ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Exorcism: Pagsanib ng dalawang demonyo sa katawan ni Clarita Villanueva


SANIB. Pinag-usapan sa loob at labas ng bansa ang isa umano sa mga pinakakahindikhindik na demonic possession sa kasaysayan ng mundo-- the exorcism of Clarita Villanueva.

Nanlilisik ang kaniyang mga mata. Puno ng sugat at kagat ang kaniyang buong katawan—malalim, mahapdi, mala-halimaw.

Sa dako paroon, isang babae ang nilulukuban ‘di umano ng mga hindi mawaring nilalang. Sa likod ng isang madilim at malamig na selda, naghuhumiyaw ang kaniyang boses na puno ng poot at paghihinagpis. Bakas sa kaniyang mga mata ang pagod, paghihirap, galit at takot.

Siya si Clarita Villanueva, isang Pilipinang minsang lumikha ng ingay hindi lang sa bansa kundi sa buong mundo, matapos ‘di umano sapian ng mga demonyo sa loob mismo ng kaniyang piitan taong 1953.

Ang kaniyang kuwento ay hindi na pangkaraniwan sa kasalukuyan ngunit patotoo ng mga saksi, ito ay isang katotohanan na gumimbal sa maraming konserbatibong paniniwala. Hindi isang kathang-isip. Hindi isang imahinasyon.

Narito ang kaniyang kuwento.

Si Clarita at ang kaniyang kamusmusan

Maagang namulat si Clarita sa konsepto ng mga multo, laman-lupa at demonyo. Ang kaniyang ina kasi ay isang ispiritista na harap-harapang nagsasagawa ng mga hindi pangkaraniwang seremonya. Ngunit si Clarita, maaga ring naulila. Matapos mamatay ang kaniyang ina noong siya 12 taong gulang pa lamang, wala na siyang ibang kamag-anak na puwedeng niyang puntahan.

Dahil sa labis na pagdarahop sa kanilang probinsya, napagpasyahan niyang bumiyahe pa-Maynila para maghanap ng hanapbuhay. Namasukan siya bilang kasambahay ngunit hindi rin ito nagtagal.

17 taong gulang siya noon. Dapat sana ay nag-aaral pa at nagpapakasaya ngunit dahil sa kawalan ng disenteng trabaho, napilitan siyang pumasok sa imoral at peligrosong industriya ng pagbebenta ng laman.

Si Clarita at ang kaniyang pagkakapiit

Isang malamig na umaga, bandang alas-dos ng madaling araw, naganap ang insidenteng nagdala kay Clarita sa likod ng malamig na rehas ng bilibid.

Sa kagustuhan kasing kumita ng pera, lumapit siya sa isang lalaki at nag-alok ng panandaliang-aliw. Hindi niya inasahang ang lalaki palang ito ay isang pulis kung kaya’t agad siyang pinadakip at ipinakulong.

Palibhasa’y bata pa, nahirapan si Clarita na dalhin ang lungkot at pangungulila. Ngunit ang kaniya palang pagkakakulong ay simula pa lang ng mas malagim at makapanindig-balahibong trahedyang sa hinagap ay hindi niya naisip na magaganap.

MALA-HALIMAW. Malaki ang mga mata, mabalahibo at malalaki ang ngipin, ‘yan umano ang wangis ng isa sa mga nilalang na nagpahirap kay Clarita.

MALA-TIYANAK. Maliit at may matutulis na ngipin naman ang isa pang demonyong lumapastangan sa murang katawan ni Clarita.

Si Clarita at ang dalawang diyablo

Nagsimula ang lahat sa mga bulong, kaluskos at pagpaparamdam.

Ilang linggo pa lang siya sa loob ng piitan nang magsimula siyang makakita ng mga nilalang na may kahindik-hindik na wangis. Isang mala-halimaw ang hitsura -- mabalahibo,  may malaking mata at malalaking ngipin-- habang ang isa ay mala-tiyanak ang wangis at may matutulis na pangil.

Lumipas ang ilan pang mga araw, ang panggagambala ng mga ito, umabot na sa pisikalan.

KAGAT. Sabay-sabay nagsulputan ang mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ni Clarita animo’y kinagat ng mga hindi pangkaraniwang nilalang.

Sa hindi maipaliwanag na pangyayari, napuno ang katawan ni Clarita ng mga kagat—mga hiwa at sugat sa balat na baon hanggang laman. Ayon sa salaysay ni Lester Suralla, isang Amerikanong pastor na tumulong na palayain si Clarita sa pang-aalipin ng mga demonyo, sabay-sabay raw ang misteryosong pagsulpot ng mga sugat sa katawan ng dalaga. Araw-gabi, umaalingawngaw sa buong pasilyo ng bilibid ang kaawa-awang panaghoy ng dalaga.

PALAISIPAN. Hindi mawari ng mga doktor na tumingin kay Clarita kung ano ba ang sakit na tumama sa dalaga.

Maging ang mga doktor mula sa iba’t ibang lungsod na tumingin sa kalagayan ni Clarita, hindi rin maipaliwanag ang kaniyang sinapit.  Dalawa sa mga ito, namatay ilang araw matapos silang isumpa ng dalaga.

MISTERYOSO. Patay ang dalawang doktor matapos isumpa ni Clarita. Ang isa sa kanila, bigla na lang daw tumigil ang tibok ng puso isang araw matapos ang engkuwentro.

“Mamamatay ka!” Sambit ni Clarita sa dalawang doktor na nais sanang tumulong sa kaniya.

May mga nagsasabi na baliw umano si Clarita ngunit paano maipaliliwanag ang mga nagsulputang  kagat na misteryosong umabot sa kaniyang likod, balikat at leeg?

Ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) naniniwala rin sa mga ganitong uri ng insidente. Katunayan, hindi ito ang unang beses na nakasaksi ang simbahang Katolika ng demonic possession, marami pa umanong iba.

Si Clarita at ang kaniyang paglaya

Sa tulong ni Pastor Lester Suralla, nakalaya sa wakas si Clarita. Hindi lang sa mapang-aliping mga nilalang na minsang sumira sa kaniyang buhay kundi maging sa piitang naging piping saksi sa kababalaghang kaniyang pinagdaanan.

“Kinausap ako ng Panginoon at pinapunta sa Bilibid para ipagdasal si Clarita. Ayaw ko sanang pumunta pero aniya,wala na raw ibang maaaring ipadala mula sa siyudad bukod sa akin,” salaysay ni Pastor Suralla.

Matapos makalaya sa piitian, namuhay nang normal sa Clarita, nakapangasawa at nagkaroon ng anak. Palaisipan pa rin sa kaniya at sa lahat ng mga nakasaksi kung ano eksakto ang kaniyang pinagdaanan pero isa ang sigurado, hinding-hindi nila ito makalilimutan kailanman.