ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

"Ginto ng Bantayan," dokumentaryo ni Howie Severino ngayong Sabado sa I-Witness


 

“GINTO NG BANTAYAN”

Dokumentaryo ni Howie Severino

April 28, 2018

Sa sinaunang Pilipinas, maaaring i-barter ang isda sa ginto.

Ngayon, isang nalimutang tuldok sa Visayas ang Bantayan Island.  Ngunit dati, sentro ito ng pangangalakal bago pa man dumating ang mga Kastila. 

Napakayaman noon ng Bantayan at kaya nitong sustentuhan ang isang komunidad ng mga mandirgimang lumulusob sa kalapit na Mindanao.  Pintados ang tawag sa mga taga roon, mga mandirigmang tadtad ng tattoo at may ginto pa sa kanilang mga ngipin.

May katibayan din na marunong magsulat sa baybayin ang mga taga isla, sa pirma ng mga Bantayanon sa isang dokumento ng diborsyo na legal noong sinaunang panahon.

Ngunit halos walang pormal na pag-aaral sa Bantayan ang naisulat sa mga pahina ng kasaysayan.  Mas kilala ngayon ang isla bilang isa sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda.

Bibisitahin ni Howie Severino at ng kaniyang team ang isla ng Bantayan at susubukang hanapin ang mga bakas ng ating sinaunang mga ninuno.  Sasamahan nila ang ilang mga residente na matiyagang sinusuyod ang dalampasigan para makahanap ng mga artifact. Minsan raw kasi, nakaka-tiyempo sila ng ginto.

Ngunit ang pinakamalaking artifact na makikita ng I-Witness team, ay pinaniniwalaang may sumpa at kinatatakutan maging ng mga residente doon.