla ng Socorro sa Surigao del Norte.
Mula pagkabata, alam niyang di niya gustong maging isang mangingisda tulad ng ama. Nakita niya ang halos pang araw-araw na pakikipagbuno nito sa mga alon. May mga pagkakataon ring muntik nang mamatay ang ama sa dagat. Malinaw kay teacher Albert na ang tanging pag-asa niyang makawala sa ganitong buhay ay sa pamamagitan ng edukasyon. Gade 3 lang ang inabot ng ina at ama hanggang grade 6 lang. Pero hindi niya hinayaang kitilin ng kahirapan ang inaasam na magandang buhay. Nagtrabaho at nag-aral siya ng sabay. Sa kalaunan, nagtapos siya sa kolehiyo—ang kauna-unahan sa kanyang pamilya na makagawa nito.
Si teacher Jovanne ay maituturing na mas mapalad kay teacher Albert. Dating principal na naging vice-mayor ang kanyang ama. Hindi raw niya pinangarap na maging guro dahil gusto niyang maging pulis. Nang tinutulan ito ng kanyang ama, nagdesisyon si teacher Jiovanne na sumunod sa yapak ng kanyang magulang.
Ang dalawang guro bumibiyahe patungong Halian island sakay ng kanilang maliit na bangka. Ang tatlong oras na biyahe sinasalubong ng malalaking alon. Dumarating silang basang-basa pero tanggap nilang kasama ito sa buhay ng isang nagtuturo sa malayong isla.
Si teacher Albert na ngayon ang bumubuhay sa kanyang pamilya at si teacher Jovanne naman ay may asawa at kambal na anak na naiwan sa Socorro. Umuuwi sila sa pamilya dalawang beses sa isang buwan pero mahal at delikado ang bawat biyahe. Gayumpaman, naiintindihan ng mga guro kung gaano kahalaga ang papel nila sa buhay ng mga estudyante sa Halian. Dahil walang high school sa isla, ang karamihan sa kanila, hanggang elementarya lang ang matatapos. Kakaunti ang nakakatawid-dagat para ipagpatuloy ang pag-aaral sa ibang lugar. Marahil, ang mga leksyon sa loob ng classroom nina teacher Albert at Jovanne ang tangi nilang maririning.
Pero higit pa sa pagbabasa o pagbibilang, tinuruan sila ng mga gurong ito na mangarap. At marahil para sa marami sa kanila, ito ang pinakamahalagang leksyong kanilang matututunan para magtagumpay.
Ngayong Sabado sa I-Witness, uupo si Sandra Aguinaldo sa klase para makasama ang mga taong hindi natitinag sa kanilang mga pangarap.