ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
EPISODE SYNOPSIS

KUYA, dokumentaryo ni Jay Taruc ngayong Sabado sa I-Witness


“KUYA”
Dokumentaryo ni Jay Taruc
June 10, 2017

Simula pagkapanganak, hindi na naranasan ni John Paul na makalakad ng nag-iisa. Pinutol na kasi ng mga doktor ang kanyang kaiwang paa para maiwasan ang impeksyon. Simula noon lagi na siyang binubuhat kahit saan man siya magpunta.

Walong taong gulang na ngayon si John Paul. Sa tulong ng kanyang nakatatandang kapatid na si Frederick, nakakapasok siya sa eskuwelahan. Pinapasan siya papasok at pauwi, apat na beses sa isang araw, limang beses sa isang linggo.

Pangalawa sa panganay si Frederick, umeekstra siya bilang construction worker sa mga katabing lugar kapag nasa eskuwelahan si John Paul. Hindi kasi siya puwedeng lumayo sa eskuwelahan sakaling may mangyaring  emergency sa kapatid.

Hiwalay na rin ang kanyang magulang. Ang panganay na kapatid nag-asawa agad at may dalawa nang maliliit na anak. Kaya si Frederick na ang tumatayong tagapagtaguyod ng siyam na kapatid, isang magulang, at dalawang pamangkin.

Pinipilit niyang gawing normal ang buhay ni John Paul. Pinapasyal niya ito sa labas pagkatapos ng eskuwela. Kinakaupsap rin ng personal ang mga nanunukso sa kapatid.

Ipinangako ni “Kuya JanJan,” na aalagaan niya ang kapatid hangga’t kaya niya, hanggang sa dumating ang isang himala at makalakad ito.

Tunghayan ang sakripisyo ng isang lalaki para sa kaniyang kapatid sa dokumentaryo ni Jay Taruc ngayong  Sabado sa I-Witness.