'Kakosa, Kaklase,' dokumentaryo ni Kara David ngayong Sabado sa I-Witness
“KAKOSA, KAKLASE”
Dokumentaryo ni Kara David
September 2, 2017

Ang kadalasang tingin ng lipunan sa mga kriminal – masahol pa sa hayop at dapat mabulok sa loob ng kulungan. Pero may ilan na habang hindi pa nakakamit ang inaasam na kalayaan, sinisimulan na ang pagbabagong buhay sa pamamagitan ng edukasyon.
Ang apatnapu't isang taong gulang na presong si Richard, “no read, no write” noong makulong. At dahil ni hindi man lang niya alam kung paano isulat ang sariling pangalan, ipina-tattoo ito ni Richard sa katawan para hindi raw niya ito malimutan. Pero makalipas ang dalawang taong pag-aaral sa ilalim ng Alternative Learning System sa loob ng New Bilibid Prison, natuto na ngayon si Richard na magbasa at magsulat.
Ang kakosa naman niyang si Phil, nakulong noong disiseis anyos pa lang. Pero imbes na sayangin ang kanyang kabataan, nag-aral siya ng elementarya at ngayo'y magtatapos na ng high school sa loob ng bilibid. Madalas pang first honor si Phil at ang nakukuhang medalya't diploma, ipinadadala niya sa pamilyang nananabik sa nalalapit na rin niyang paglaya.
Humanga sa kuwento ng pagbabagong buhay ng ilan sa mga presong nakilala ni Kara David. Panuorin ang dokumentaryo niyang “Kakosa, Kaklase” ngayong Sabado sa I-Witness, pagkatapos ng Celebrity Bluff sa GMA 7.