'Balik Bundok', dokumentaryo ni Kara David, ngayong Biyernes sa 'I-Witness'

I-WITNESS KARA DAVID TEAM
AIRING: NOV. 6, 2020
Ngayong unti-unti nang nagbubukas ang turismo sa Pilipinas, muling sasabak si Kara David sa isang paglalakbay. Tatawid ng ilog, aakyat ng bundok at papasukin ang makikipot na kuweba --- baon ang kanyang tibay ng dibdib at lakas ng loob.
Dahil sa ipinatupad na lockdown noong Marso – halos pitong buwang isinara ang Biak na Bato National Park sa San Miguel, Bulacan. Nawalan ng ikinabubuhay ang mga nagtatrabaho sa lugar bilang tour guide gaya ng mag-asawang Narciso at Analita. Kaya para may pagkakitaan, muli silang bumaling sa bundok para manguha ng buho. Tinatabas nila ito, pinapasan pababa at itinatawid ng ilog para gawing bakod na kanilang ipinagbibili.
Pero sa pansamantalang pagpapasara sa Biak na Bato National Park, nakahinga at nakapagpahinga raw ang inang kalikasan. Lumago ang mga halaman at may mga hayop daw na bumalik sa dati nilang tirahan. Ito ang pakay ni Kara sa pagpasok niya sa ilan sa mahigit isandaang kuweba ng Biak na Bato National Park.
Sumama sa muling paglalakbay ni Kara David at panuorin ang dokumentaryo niyang “Balik Bundok” ngayong Biyernes, November 6, sa GMA News TV.